Ang iyong mga iniwan


Rebyu ng Diyos ng Maliliit na Bagay, isang salin ng yumaong Monico Atienza, propesor at aktibista.

Isinalin ng yumaong Monico Atienza, propesor at aktibista, ang The God of Small Things ng Indianong si Arundhati Roy bilang Diyos ng Maliit na Bagay. Maaari nating itanong, bakit naman pinagbuhusan ng panahon ng isang Filipino ang isang nobela tungkol sa buhay ng mga Indiano? Ang sagot ay simple: sapagkat ang mga akdang pampanitikan ay may kapangyarihang iparamdam sa mambabasa ang dapat sana’y nasa imahinasyon lamang.

Tungkol sa maraming bagay ang nobelang ito. Ang pagpopokusan ko ay ang mga isyu ng kasarian at seksuwalidad. Mahusay na inilarawan ni Roy, at mahusay na isinalin ni Atienza, ang tunggalian ng ari na naganap sa pagitan ng dalawang tauhan, ang babaeng si Margaret at ang lalakeng si Chacko. Narito ang paglilista ng mga dahilan kung bakit nauyam si Margaret sa kasal at hiniwalayan ang kanyang asawa:

“Hindi na nakakaaliw sa kanya na samantalang nagtatrabaho siya, nanatiling gayon pa rin karumi ang flat na kanyang inalisan. Na napakaimposible para ritong gawin man lang ang pagsasaayos ng higaan, o kaya’y ang maglaba o maghugas ng mga pinggan. Na hindi ito humihingi ng paumanhin sa mga sunog na upos ng sigarilyo sa bagong sofa. Na hindi man lang nito makayang ibutones ang shirt nito, maibuhol ang kurbata nito at maitali ang mga sintas ng sapatos nito bago maipakilala ang sarili sa isang interbyu para sa trabaho.”

Nakakainis ang dating ni Chacko, at mas nakakainis matanto pagkatapos basahin ang mga pangungusap na ito na wala nga palang diborsiyo sa Pilipinas, at napakaraming Filipino ang kulong sa ganitong sitwasyon. O, sa mas malala, isipin na lang ang kaso ng mga battered women. E ano kung walang diborsyo, maaaring sabihin, puwede namang iwan ng isang babae ang kanyang asawa. Pero, tali pa rin s’ya rito pagdating mga bagay na pinansiyal. At, hindi na s’ya maaaring mag-asawang muli. Nakahawla sa materyal at emosyonal na lebel.

Si Margaret, maaari n’yang iwan ang kanyang batugang asawa. At, nang makahanap s’ya ng lalakeng mas mabuti sa kanya, maaari n’ya itong pakasalan. “Si Joe ay lahat-lahat nang hindi si Chacko. Matimbang. May pera. Payat.”

Hindi lamang ang pulitika ng seks ang tinalakay ng nobela, kundi pati ang isyu ng caste. Sa Indiang inilalarawan ng nobela ni Roy, matindi pa rin ang diskriminasyon, lalo na sa mga tinatawag nilang Untouchable. Untouchable hindi dahil di maaaring galawin, kundi dahil nakakadiring mahawakan. Iyon ang tingin ng mga “Touchable.” Ito ang reaksyon ng tauhang tinatawag nilang Mammachi (ang matriarch ng pamilya Kochamma) nang malaman ang kanyang anak ay nakikipagtalik sa isang Untouchable: “Hinaka niya iyon sa pinakamatinding detalye: isang magaspang na kamay ng Paravan na nakahawak sa suso ng kanyang anak na babae. Ang bibig niya sa kanyang bibig. Ang maitim na mga balakang niyang aho’t lusong sa pagitan ng kanyang nakabukakang mga hita. Ang halinghing ng kanilang paghinga. Ang kakatwang amoy Paravan niya. Tulad ng mga hayop, naisip ni Mammachi at muntik nang masuka. Tulad ng isang asong kakambit ang isang naglalandi.

Narito ang kapangyarihan ng panitikan, lalo na’t sa wikang Filipino natin nababasa. Ramdam na ramdam ang pandidiri ni Mammachi. Pero ang epekto’y ang pagkasuklam sa kanya ng mambabasa. Sapagkat ang nanay na ito na nasuka sa pagmamahal ng kanyang anak na babae sa isang Untouchable, hinahayaan lamang na ang anak n’yang lalake, si Chacko, ay makipagtalik sa kung sino-sinong babae, kahit mga empleyado nila sa kanyang pabrika. Nagbubulag-bulagan s’ya sa nagaganap na harassment sa kanyang sariling pamamahay. Pinagawan pa nga n’ya si Chacko ng tagong lagusan para sa kuwarto, para sa “pangangailangang” panlalake nito. Samantalang si Ammu, ang tawag sa anak na babae ni Mammachi, ipinakulong sa kuwarto.

Ito ang ikutang pangyayari ng nobela. Dahil dito, pinatay sa pamamagitan ng bugbog si Velutha, ang Untouchable na mahal ni Ammu. Si Ammu ay namatay mag-isa, malayo sa kanyang pamilya, dahil pinalayas s’ya ni Chacko sa isang kaugnay na insidente. Walang pagkukunwari si Roy sa paglalarawan n’ya ng kontradiksiyon at tunggalian sa lipunan. Hindi pantasya ang kanyang isinusulat. Ngunit, may teknik pa rin s’ya upang hindi maging pesimistiko ang kanyang nobela. Ang sinasabi n’ya, oo, malupit ang mundo, pero meron pa ring pag-asa. Ang kanyang ginagawa, naglaro s’ya sa presentasyon ng panahon. Ang nangyari, hindi kronolohikal ang ayos ng nobela, patalun-talon at paikut-ikot ang takbo nito. Sa ganitong paraan, ang pagtatalik at pagmamahalan ni Ammu at Velutha ay ilalarawan sa dulo ng libro, pagkatapos malaman ng mambabasa ang karumal-dumal na katapusan nito. Ang huling salita ang puso ng Diyos ng Maliliit na Bagay: “Bukas.”

Ang kinabukasan ang nagbibigay sa atin ng lakas, at dahilan para maging optimistiko. Noon, wala namang diborsiyo. Bukas, maaaring wala na ang diskriminasyon at dahas. Ngayon, walang diborsiyo sa Pilipinas. Bukas, maaaring meron nang kalayaan, hindi lamang para sa mga kababaihan kundi sa lahat ng uring api. Ito ang kinabukasang iniwan sa atin ni Monico Atienza.

Si U Eliserio ay nagtuturo ng popular na kultura sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman. Awtor s’ya ng mga nobelang Sa mga Suso ng Liwanag at Di Lang Anghel. Myembro s’ya ng Asosasyon ng mga Manunulat ng Popular na Panitikan o AMPP.