Istorya ng Linggo

Pagkakaisa kontra sa tusong rehimen

Pagpasa sa ekstensiyon ng CARP. Pagsaisantabi sa Right of Reply Bill at Reproductive Health Bill. Pagkabiyak ng oposisyon sa Senado at pagbalik ni Mancao. Pagbalik sa usapang pangkapayapaan. Pananakot ng A(H1N1) virus. Mga hakbang na kaya ito para pahupain ang oposisyon na kumokontra sa pagpahaba ng termino ni Pangulong Arroyo?

Sa halip na batayang mga pangangailangan ang atupagin, Charter Change pa ang niraratsada. (Arkibong Bayan)
Sa halip na batayang mga pangangailangan ang atupagin, Charter Change pa ang niraratsada. (Arkibong Bayan)

Tuso ang rehimeng Arroyo.

Mababasa mula sa sunud-sunod na mga kaganapan sa pulitika na dumulo sa pagpasa ng Kamara sa House Resolution 1109 na may malinaw na game plan ito. Sa kabila ng pagtatanggi, gustong manatili sa poder ni Arroyo. At lahat ng mga hakbang ng Palasyo at ng mga kaalyado nito ay nakaayon sa pananatili ni Arroyo.

Batid ni Arroyo ang potensiyal ng pag-aalsa. Sa EDSA Dos noong 2001, naging benepisyaryo siya ng pagpapatalsik kay Pangulong Estrada. Batid niyang sa pagkakaisa ng lahat ng mga puwersa ng oposisyon, at sa espontanyong pagpoprotesta ng taumbayan, posibleng mapababa siya sa kanyang trono. Kung kaya marami sa pampulitikang mga hakbang niya, nakatuon sa pagwawasak sa pagkakaisa ng oposisyon at pagnuniyutralisa sa lumalabang mga sektor at grupo.

Bago mapasa ng mga alyado ni Arroyo ang resolusyong magbuo ng Constituent Assembly ang Kamara para repasuhin ang Saligang Batas (at posibleng pahabain ang termino ng Pangulo), inilatag muna ang mga sangkap para sa pagpapahupa sa posibleng pag-aalsa laban dito.

Pansin na lamang, halimbawa, ang mga sumusunod:

(1) Ang pagpasa sa ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Marami sa oposisyon, kabilang na ang mga nasa pangkatin ng Akbayan at kahit sa simbahang Katoliko, ang natuwa sa pagpapahaba pa ng implementasyon ng isang programa na malinaw na hindi naman epektibo para sa repormang agraryo. Ipinasa ito ng isang Kamara na dinodominahan ng mga panginoong maylupa, ng mga kongresistang suklam na suklam sa repormang agraryo at noong Disyembre lamang ay gigil nang patayin kahit ang malabnaw na ekstensiyon sa CARP.

Maraming obispo ang sumuporta sa ekstensiyon ng CARP. Marami sa mga ito ang lantarang lumalaban sa administrasyong Arroyo. Sa pamamagitan ng pagpapasaya sa kanila at sa mga grupong tulad ng Akbayan, nilalayon marahil ng rehimen na maniyutralisa ang mga ito para mapahina ang posisyon laban sa Con-Ass.

(2) Right of Reply Bill. Sa diyalogo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa kanyang tanggapan, sinabi ni Espiker Prospero Nograles Jr. na walang magagawa ang Kamara kundi pagbotohan at ipasa ang panukalang batas na magpupuwersa sa midya na ilabas ang bawat kontrang opinyon o posisyon sa kanilang mga istorya. Ipinasa na raw kasi ng Senado. Pero marami ring mga panukalang batas na ipinapasa ng Senado na inuupuan ng Kamara. Malinaw na ginagamit ang naturang panukalang batas para takutin o balisain ang midya sa panahong napakahalaga ang pag-uulat nito.

(3) Reproductive Health Bill. Nagsisilbing panakot ang panukalang batas na ito sa Simbahang Katoliko. Nangangamba kasi ang simbahan na magamit ito para mapalaganap ang kontrasepsiyon na pabor naman sa kalusugan ng kababaihan. Idineklara ni Pangulong Arroyo na “urgent” ang panukalang ito. Hanggang sa huling sandali noong huling araw ng sesyon ng Kamara noong Hunyo 3, naka-adyenda ang Reproductive Health Bill. Pampahupa sa galit ng Simbahang Katoliko sa rehimen ang hindi pagpasa nito.

(4) Pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Ayon sa ilang impormante ng Pinoy Weekly, bigla-biglang muling nakikipag-ugnayan ang gobyernong Arroyo sa mga negosyador ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), para sa posibleng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ngayong Hunyo. Matapos ang matagal na pagkabalam ng negosasyon, muling naisipan ni Arroyo na suyuin ang tinaguriang rebolusyonaryong Kaliwa. Maaari ring mabasa ito bilang hakbang para suyuin ang legal na Kaliwang oposisyon na lumalaban ngayon sa rehimen.

(5) Banta ng A(H1N1). Noong nakaraang linggo, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque na posibleng magdeklara ng state of emergency kung darating ang panahong titindi ang banta ng A(H1N1) virus. Kamakailan, dineklara naman ng Commission on Higher Education (CHED) ang suspensiyon ng mga klase sa kolehiyo hanggang Hunyo 15 matapos mabalitaan ang isang kaso ng kontaminasyon ng A(H1N1) virus sa isang estudyante sa De La Salle University sa Manila.

Tila masyadong pinatatampok ng rehimen ang banta ng virus na ito sa kabila ng tila pagmamaliit na ng gobyerno ng US at ng World Health Organization sa banta nito. Tila ginagamit na panakot ang isang sakit na hindi pa nga nakakapatay ni isang Pilipino, samantalang libu-libong Pilipino ang namamatay sa ordinaryong mga sakit tulad ng tuberculosis, malaria, at dengue. Ginawa pang photo opportunity ng Department of Education ang paghuhugas ng kamay ng mga estudyante sa elementarya, samantalang mas matinding problema sa elementaryang mga paaralan ang sobrang kakulangan sa klasrum, kagamitan at guro.