Militarisasyon sa Tondo, lalong tumitindi?

June 8, 2009

Samantala, naganap noong Hunyo 2 ang isa pang dayalogo sa pagitan ni Palma at apektadong mga residente at progresibong mga organisasyon. Layunin nitong alamin kung bakit nananatili ang mga sundalo sa Baraggay 128. Ayon kay Johari Remdon, tagapangulo ng ARSM, positibong bagay na naipahapag nila ang kanilang mga katanungan sa pamunuan ng barangay. Ngunit aniya, hindi nagkaroon ng mahusay na tugon ang kapitana. Bagkus, magpapatawag umano ito ng pulong na para lamang sa mga residente ng barangay. Hindi umano pahihintulutan ang ibang mga pormasyon, gaya ng midya at iba pang mga organisasyon, na lumahok.

Bukod sa naturang mga kaso ng harasment, hindi rin umano katanggap-tanggap ang asal ng ilang mga sundalo. Mayroong dokumentadong insidente ng pananakit, pambabastos sa kababaihan at intimidasyon. “Takot at hindi tulong ang hinahatid ng mga sundalo sa mga residente ng Barangay 128,” giit ni Remdon.

Matagal nang usapin

Matagal nang usapin ang presensiya ng mga elemento ng AFP sa iba’t ibang barangay sa Kamaynilaan. Taong 2007 unang tumawag ng pansin ang mga sundalong unipormado’t armado na biglaan na lamang na nagsidatingan sa Baranggay Payatas, Holy Spirit, Old Capitol Site, Camarin, Bagong Silang sa lunsod ng Quezon at iba pang mga lugar sa Tondo gaya ng Baseco, Parola at Vitas. Mismong ang National Capital Region Command ng AFP ang nagsabi na noong taong iyon ay mayroong 100 sundalong nakakalat sa lunsod ng Quezon at 160 naman sa Maynila. Mayroon ding naiulat na presensiya ng mga sundalo sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) at Taguig. Bukod dito, ayon pa rin sa AFP, 57 opisyales nito ang itinalaga sa Kamaynilaan.

Bagay itong nakaaalarma, dahil maging noong panahon ng batas militar, hindi ipinag-utos ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang ganito kalaking deployment ng militar sa kalunsuran, liban sa mga sundalong nagbabantay sa Malakanyang at mga kampo ng militar sa Kamaynilaan.

Kaya kaagad na kumilos ang militanteng mga organisasyon at ang oposisyon laban dito lalupa’t panahon ng halalan. Nagagamit umano ang mga sundalo sa pangangampanya ng administrasyon kasabay ang panghaharas sa mga tagasuporta ng progresibong mga party-list. Maaari rin umano itong maging daan sa pandurukot at pamamaslang sa mga kritiko ng pamahalaan sa mismong kalunsuran.

Iba’t iba naman ang dahilan ng AFP upang salagin ang mga batikos hinggil sa usapin. Anila, tumutulong sa pagmamantini ng kaayusan at pagpigil sa kriminalidad ang mga sundalo. Ngunit ayon sa mga tumutuligsa dito, gaya ni Adel Tamano, dating kasapi ng Genuine Opposition, ang kapulisan ang may mandato sa mga tungkuling ito. Labag umano sa saligang batas ang deployment ng militar sa kalunsuran.

Sa kalaunan, napilitang aminin ng AFP na bahagi ng counter-insurgency plan ng pamahalaan ang pagpapakalat ng mga militar sa lungsod. Ang layunin umano nito ay ang pagpigil sa New People’s Army (NPA) sa pagrerekluta ng mga kasapi sa Kamaynilaan. Ngunit kakatwa ang dahilang ito dahil ayon mismo sa kanilang intelligence report ay walang nagaganap na pagpapaanib ng NPA ng mga kasapi sa Kamaynilaan. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, puntirya ng mga sundalong ito ay mga kasapi ng makabayang mga organisasyon na ipinagpipilitan nitong front organization ng Communist Party of the Philippines, NPA at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Bahagi ng taktika

Ayon sa Karapatan, grupong nagsusulong ng karapatang pantao, bahagi lamang ang pagmimilitarisa sa kalunsuran ng Oplan Bantay Laya ng pamahalaang Arroyo. Dahil itinuturing nitong front organization ng CPP-NPA-NDF ang makabayang mga organisasyon, tinatarget ang mga kasapi nito bilang taktika sa pagwasak ng insurhensiya bago matapos ang 2010. Bahagi din umano ito ng pagnuniyutralisa ng progresibong mga puwersa sa kalunsuran na patuloy sa paglakas at pagmomobilisa kaya’t patuloy ding nagiging banta sa pananatili ng administrasyon sa kapangyarihan. Malaking puwersa umano laban sa pamahalaan ang bulto ng maralita na naninirahan sa mga komunidad na ito.

Gaya din umano ang pagmimilitarisa sa kalunsuran ng pamamaslang at pandurukot na ang layunin ay “maghasik ng takot” at pigilan ang pagsapi ng mamamayan sa progresibong mga organisasyon.

Ngunit pagdiin ng grupo, mabibigo lamang ang administrasyong Arroyo sa hakbang na ito. Nanatili umanong tinig at lakas ng maralita ang pagiging bahagi ng makabayang mga organisasyon at nagiging sandata laban sa pang-aapi at pananamantala ng pamahalaan. Patuloy din umanong sasama sa mga pagkilos ang maralita hangga’t hindi naipagkakaloob ang kanilang mga karapatan sa disenteng hanapbuhay, maayos na pabahay at serbisyong panlipunan.

Ayon naman sa ARSM, habang tumitindi ang militarisasyon sa kanilang lugar, lalawak din ang pagkilos ng mga residente. “Walang pakinabang ang militar sa kalunsuran. Kikilos ang mga residente ng Barangay 128 upang permanenteng maitaboy ang mga sundalo dito sa aming lugar,” banggit naman ni Delos Santos.