Pasintabi

Sulat kay Uncle Sam


Pasensya na, Uncle Sam at nangahas akong sumulat sa iyo. Hindi ko mapigil ang sarili, umabot na kasi ng sampung taon ang di pantay na kasunduan ng VFA (Visiting Forces Agreement). Mayroon lang akong nais sabihin sa iyo. Prangkahan tayo. Akala ko ay tatantanan mo na kami nang patalsikin ang base militar ng US ng […]

Pasensya na, Uncle Sam at nangahas akong sumulat sa iyo. Hindi ko mapigil ang sarili, umabot na kasi ng sampung taon ang di pantay na kasunduan ng VFA (Visiting Forces Agreement). Mayroon lang akong nais sabihin sa iyo. Prangkahan tayo.

Akala ko ay tatantanan mo na kami nang patalsikin ang base militar ng US ng Senado noong 1991. Malingat lang kami, noong 1999, naipasok na naman ang kasunduan na hindi man lang inaprubahan ng mga Senado ng dalawang bansa. At pinalulusot lamang ito bilang agreement at hindi tretado!

Sino ang nakikinabang? Ikaw at ang global war on terror mo? Si Arroyo na binigyan mo nang napakaraming military frebbies o giveaways nang sumali ito sa iyong digmaan bilang pinakahaligi sa Southeast Asia? Hanggang anim na buwan silang naglalagi rito sa bansa, at sa mga lugar na may isyu sa insurgency? Dati sa Sulu, ngayong taon ay sa Bikol.

Nang mapatunayang nagkasala si Daniel Smith sa panggagahasa kay Nicole, bigla-bigla na lamang bumaligtad si Nicole, at sa kalaliman nang gabi, naglaho siya, sa tulong ng bagong-bigay na visa sa iyong embahada rito, pati na rin si Smith. Sa taong pinawalang-sala si Smith ni Nicole, lumantad naman si Vanessa para sa panibagong kaso ng panggagahasa ng iyong sundalo. Wala na bang katapusan ito?

Lumaki akong sinabi ng mga libro at aking edukasyon na kaibigan kayo ng Pilipinas. Nauna na ang aking mga nuno na dumaan din sa kahalintulad na klasrum ng nakaraan, peacetime era raw ang yugto ng iyong pagkasakop sa bansa, kahit pa may dalawang milyong kababayan ko ang pinaslang sa Filipino-American War.

Lumaki akong ang mansanas na galing sa Washington at California mo ay tunay na kasiya-siyang inuuwi kapag pasko lamang. Malulutong at pulang-pula, kasing laki ng mga mata naming umaasam dito. Di kaya ito ang mga galing sa mga puno ng mansanas na pinitas ng ilang dekada ng mga migranteng Filipinong manggagawa simula ika-19 siglo?

Ngayon, ang mga malalaking groseriya at sari-sari store sa kanto ay namumutiktik ang shelves ng produktong galing sa inyo. Naalaala kong nakikita ko lamang, natitikman ang ganitong tsokolate at cookies mula sa tiyuhing steward ng Philippine Airlines. Ang iyong mga pelikula at palabas ang namamayagpag sa aming mga sinehan at telebisyon.

Naalaala ko ang black-and-white na pelikula ni Tarzan, pati sina Rambo ng sumunod na mga dekada, at maging si Spiderman at Superman, ang naging bayani ng kulturang popular ko. Nawala sina Darna, Super-Gee, Dyezebel, Captain Barbell, at maging ang Minica na kotse na may superpowers. Naglalakihang mga katawan, matatangkad at indestructible laban sa street-smart na superheroes? Nakakatuwa lang ang special effects, kahit halatang tinipid.

Iyan ang aking paglaki sa lilim ng iyong imahen. Mabuti ang lagay ko. Hindi ako ang batang kinitil ang sariling dahil walang pambili ng proyekto sa klase. O ang inang nagpainom ng cleanser ng banyo sa kanyang nagugutom na mga anak, ano ang kinabukasang nag-aantay sa marami sa aking mga kababayan?

Naalaala ko rin ang trato mo sa mga kababayan kong nag-a-apply ng visa sa embahada mo. Pinagsiksikan mo sa isang maliit na kwarto ang daan-daang nangarap pumunta sa lupang ang tinuro nyo ay lupain ng gatas at pulot, na ang lahat ay malalaki, at kung saan ay matutupad ang kani-kanilang Amerikanong panaginip. May isa akong nasaksihan. Dinig ang buong pagtatanong ng consul, hanggang sa tanggihan ito ang aplikasyon. Nagpilit pa ring magtaas-noo ang lalake habang papaalis sa nagsisiksikang kwarto, alam niya na alam ng lahat ang kanyang kapalaran.

Sa ikasampung taon ng VFA, sino ang nakinabang? May mamamayan bang naisalba dahil sa military exercise na naganap? Hindi ba’t ang tinuran mong mga sundalong Filipino ay ginagamit lang ang natutunang kakayahan para pumatay ng kanyang kapwa? Hindi ba’t ang sundalong Amerikano ay di pantay ang hiling mong pagtrato, maski sa sariling mamamayan ng bansa?

Ayaw mo silang ipa-test kung mayroon ba silang swine flu virus. Tunay ba silang superhero na di sila tinatablan ng H1N1 virus? Sa dami ng kaso ng babae at batang hinalay ng dayuhan, ilan dito ang tinulungan mong mapatawan ng katarungan? O ang iyong itinakas sa kalaliman ng gabi? Sila bang kabahagi ng Justice League ay exempted sa katarungan?

Dahil sa klase ng pag-unlad na ipinunla mo, ang mga kakaunting maykaya ay namamayagpag. Dalawapu hanggang 30 porsyento ng budget ay napupunta sa pangungurakot sa kaban ng yaman ng mamamayan. Walumpung porsyento ay nasa laylayan ang buhay ng kahirapan, marami rito ay nasa abang paghihirap. Hanggang ikatlong bahagi ng budget ay napupunta sa pagbabayad-interes ng utang panlabas.

Pero ito ang bansa ng malls. Salamat sa hinikayat mong 10 porysento ng populasyon ay maging OCW, karamihan ay katulong ng mundo. Ikinukubli ng malls ang lalim at lawak ng pagdanas ng paghihirap sa bansang ito. Sa Amerika, ang pagbabago ay idinambana sa pagkahalal ng unang African American na pangulo. Dito, wala pa ring ang ambon ng pagbabago.

Kaya, Uncle Sam, sa ikasampung anibersaryo ng VFA, makakaasa ka sa patuloy na pakikibaka ng kilusang mamamayan, tulad ng pagbasura sa tretado ng 1991, para mapasawalang-bisa ang kasunduan, kundi man, matanggal ang maskara ng patuloy mong pamdarambong sa mamamayan, ang patuloy mong pagsuporta sa bangkaroteng pambansang rehimen at ang militar nito. Sa ikasampung anibersaryo ng VFA, ikasampung taon din ng taon ng pakikibaka laban dito.