Tatlong tulang kontra Sona


Tatlong tulang kontra sa darating na State of the Nation Address ni Gloria Macapagal Arroyo

Nanginginig ang nagsasangang dila
(para at di para kay Gloria)
ni Mykel Andrada

Malungkot ang ahas
sa loob ng masukal
na palasyo.
Sinong hindi malulungkot
sa nakalululang kahungkagan
ng ninakaw na kaharian?
Sinong hindi malulungkot
sa sangsang ng ilog-burak
na naglulumusot
at nagtutumagos
sa malamig na pader
ng kaniyang palasyo
kung ang ipinapaalala nito
ay ang lahat niyang kabulukan?

Kakambal ng lungkot
ang bukod niyang pangamba.
Maging ang pinakamakamandag
na ahas ay kinukutkot ng takot.
Kaya’t nanlilisik ang mata
at nanginginig ang nagsasangang
dila; pilit niyang tinatantiya
ang itatagal ng pagkadambana
kahit na ang naaamoy ng dila
ay ang nakaambang pagkapigtal
ng ninakaw na kapangyarihan.

Sinong hindi mangangamba
sa nakalulungkot na kahungkagan?
Sinong hindi malulungkot
sa nakahuhungkag na pangamba?

Laluna’t sa labas ng palasyo
ang mga tinuklaw ng ahas
ay nagpupumiglas
at ang mga nilingkis
ay nagbibigkis.