Sports

Patuloy na pakikipagsapalaran ng Team Pilipinas


Tungong Tianjin, tutungo rin ba sa London? Ito ang katanungan para sa koponan ng Pilipinas para sa basketball, na sasabak sa mga internasyunal na paligsahan sa tila-gabundok na mithiin: matungtong ang entablado ng Olimpiyada at ibalik sa mapa ng mundo ang Pilipinas sa larangan ng basketball. Naumpisahan naman ng koponan na matimyas ang kanilang kampanya. […]

Tungong Tianjin, tutungo rin ba sa London?

Ito ang katanungan para sa koponan ng Pilipinas para sa basketball, na sasabak sa mga internasyunal na paligsahan sa tila-gabundok na mithiin: matungtong ang entablado ng Olimpiyada at ibalik sa mapa ng mundo ang Pilipinas sa larangan ng basketball.

Naumpisahan naman ng koponan na matimyas ang kanilang kampanya. Rumagasa ang koponan upang makuha ang kampeonato ng Southeast Asia Basketball Association nitong umpisa ng buwan. Ginapi nila ang Indonesia, 98-68, upang makuha ang isa sa dalawang puwesto para sa FIBA-Asia men’s basketball championship na gaganapin sa Agosto 6-16 sa Taijin, China.

Sa palaro, lahat ng pagwawagi ng Team Pilipinas sa elimination round ay pawang malalaki ang kalamangan: Kontra sa Malaysia, 100-73; 103-64 sa Indonesia, at sa Singapore, 117-69.

Ngunit aminado si coach yeng Guiao na ang koponan, na binubuo ng mga manlalaro galing sa PBA (Philippine Basketball Association) na malayo pa ang lalakbayin ng mga manlalaro kung gusto nilang makapunta sa London.

Ang kaso kasi sa FIBA-Asia men’s basketball championship, ay tatlo lamang ang aabante sa World Basketball Championship na gaganapin sa Istabul, Turkey sa susunod na taon. Sa pagkakapasok ng bansa sa palaro, kasama nila ang Korea at Japan, maging ang Sri Lanka, sa Group A.

Mahusay naman na raw ito ayon sa head coach ng koponan na si Yeng Guiao. Naiwasan kasi ng bansa ang palagiang kinatatakutan na bansa – ang Tsina, upang pagtuunan ng pansin ang dalawang mabigat na koponan sa grupo.

Sa kasaysayan, ilang beses nang lumugmok ang bansa sa Korea: sariwa pa rin ang sugat ng buzzer beater ng Korea sa 2002 Busan upang mawaksi ang bansa sa medalyang round. Ngunit nakalasap naman sila ng isang panalo kontra sa Korea noong 2007 Jones Cup. Isang dagdag pa: si Hur Jae – ang nagpalagpak sa bansa papalabas ng gold medal round ng 1994 Asian Games – ang magiigng coach ng koponan ng Korea.

Ang Japan naman, pamumunuan pa rin ng kanilang pambato na si Takehimo Orimo, bagaman siya ang pinakamatanda sa kanyang koponan. Ang 39 anyos na beterano ng Hapon ay sasamahan ng koponan na naka-sentro sa mga batang manlalaro, kasama ang 6-foot-9 nilang sentro na si Joji Takeuchi.

Dalawang masaklap na pagkabigo – dalawang pawang dikitan na laban –  ang naranasan ng Pilipinas kontra sa Japan. Noong 1994 Hiroshima Asiad, hindi nakuha ng bansa ang Tanso nang magmintis ang 3-pointer ni Ato Agustin upang itabla sana ang laban (naunang nag-split ng freethrow si Alvin Patrimonio). Sa 2007 Jones Cup naman, hindi makabuslo ang bansa sa patapos na mga minuto matapos lumamang sa kahabaan ng laban. Isang steal ng Hapon sa kauna-unahang turnover ni Dondon Hontiveros ang puminsala sa kanilang paghaharap.

Binubuo nina James Yap, Asi Taulava, Joaquim Thoss, Gabe Norwood Cyrus Baguio, Ryan Reyes, Jayjay Helterbrand, Arwind Santos, Ranidel de Ocampo, Willie Miller, Kelly Williams, Jared Dillinger, Mick Pennisi, at Kerby Raymundo ang Team Pilipinas, kung saan tinitignan na ng bansa kung magiging epektibo ang programa ng basketball na hindi na mangangailangan pang kumuha ng mga propesyunal na manlalaro galing sa PBA..

Nauna na kasing makopo ng Smart-Gilas na pinamunuan ng Serbian coach na si Rajko Toroman ang ika-limang puwesto na ginanap noong Mayo 12-20 sa Jakarta, Indonesia. Nakakatuwang isipin siguro na ang mga manlalaro, na nanggaling sa amateur na mga palaro, ay nagawang talunin ang Korea ng dalawang beses sa liga.