Halalang walang kaseguruhan


Walang mapanghahawakan ang taumbayan kundi ang sarili nilang pagkakaisa at determinasyon na biguin ang anumang tangkang madiskaril ang halalan

Editorial cartoon ni Neil Doloricon
Editorial cartoon ni Neil Doloricon

Matagal na ang mga agam-agam hinggil sa kakayahan–o kaseryosohan pa nga–ng Commission on Elections o Comelec na pangasiwaan ang unang fully-automated na halalan sa bansa. Senaryong “failure of elections” ang itinambol ni Jose Melo, tagpangulo ng Comelec, noong nakaraang buwan lamang dahil sa walang kompanyang nakakapasa sa mga naihaing pamantayan para sa pagpapatakbo ng mga makinang gagamitin sa halalan.

Ngunit nitong Mayo 27, itinanghal ng Comelec Special Bids and Awards Committee (SBAC) ang kumpanyang nanalo sa bidding: ang Smartmatic and Total Information Management (Smartmatic/TIM). Ito rin ang kompanyang nagsuplay ng makinang ginamit sa halalan sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) noong nakaraang taon, ang tinaguriang eksperimento ng de-makinang halalan.

Masaya na sana ang lahat sa sinabi ni Ferdinand Rafanan, tagapangulo ng Comelec SBAC, na “on-time” pa rin para sa 2010 ang kaganapang ito. Pero susunod niyang sasabihin na hindi naman sila naghahanap ng mga makinang hindi papalya. Sa 26 na rekisito na kailangang lagpasan ng bidder, aminado si Rafanan na hindi kasali sa Terms of Reference ang ang rekisitong ligtas ito mula sa panlabas na manipulasyon. “Nothing is fool-proof,” aniya.

Kung pagbabatayan ang itinakbo ng halalan noon sa ARMM, na ibinigay din sa kompanyang Smartmatic/TIM, may batayan ang publiko para maalarma.

Sa ilang presinto sa Maguindanao, depektibo o di kaya’y biglaang nagsara (shutdown) rin ang ilan sa mga makinang ito. Sa maraming mga pagkakataon, kinailangang umayuda sa botante ng mga tagalabas na ekspertong teknikal.

Samantala, sa ilang presinto sa iba pang probinsya ng ARMM, mayroong mga di-pagkakatugma sa bilang ng mga bumoto at mga botong naitala. Maraming Automated Counting Machines ang nag-overheat at tumigil sa paggana.

Nauna nang inihayag ng mga grupong tagapagbantay sa halalan na Center for People Empowerment in Governance (CenPeg), Movement for Good Governance, Computer Professionals Union, at Computing Society of the Philippines na walang teknolohiyang may kaseguruhan, lalo sa sistemang pinili ng Comelec na halos walang iniiwang paper trail. Lalo rin umano kung kaduda-duda ang mga taong nasa likod ng pagpapatakbo ng sistemang ito.

Sinabi rin ng mga grupo, sa isang porum noon pang Marso, na nahuhuli na ang Comelec sa timetable na itinakda nito para sa fully-automated na halalan. Sa kanilang tantiya, di na kakayanin pang sanayin nang maayos ang mga botante at mga taong magpapatakbo sa makina.

Kung sa bagay, wala na ring oras dapat para sa pagbabago ng 1987 Konstitusyon, pero heto’t noong nakaraang linggo lamang ay patraydor na tinatangka ng mga kongresista na buuin ang Constituent Assembly.

Dahil posibleng patungo sa term extension ng ganid-sa-kapangyarihang si Gloria Arroyo ang Con-ass na ito, ano ang kaseguruhang panghahawakan ng taumbayan na magkakaroon sila ng tsansang pairalin ang kanilang karapatang bumoto sa susunod na taon?

Hindi ang pahayag ng Malakanyang na sa kabila ng Con-Ass ay matutuloy ang halalan sa 2010. Alam ng lahat na kung si Arroyo lamang ang matutupad, hindi na siya kailanman bababa sa puwesto para harapin ang sandamakmak na mga krimen ng korupsiyon, pandaraya, at paglabag sa karapatang pantao.

Hindi ang pahayag ng Comelec na magtatagumpay ang de-makinang halalan. Alam ng lahat na mayroon itong di-mapagkakatiwalaang rekord (maaalala ang papel ng Comelec sa iskandalong “Hello Garci” o dayaan noong 2004), gayundin ng dayuhang kompanyang binigyan nito ng napakalaking kapangyarihan.

Walang mapanghahawakan ang taumbayan kundi ang sarili nilang pagkakaisa at determinasyon na biguin ang anumang tangkang madiskaril ang halalan at mahigpit na bantayan ang pagkakataong mapalitan ang isang pangulong matagal nang hindi nararapat sa kanyang puwesto.