Dahil huling SONA mo na…

July 18, 2009

Para sa iyo ito, Gloria Macapagal-Arroyo. Pasensiya na’t nakasulat ito sa wikang hindi ka masyadong pamilyar. Isipin mo na lang na balewala ang paghihirap mong intindihin ang sanaysay na ito kumpara sa araw-araw na pakikibaka ng milyun-milyong Pilipino para lang mabuhay.

Puno ng pag-asa ang bansa noong mailuklok ka sa puwesto, salamat sa EDSA Dos. Kasama ang marami pang Pilipino, naroon ako sa EDSA Shrine noong Enero 2001 para saksihan ang makasaysayang panunumpa mo bilang kapalit ng pinatalsik na si Joseph Estrada.

Bida ka noon, pinalakpakan ng maraming tao. Tiningnan ka bilang alternatibo kay Estrada na kauna-unahang Pangulong na-impeach dahil sa maraming akusasyon ng katiwalian. Sa wakas, may isang Pangulo sa katauhan mong hindi nabahiran ang pangalan habang miyembro ng Senado at ng Gabinete, at maging noong Pangalawang Pangulo ka pa.

Pero maraming nangyaring anomalya ilang buwan ka pa lang na nanungkulan bilang Pangulo.  Inakusahan kaagad si First Gentleman Mike Arroyo na tumanggap ng lagay na P50 milyon noong Hulyo 2001. Ito raw ay para bawiin mo ang iyong veto sa dalawang franchise bills (na naglalayong bigyan ng prangkisa ang Philippine Communication Clearinghouse at APC Wireless Interface Network).

Sa unang tingin, paninira lang ito sa iyong administrasyon dahil hindi mo naman binawi ang iyong presidential veto. Nang akusahan ng iyong asawa ang whistle-blower na siyang tumanggap ng lagay, biglang binawi ng huli ang kanyang akusasyon sa isang pagdinig ng Senado.

Pero kapansin-pansin ang sunud-sunod na anomalyang kinasangkutan ng iyong pamilya sa pagdaan ng mga taon. Hindi na sapat ang mga katwirang “simpleng paninira” o “malawakang destabilisasyon” para ipagkibit-balikat ang mga pahayag ng iba’t ibang indibidwal at grupo. Malinaw, halimbawa, ang ebidensiya ng pandaraya sa eleksiyon noong 2004, at hindi lang ito dahil sa audio tape conversation (tinaguriang “Hello, Garci”) sa pagitan mo at ni Virgilio Garcillano, dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec). Sa isang banda, maraming nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay wala kang bukas na pag-amin kung ikaw nga ba talaga ang nasa kabilang linya ng telepono.

Maraming nagtangkang isagawa ang impeachment laban sa iyo, pero dahil kaalyado mo ang karamihan sa mga miyembro ng House of Representatives (HOR), nakaya mong harangin ang mga ito. Para masigurong mahina ang akusasyon laban sa iyo, ginamit mo si Oliver Lozano mula 2005 hanggang 2008 para siya ang unang maghahain ng reklamo laban sa iyo. Sadyang maaasahan mo ang isang katulad niyang oportunista sa “oposisyon,” at tandang-tanda mo pa ang paggamit ni Lozano sa partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) noong 2004 para patakbuhin ang isang kapangalan ni Alan Peter Cayetano, pangunahing kritiko ng iyong pamilya, para masabotahe ang pagtakbo ng huli sa Senado.

Siguro’y nagngingitngit ka sa galit sa pagkapanalo ni Cayetano, gayundin ng iba pang nasa oposisyon sa Senado. Ito ang dahilan kung bakit hindi mo maisulong ang planong baguhin ang Saligang Batas dahil ang kontrol mo ay limitado lang sa HOR.

Muli kang babalik sa HOR sa Hulyo 27 para ibigay ang pinaniniwalaang huling state of the nation address (SONA) mo. Sigurado akong magiging komportable ka sa iyong pagpunta sa Batasan dahil karamihan doon ay kaalyado mo. Baka nga regaluhan ka pa ng isang bagay na hindi na makakasorpresa sa iyo – ang biglaang pag-convene ng constituent assembly para ipatupad ang mga ninanais mong pagbabago sa Saligang Batas, lalo na ang pagpapalit sa sistema ng gobyerno para mapahaba ang iyong panunungkulan.

Sa labas ng Batasan, makakaasa ka naman na gagawin ng mamamayan ang lahat para pigilan ang anumang mapanlikhang balak mong pahabain ang iyong termino. Kung hindi ka man mapatalsik mula ngayon hanggang Mayo 2010, makakaasa kang pagbabayaran mo ang lahat ng mga kasalanan mo sa mamamayan sa iyong pagbaba sa puwesto. Sadyang maraming mag-uunahan sa pagsasampa ng kaso sa iyo oras na mawala ang iyong presidential immunity at maging ordinaryong mamamayan ka na lang.

Kahit na sabihing tatakbo ka pa sa mas mababang posisyon sa HOR, makakaasa kang pipigilan ng mamamayan ang iyong pagbabalik sa kapangyarihan.

Oo, huling SONA mo na ito sa ayaw mo’t sa gusto at ito na ang huli mong termino bilang Pangulo. Dahil dinala mo kami sa kangkungan, pagbabayaran mo ang iyong mga kasalanan. Wala ka nang iba pang pupuntahan kundi kulungan!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.