Istorya ng Linggo

Hunyo na’t kumusta ang moratoryo sa pagtaas ng singil sa matrikula?


Sampung porsiyento lamang daw ng mga kolehiyo at unibersidad ang may tuition fee increase, kaya’t inaatupag na lamang ng Ched ang pagtugon sa AH1N1 virus sa darating na pasukan. Pero nagtataasan ang miscellaneous fees at kumakaunti ang mga nakakapag-aral.

May mapangahas na apela noon si Pangulong Arroyo sa mga may-ari ng pribadong mga kolehiyo at unibersidad: huwag muna kayong magtaas ng singil sa matrikula. Ito ay para makaagapay umano ang mga pamilyang Pilipino sa pumutok na pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.

Bandang Pebrero, ipinagyabang na ng Commission on Higher Education (CHED) na tatalima ang mayorya ng mga Higher Education Institution (HEI) sa apelang ito. “Siguro baka wala pang ten percent ang mag i-increase kung sakali man,” sabi noon ni Dr. Emmanuel Angeles, tagapangulo ng CHED.

Kamakailan, inanunsiyo muli ni Angeles na tagumpay ang apelang moratoryo ng gobyerno. May 129 lamang sa may 1,726 na kolehiyo at unibersidad ang magtataas ng singil sa matrikula ngayong pasukan. Bumaba na umano ito nang husto kumpara sa halos 500 na naghain ng petisyon para sa pagtaas ng matrikula noong Enero.

Pero para sa mga grupong pangkabataan, hindi ramdam ng mga estudyante ang kaginhawaang dulot ng nasabing moratoryo dahil sa tindi ng krisis, at sa patung-patong na miscellaneous fees na daig pa ang singil sa matrikula.

Singil sa matrikula, dumoble

Hindi rin biro ang average na 7.8 porsiyentong pagtaas ng singil sa matrikula ng mga kolehiyo at unibersidad sa National Capital Region (NCR). Malalaki ang estudyanteng populasyon ng Lyceum of the Philippines ( limang porsiyento ang pagtaas ng matrikula); University of the East o UE (limang porsiyento rin); Far Eastern University (anim na porsiyento); Philippine School of Business and Arts (15 porsiyento), San Beda College (20 porsiyento); at University of Santo Tomas (pito hanggang 8.54 porsiyento).

Hindi rin natiis ng dalawa sa pinakamalaking HEI sa Cebu City, ang Cebu Doctors’ University at Northeastern Cebu Colleges, na magtaas ng singil sa matrikula nang lima hanggang anim na porsiyento. Tuloy, nabalewala ang pahayag ni CHED 7 Education Supervisor Dante Cabunilas noong nakaraang buwan lamang na ito ang unang beses na hindi magtataas ng tuition ang lahat ng kolehiyo at unibersidad sa rehiyon ng Central Visayas.

Walang dapat ipagmalaki ang CHED, ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino. Kung susuriin nang maigi ang datos, aniya, halos dumoble ang singil sa matrikula sa ilalim ng gobyernong Arroyo.

Noong pasukang 2001-2002, nasa P230.79 kada yunit ang average na tuition fee sa buong bansa. Tumaas ito ng halos 90 porsiyento sa pasukang 2008-2009, at ngayo’y nasa P437.10 na.

Mas mataas pa ang average na matrikula sa NCR. Umabot ito ng P855.20 kada yunit noong nakaraang pasukan, kumpara sa P439.59 noong 2001. Nangangahulugan ito ng mahigit 90 porsiyentong pagtaas.

‘Mapanlikhang’ miscellaneous fees

Noong Mayo 29, dinagsa ng iba’t ibang grupong pangkabataan ang tanggapan ng CHED para irehistro ang umano’y kainutilan ng gobyerno na paunlarin ang sitwasyon ng dalawang milyong estudyante sa tertiary level na balik-eskuwela sa Hunyo 8.

Para sa darating na pasukan, inilunsad ng CHED ang programang “Balik Aral, Balik Estudyante” para tumutok sa kampanya laban sa AH1N1 virus. Ituturo ng ahensiya ang wastong kalinisan at sisiguruhing handa sa mga sakuna ang mga eskuwelahan, lalo’t papalapit na ang tag-ulan.

Pero tila nakalimutan na ng gobyerno, ayon sa mga kabataan, na mas malaking virus at sakuna ang walang humpay na pagsulpot at pagtaas ng miscellaneous fees. “Ang nabantayan lang naman ng CHED ay ang pagtaas ng tuition, hindi ang patuloy na paninigil sa miscellaneous fees,” sabi ni Terry Ridon, pangkalahatang kalihim ng League of Filipino Students o LFS.