Migrante

Inabusong mga OFW sa South Australia suportado ng Migrante


Sinusuportahan ng Migrante-Autralia ang siyam na overseas Filipino workers (OFW) na inabuso umano ng isang Australyanong kontraktor. Isang grupo mula sa Migrante-Melbourne ang lumipad na patungo sa Adelaide, South Australia para makipagpulong sa mga naturang OFW na mainaltrato umano ng Mattena Corporation. Unang bahagi ng Hunyo nang salakayin ng Federal Police at Department of Immigration […]

Sinusuportahan ng Migrante-Autralia ang siyam na overseas Filipino workers (OFW) na inabuso umano ng isang Australyanong kontraktor.

Isang grupo mula sa Migrante-Melbourne ang lumipad na patungo sa Adelaide, South Australia para makipagpulong sa mga naturang OFW na mainaltrato umano ng Mattena Corporation.

Unang bahagi ng Hunyo nang salakayin ng Federal Police at Department of Immigration ng Australia ang naturang kompanya dahil sa pang-aabuso. Pero bago pa man ang pagsalakay, nagbibigay na ng legal, pulitikal at iba pang tulong ang Migrante sa mga inabusong OFW katuwang ang ilang unyon at komunidad sa Adelaide.

Ayon kay George Kotsakis, tagapangulo ng Migrante-Australia, hindi sapat ang sinusuweldo sa mga OFW at puwersahang pinagtatrabaho nang mahabang oras nang walang ovetime pay.

“Isang malinaw na kaso ito ng makabagong-panahong pang-aalipin. Malinaw na pagsasamantala sa posisyong temporary worker ng mga OFW na nagsasakripisyo para mapabuti ang buhay ng kanilang pamilya sa Pilipinas,” ani Kotsakis.

Nasa ilalim ng 457 visa program ang mga naturang OFW.

Dalawa sa siyam na OFW ay inupahan bilang IT Support personnel pero pinagtrabaho sila bilang pintor at mason ng Mattena Corporation.

Ipinag-utos naman ng Department of Immigration ng Australia ang pagkansela sa “sponsorship” at pinagbawalan ang Mattena Corporation na magsagawa ng anumang pag-isponsor dahil sa ginawa nitong paglabag sa kontrata.

Patuloy namang tumutulong ang Migrante sa mga OFW para makuha ang hindi nabayarang suweldo na nakasampa na sa Workplace Ombudsman sa South Australia. Nakikipag-ugnayan din ang grupo sa mga nais magbigay ng suporta sa mga naturang OFW para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Kailangang ipagpatuloy ang edukasyon sa publiko hinggil sa isyung ito para maprotektahan ang karapatan ng mga dayuhang manggagawa at matigil ang mga ganitong klase ng pang-aabuso,” sabi pa ni Kotsakis.