Konteksto

Pakikibaka at social media


Social media. Marami akong dapat ipagpasalamat sa kabila ng napakaraming sumbat ng iba. Kung halos araw-araw kang gumagamit ng Internet, malamang na gumagamit ka ng social media. Ang ilang halimbawa nito ay blogs (gaya ng Blogger at Multiply), micro-blogs (gaya ng Twitter at Plurk), multimedia sharing sites (gaya ng YouTube at Flickr) at social networking […]

Social media. Marami akong dapat ipagpasalamat sa kabila ng napakaraming sumbat ng iba.

Kung halos araw-araw kang gumagamit ng Internet, malamang na gumagamit ka ng social media. Ang ilang halimbawa nito ay blogs (gaya ng Blogger at Multiply), micro-blogs (gaya ng Twitter at Plurk), multimedia sharing sites (gaya ng YouTube at Flickr) at social networking sites (gaya ng Facebook at Friendster). Sa pamamagitan ng mga ito nagkakaroon ng interaksyon ang mga online user.

Dahil sa aking mga account sa Twitter at Facebook, mabilis kong nasubaybayan ang dalawang magkasunod na gabing ipinasa ng House of Representatives ang dalawang kontrobersiyal na panukala – una ay ang pagbubuo ng constituent assembly (con-ass) para baguhin ang Saligang Batas at ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng limang taong ekstensyon sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kahit na kasalukuyang nasa Korea, pakiramdam ko’y nasa Pilipinas ako dahil sa patuloy kong pakikipagtalakayan sa mga kaibigan, kontak sa midya at mga dating estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) habang nagtatalo’t nagbobotohan ang mga miyembro ng Kamara. Salamat sa Facebook, nalaman ko ang hyperlink sa live stream ng nangyayari sa session hall ng Kamara. At dahil isang oras lang ang diperensya ng Korea at Pilipinas, kaisa ako (kahit sa virtual na paraan) sa pakikipaglamay sa pagkamatay ng demokrasya.

Tulad ng maraming Pilipinong galit na galit sa ginawa ng Kamara, puyat kong hinarap ang iba pang mga personal at propesyonal na obligasyon kinabukasan, pero patuloy pa rin ang pagsubaybay sa mga pinakahuling pangyayari. Dahil gumagamit ng micro-blogs ang ilang organisasyong pang-midya tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly, nalaman ko ang mga pinakahuling balita tungkol sa mga kilos-protesta sa loob lamang ng ilang segundo’t minuto mula nang mangyari ang mga ito. Makalipas naman ng ilang oras, natunghayan ko ang mga larawan at bidyo ng mga nangyari, salamat sa Facebook at YouTube. Mula sa aking kinauupuan, nakita ko ang sunud-sunod na karahasang ginawa ng kapulisan sa mga nagsagawa ng kilos-protesta para kontrahin ang con-ass at Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER).

Pero dahil malayo ako sa Pilipinas, hindi ko lubusang ramdam ang emosyon ng nagagalit na sambayanan. Hindi ko mailarawan ang pakikiramay o pakikiisa ng malakas na ulan sa politikal na bagyong kitang-kita sa mga lansangan. Hindi ko rin matukoy ang mga angkop na salitang makakapagpaliwanag sa kontradiksiyon kung bakit karahasan ang naging sagot sa mapayapang pagkilos.

Sa kabila ng social media, iba pa rin ang direktang karanasan sa pagkilos, lalo na sa pakikisalamuha sa mga magsasakang nananawagan ng tunay na repormang agraryo. Kahit na matagal ko nang alam ang mga argumento laban sa CARP (at ilang pag-aaral na rin ang nagawa ko tungkol dito), mainam pa ring direkta kong marinig mula sa ilang magsasaka ang kanilang sentimyento. Kahit na sabihing paulit-ulit lang ang mga argumento noon pang dekada 80, ang paikot-ikot na diskurso ay malinaw na ebidensiya na walang iniunlad ang repormang agraryo sa mga nagdaang panahon.

Biro ng isang kaibigan, kasabwat daw ng pamahalaang Arroyo hindi lang ang Kamara kundi ang Facebook. Ito ay dahil sa tendensiya ng maraming tao na makontento na lang sa paggamit ng social media para iparating ang kanilang hinaing. Kasama ka ba sa mga nag-iisip na ang pakikiisa sa Internet ay sapat na? Sang-ayon ka ba sa argumentong ang virtual na pakikibaka sa Internet ay isang alternatibo sa pagmamartsa sa lansangan?

Sana’y “hindi” ang sagot mo sa dalawang tanong na ito. Pero kung ”oo,” hindi pa naman huli ang lahat para pag-isipan nang mabuti ang paninindigan mo. Talaga namang marami kang puwedeng mamulat sa pamamagitan ng iyong virtual na pagkilos sa social media. Pero sigurado ka bang makakasapat ang mga nabasa mong libro’t iba pang dokumento? Hindi ba’t mas mainam na direktang makausap at makasalamuha ang mga mamamayang nais mong ipaglaban?

Totoong maraming distraksyong dulot ang Internet, lalo na ang social media, sa paggampan ng mga gawain. Pero hindi natin dapat sisihin ang teknolohiya sa ating mga kahinaan. Kung noon ay may pagtingin na ang social media ay para lang sa mga walang magawa sa buhay, ngayon ay may malawak na pagkilala sa potensyal nito para makapagsulong ng pagbabago sa lipunan.

Ang hamon lamang sa ating lahat ay tingnan ang social media bilang paraan ng mabilis na pagbibigay ng mahahalagang impormasyon. Kailanman ay hindi nito puwedeng palitan ang aktwal na pagkilos, gayundin ay hindi natin dapat paghiwalayin ang aktwal sa virtual.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.