Migrante

OFW galit sa pagpasa ng HR 1109


Tinawag ng mga OFW (overseas Filipino workers) na ‘pagtataksil sa mamamayang Pilipino’ ang ginawang pag-apruba ng Kamara sa House Resolution 1109 para amyendahan ang Konstitusyong 1987. Ayon kay Pol Par, tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahan ng Migranteng Manggagawa sa Korea o Kasammako, imoral ang ginawang mabilisang pagpasa ng mga kongresistang maka-Arroyo sa naturang panukala. […]

Tinawag ng mga OFW (overseas Filipino workers) na ‘pagtataksil sa mamamayang Pilipino’ ang ginawang pag-apruba ng Kamara sa House Resolution 1109 para amyendahan ang Konstitusyong 1987.

Ayon kay Pol Par, tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahan ng Migranteng Manggagawa sa Korea o Kasammako, imoral ang ginawang mabilisang pagpasa ng mga kongresistang maka-Arroyo sa naturang panukala.

“Tinrato na nilang parang table napkin ang Konstitusyong 1987 na puwede nang itapon matapos kumain, at ngayon ay gusto pa rin nila ng pork barrel sa kanilang hapag-kainan,” sabi ni Par.

Idinagdag ni Par na ipinakikita lamang nito ang desperadong ambisyon ni Pangulong Arroyo na manatili sa poder lampas sa 2010 para matakasan ang mga kasong isasampa sa kanya ng taumbayan matapos siyang bumaba sa puwesto.

Nagbanta pa ng malawakang protesta ang Kasammako para mapigilan ang umano’y mapanlinlang na iskema ni Pangulong Arroyo.

Samantala, dumagsa rin ang mga OFW sa Konsul Heneral ng Pilipinas sa Hong Kong para iprotesta ang pagpasa ng HB 1109 na tinawag naman nilang ‘pinakamalaking pagtataksil ng Kamara para sa interes ni Pangulong Arroyo.’

Kabilang sa mga nagprotesta ang mga kasapi ng United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante-HK), Bayan-HK, Gabriela Women’s Party – HK at Bangon Pilipinas Movement.

Ayon kay Dolores Balladares ng Unifil, mananawagan sila sa kanilang mga kaanak at kaibigan sa Pilipinas na huwag iboto sa halalan ang mga kongresistang bumoto pabor sa HB 1109.

Iginiit ni Balladares na matagal nang tinutulan ng mga OFW ang charter change dahil palalalain lamang nito ang sitwasyong pang-ekonomiya sa bansa, magpapatindi sa dislokasyon ng mamamayan, mas malaking kontrol ng mga dayuhan sa Pilipinas at pinakasama, ang pananatili ni Pangulong Arroyo sa poder.

Dahil umano sa nangyari sa Kamara, naging ‘di kanais-nais’ si Ispiker Prospero Nograles at mga kaalyado nito para sa mga Pilipino sa buong mundo.

Binatikos naman ni Norman Uy Carnay ng Bayan-HK ang mga kongresistang bumoto sa HB 1109 sa pagsalungat ng mga ito sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino.

“Sinumang kasapi ng Kamara na may respeto sa sarili ay nakakaalam na kailanman ay hindi sinuportahan ng mamamayan ang charter change. Dapat bawian ng titulo ang mga kongresistang ito at tawagin na lamang na mga tuta ng Malakanyang sa loob ng Kamara,” ani Carnay.

Ayon pa sa mga nagprotesta ipinakikita lamang nito kung gaano mapanlinlang at walang integridad ang gobyernong Arroyo na lagi nang nagsasabing isinantabi na nito ang charter change.

“Mahiya ka naman, Ginang Arroyo, mahiya naman kayong mga alipores ng Pangulo sa Kongreso,” ayon sa grupo.

Nangako pa sila na tatapatan nila ng mga protesta ang patuloy na pagtutulak ng administrasyong Arroyo sa pagbabago ng konstitusyon.