Militarisasyon sa Tondo, lalong tumitindi?

June 8, 2009

Mga residente ng Vitas, Tondo: Ayaw sa presensiya ng militar sa kanilang komunidad. (Soliman Santos / PW File)

Mga residente ng Vitas, Tondo: Ayaw sa presensiya ng militar sa kanilang komunidad. (Soliman Santos / PW File)

Sa website ng Civil Military Operations Battalion (CMOB) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ikinuwento ang hinggil sa pagpapasalamat ni Ruth Palma, kapitana ng Baranggay 128 ng Tondo, Maynila, sa mga sundalong nakampo sa nabanggit na lugar.

Ayon sa artikulo, sinabi ni Palma na “binuksan ng sundalo ang daan tungo sa kaunlaran” kaya’t wala “nang dapat gawin ang taumbayan kundi pumasok dito, makipagtulungan at higit sa lahat solidong sumuporta sa lehitimong gobyerno.” Laman din nito ang mga pahayag ng ilang kabataan na dati umanong kasapi ng militanteng mga organisasyon, ngunit nagpasyang tumiwalag dahil “walang patutunguhan” ang pagsapi sa mga ito.

Sa kasalukuyan, batay sa mga ulat, paparami ang mga sundalong nakahimpil sa nasabing baranggay na sakop ang Permanent Housing Project (o mas kilala bilang “Permanent”), Smokey Mountain at ilan pang kalapit na maralitang komunidad. Tumutulong umano sila sa pagpapanatili ng “peace and order” sa mga lugar na ito. Katuwang din umano sila ng pamunuan ng barangay sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyektong para sa kagalingan ng mga residente.

Ngunit sa kabila ng pahayag ng kapitana, takot naman umano ang dulot ng presensiya ng mga sundalo sa kalakhan ng mga residente, ayon sa Alyansa ng mga Residente ng Smokey Mountain (ARSM). Maraming nang mga kaso ng pananakot, pananakit at iba pang porma ng harasment ng mga sundalo ang naitala ng nasabing grupo. Gayundin, ang tunay nila umanong pakay ay ang pagkuha ng impormasyon tungkol sa progresibong mga organisasyon na nakabase sa nabanggit na lugar.

Tulong o takot?

Ayon sa AFP, may pahintulot mula sa mismong mga opisyal ng pamunuang barangay ang kanilang pananatili sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan. Sa kaso ng Baranggay 128, malugod umanong tinanggap ni Palma ang muling pagdating ng mga sundalo matapos pansamantalang mapaalis ang mga ito noong 2007.

Ayon sa ARSM, mayroong 2,520 pamilyang naninirahan sa Permanent at Smokey Mountain. Enero 2008 nagkampo ang 31st Infantry Batallion ng AFP dito. Bagama’t nagsasagawa ang mga sundalo ng iba’t ibang aktibidad gaya ng bible study, feeding program at iba pa, lumalabas na ang pangangalap ng impormasyon hinggil sa progresibong mga organisasyon gaya ng Gabriela ang tunay na pakay. Ilang kasapi ng Gabriela ang madalas puntahan ng mga sundalo sa kanila mismong bahay upang humingi ng listahan ng mga kasapi at mga namumuno.

Isa sa mga pinakamadalas nilang puntahan si Fe delos Santos, tagapangulo ng Gabriela-Permanent. Noong Pebrero 2008, inimbitahan si Delos Santos ni Palma para sa isang “dayalogo” sa barangay hall. Pagdating niya roon, dalawang sundalo ang kaagad na kumuha ng kanyang pangalan at tirahan. Kinuhanan siya ng litrato, gayundin ang iba pa niyang kasamahan. Sa iba pang pagkakataon, pilit umanong kinikuha kay Delos Santos ang masterlist ng Gabriela. Nito lamang Pebrero, batay sa ulat ng ARSM, pinuntahang muli ng mga sundalo ang bahay ni Delos Santos. Ayon sa kanyang anak, may dala silang baril.

Nitong namang Mayo 26, pinalabas ng mga sundalo ang dokumentaryong Knowing the Enemy na nagbabansag na “communist fronts” ang mga party-list gaya ng Gabriela, Anakpawis, Bayan Muna at makabayang mga organisasyon tulad ng Anakbayan. Ginanap ito sa building 22 ng Permanent, kung saan nakatira si Delos Santos at iba pang kasapi ng Gabriela. Madalas ding maglabas ng pampropagandang materyales ang mga sundalo, gaya ng komiks, na naninira sa progresibong mga organisasyon at party-list. Nasasagawa rin ng sensus ang umano’y mga estudyante ng CMOB sa mga kabahayan sa Permanent. Ang kakatwa, hiwalay ang listahan para sa mapag-aalamang mga kasapi ng Gabriela.