Migrante

Serye ng pagkamatay ng di-kilalang OFW sa Jeddah nakakaalarma – Migrante


Nakakaalarma ang pagkamatay ng dalawang di-kilalang babae na pinaniniwalaang OFW (overseas Filipino workers) sa loob lamang ng isang linggo sa Jeddah, ayon sa Migrante-Middle East. Noong Hunyo 6, iniulat ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang bangkay ng isang Filipina na nakalagak sa morge ng isang ospital nang walang dokumento o anumang pagkakakilanlan. Noon namang […]

Nakakaalarma ang pagkamatay ng dalawang di-kilalang babae na pinaniniwalaang OFW (overseas Filipino workers) sa loob lamang ng isang linggo sa Jeddah, ayon sa Migrante-Middle East.

Noong Hunyo 6, iniulat ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang bangkay ng isang Filipina na nakalagak sa morge ng isang ospital nang walang dokumento o anumang pagkakakilanlan.

Noon namang Hunyo 9, isa pang di makilalang babae na pinaniniwalaang Filipina rin, dahil sa kanyang kulay, taas at pangangatawan, ang natagpuan sa isa pang morge.

Sinabi ni John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME, bagamat tinatanggap nila ang hakbang ng konsulado na ipagtanong sa mga OFW para makilala ang mga biktima, mas dapat umanong tutukan ng konsulado ang patuloy na mga kaso ng pangmamaltrato at pang-aabuso lalo na sa mga domestic worker.

“Kapag organisado ang mga datos ng lahat ng kaso ng pang-aabuso, malaking tulong ito sa konsulado hindi lamang para kilalanin ang mga biktima kundi para rin maresolba ang mga ganitong klase ng krimen,” ani Monterona.

Gayunman, sinabi ni Monterona na mababalewala ang mga datos na ito kung hindi kikilos ang konsulado para masagip ang mga inaabusong OFW.

Naniniwala rin si Monterona na ang tanging solusyon para hindi maabuso ang mga OFW ay ang pagpapatigil ng gobyerno na magpadala ng mga Filipino sa mga bansang walang katiyakan ang kanilang kaligtasan, karapatan at kagalingan.

Sinisi ni Monterona si Pangulong Arroyo na wala umanong habas na nagpapadala ng mga OFW kahit hindi sigurado ang kanilang kalalagyan sa kanilang bansang pagtatrabahuhan.

Sinabi niya pa na patuloy na ginagamit ni Pangulong Arroyo ang bilyun-bilyong remitans ng mga OFW para suportahan ang mga polisiyang hindi nagsisilbi sa mga migrante at mamamayang Filipino.

Kaugnay nito, makikiisa umano ang Migrante-ME sa panawagan ng mga OFW sa buong mundo sa kampanyang “No Remmitance Day” kapag itinuloy ng administrasyon ang plano nitong constituent assembly.