Kultura ng protesta

June 1, 2009

Ano ba ang karapatan nating magmartsa o magpiket bilang protesta? Hindi ba’t nakakagambala lang tayo sa normal na kalakaran?

Kung paniniwalaan ang isang kauupong party-list representative (na galit sa lahat ng bagay na nasa kaliwa), kailangan nang pagbawalan ang anumang kilos-protesta sa House of Representatives dahil nakakaabala lang ang mga ito sa trapiko, nakakasama sa imahe ng Pilipinas at, higit sa lahat, naiimpluwensiyahan daw ang mga ito ng mga subersibong elementong nais pabagsakin ang pamahalaan.

Ayon sa kanyang opisyal na pahayag sa wikang Ingles, “These mass actions are nothing but simple and pure harassment to pressure Congress to railroad legislations solely for their interests, disregarding the rules of legislation.”

Oo nga naman. Bakit ba natin kailangang gambalain ang mga miyembro ng House of Representatives sa kanilang importanteng gawain? Marami silang pinagkakaabalahan, kaya hayaan nating makapasok ang magagara nilang kotse sa Batasan Complex nang hindi tayo nakikita.

Kung ayaw makinig ng karamihan sa kanila sa ating karaingan, tayo po ang may kasalanan. Hindi tayo importante sa kanilang pamantayan. Hindi maganda ang ating bihis at halatang nagpalipas lang tayo ng gabi sa piketline. Walang karapatan ang mga katulad nating hindi pa naliligo na lumapit sa isang importanteng taong ang halaga ng relo ay higit pa sa ating taunan o kahit isang dekadang suweldo.

Maliban sa ilang miyembro ng mga progresibong party-list group, ayaw nilang ipasa ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na siyang dahilan ng pagpipiket ng mga magsasaka kamakailan dahil napansin nilang umaayon lang ito sa interes ng mahihirap. Paano naman ang interes nila? Ano na ang mangyayari sa mga kawawang panginoong maylupa? Baka mabawasan ang kanilang kayamanan kapag ang mga magsasaka’y pinagbigyan!

Totoo, marami sa mga nasa House of Representatives ay mga panginoong maylupa pero ang argumento nila’y kinatawan pa rin sila ng lahat ng mamamayan. Hindi ba’t sila ang nakakuha ng pinakamaraming boto noong nakaraang eleksyon? Tungkol sa mga alegasyon ng pandaraya, legal pa rin ang kanilang panunungkulan hangga’t hindi sila nahahatulang nagkasala sa korte. At kahit na mahatulan silang nandaya, puwede pa rin silang manungkulan basta’t i-apila nila ang kanilang kaso. Dahil mabagal ang sistema ng hustisya sa ating bansa, makakaasa kang matatapos nila ang kanilang tatlong taong termino kahit sa bandang huli’y napatunayang nandaya sila. Hindi ba’t napakasaya nila?

At napag-uusapan na rin lang ang haba ng kanilang panunungkulan, higit na mahalaga para sa kanila ngayong baguhin ang ating Saligang Batas para mabago ang sistema ng pamahalaan. Nakikita kasi ang kahalagahang manungkulan nang mas matagal pa (hangga’t nabubuhay kung puwede lang) para magsilbi sa interes ng ”mamamayan,” kahit nangangahulugang hindi tayo kasama rito. Kung sakaling hindi matuloy ang kanilang plano’t magkaroon ng eleksiyon sa 2010, gagawin at gagawin nila ang lahat para muling magkaroon ng pulitikal na kapangyarihan – sa House of Representatives man o sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Kaya huwag ka nang magulat kung wala silang ginagawa para protektahan ang ating karapatang magpahayag ng ating karaingan. Patuloy silang mananahimik sa mga ginagawa ng militar at pulis para patahimikin ang lumalakas na boses ng pag-aalsa.

Sa susunod na magmamartsa ka’t magsasagawa ng kilos-protesta sa harap ng Camp Aguinaldo, makakaasa kang magpapatugtog ng malalakas na musika ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para lunurin ang pananalita ng mga lider at ang mga sigaw ng dumalo. Tatapatan nila ng kantang eskapista ang seryosong mensahe ng pagbabago, at hindi na ako magugulat kung ang mga sumusubaybay ng mga nangyayari mula sa loob ng kampo ay patawa-tawa lang habang ginagawa nila ito. Hindi ba’t ang mga nagpo-protesta’y nagmumukhang tanga dahil walang nakakarinig sa kanilang programa?

Sa bahagi naman ng Philippine National Police (PNP), makakaasa ka ng dispersal (hindi bale nang maraming masaktan o maaresto) oras na magsagawa ka ng protesta sa harap ng importanteng tao tulad ng Bise Presidente ng Pilipinas. Hindi ba’t ito ang nangyari kamakailan sa Sucat? Bakit nga ba naman napakalakas ng loob ng mga maralitang taga-lunsod na mag-organisa ng kilos-protesta? Hindi ba nila alam na nakakahiya ito sa mga bisitang magara ang kasuotan?

Para masiguradong hindi magpapatuloy ang mga kilos-protesta, kinakailangang isagawa ang malawakang pagpatay, pagdukot at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao. Kung sakaling magkaroon ng malawakang pagkondena, handa silang mag-isyu ng pahayag na wala silang nalalaman sa mga insidente. Puwede pa nga nilang akusahan ang mga militanteng grupo na gumagawa lang ng mga kuwento’t nag-iimbento ng mga estadistika.

Huwag kang mag-ilusyong nabubuhay tayo sa isang demokrasya. Hindi ko na mabilang ang maraming kaso ng karahasan sa mga nagpoprotesta, kaya ang nangyari sa Batasan Complex, Sucat at marami pang iba ay hindi na bago. Makakaasa kang mangyayari pa ang mga insidenteng ito sa mga susunod na pagkakataon.

Sa mata ng mga nasa kapangyarihan, wala ka talagang karapatang magprotesta. Pero alam mong kailangan pa ring isagawa ito dahil ito ang hamon ng kasalukuyang panahon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.