Husgahan Natin

Parusang tugma sa kasalanan

Ang isang manggagawang lumabag sa patakaran ng kompanya ay maaring  parusahan. Kaya lang, ang parusang ipapataw sa kanya  ay dapat  tumutugma sa nagawa niyang kasalanan. Ang  parusang  hindi tumutugma sa nagawa niyang kasalanan ay hindi pinapayagan ng batas. Ito ang hatol  ng Korte Suprema sa kasong ” San Miguel Corporation vs. National  Labor Relations Commission, et. al.” (G.R. […]

Ang isang manggagawang lumabag sa patakaran ng kompanya ay maaring  parusahan. Kaya lang, ang parusang ipapataw sa kanya  ay dapat  tumutugma sa nagawa niyang kasalanan. Ang  parusang  hindi tumutugma sa nagawa niyang kasalanan ay hindi pinapayagan ng batas. Ito ang hatol  ng Korte Suprema sa kasong ” San Miguel Corporation vs. National  Labor Relations Commission, et. al.” (G.R. No. 153983) na may petsang May  26, 2009.

Sa  nasabing kaso, salesman itong si William sa isang kompanya. May mga kustomer na nagreklamo sa manedsment na  diumano’y dinagdagan ni William ang kanilang account.  Nakompirma ito nang mag-imbestiga ang supervisor nina William at ito nga ang kinalabasan ng imbestigasyon. Mahigit P20,000 umano ang idinagdag ni William sa account ng anim na kustomer ng kompanya.

Sinampaan ng kasong “misappropriation of company funds through falsification of documents “ si William ng manedsment. Matapos makapagbigay si William ng kanyang  paliwanag, tinanggal siya sa kanyang trabaho ng manedsment.

Nagsampa si William ng kasong “illegal dismissal”  sa tanggapan ng Labor Arbiter. Nagdesisyon ang  Labor Arbiter na hindi ganun katindi ang  nagawang kasalanan ni William kaya’t ang dapat na parusa sa kanyang nagawa ay suspension lamang at hindi termination. Inutos ng Labor Arbiter na ibalik si William sa kanyang trabaho ngunit walang backwages.

Hindi  ito matanggap ng manedsment kaya’t inapela nito ang desisyon sa National Labor Relations Commission (NLRC).  Binaliktad ng NLRC ang hatol at inutos na tama lang ang ginawang pagtanggal ng manedsment kay William.

Si William naman ang nag-akyat ng kaso sa Court of Appeals. Dito, nabaliktad na naman ang desisyon at panalo ulit si William. Inutos ng Court of Appeals na ibalik si William sa kanyang trabaho ngunit walang backwages tulad ng desisyon ng Labor Arbiter.

Ayaw patalo ng manedsment at dinala ang kaso sa Korte Suprema. Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang naging hatol ng Court of Appeals.

Ayon sa Korte Suprema, totoong pinalaki ni William ang account ng kanyang mga kustomer.  Pinalabas niya sa rekord na may pagkakautang  pa ang  mga  ito.  Ngunit ginawa lamang niya ito  para hindi mawala ang credit line ng kanyang mga kustomer. Ang tawag dito ay paper renewal at ang ganitong gawain ay ginagawa halos ng lahat ng salesmen sa kompanya.

Kaya kung kukuwentahin, sabi ng Korte Suprema, walang personal na naging pakinabang si William sa ginawa niyang pamemeke ng rekord ng kompanya. Wala siyang binulsang pera ng kompanya at wala siyang ninakaw na pondo nito.  Hindi rin siya nakinabang sa ginawa niyang pagreretoke ng rekord nito.

Oo nga’t may nagawang  “padding” ng company records itong si William. Ngunit walang nasangkot na pera dito ang kompanya. Unang beses din si William na nagkaroon ng ganitong kaso. Kaya, dapat lamang parusahan si William ngunit  mas mababang parusa ang dapat ipataw sa kanya. Hindi ang pinakamataas na parusang pagtanggal sa kanya sa trabaho, paliwanag ng Korte Suprema.

Binasura ng Korte Suprema  ang kaso ng manedsment at inutos ang pagpapabalik kay William sa trabaho, bagamat walang backwages.