Migrante

Gobyerno nakadepende pa rin sa OFW


Nakadepende pa rin sa trabaho sa ibayong-dagat ang gobyerno batay na rin sa pinakahuling datos sa kawalan ng trabaho ng NSO (National Statistics Office), ayon sa Migrante International. Inanunsiyo ng NSO kamakailan na sumadsad sa 7.5 porsyento noong Abril ang unemployment rate mula sa walong porsyento noong nakaraang taon. Ipinakikita rin ng naturang sarbey na […]

Nakadepende pa rin sa trabaho sa ibayong-dagat ang gobyerno batay na rin sa pinakahuling datos sa kawalan ng trabaho ng NSO (National Statistics Office), ayon sa Migrante International.

Inanunsiyo ng NSO kamakailan na sumadsad sa 7.5 porsyento noong Abril ang unemployment rate mula sa walong porsyento noong nakaraang taon. Ipinakikita rin ng naturang sarbey na sa 37.8 milyon lakas paggawa, 34.99 lamang ang may trabaho o 1.458 milyong mas marami sa 33.54 milyon noong nakaraang taon.

“Ipinagmamalaki ni Labor Sec. Marianito Roque ang maliit na pagbaba sa kawalan ng trabaho sa bansa, nakakaalarmang malaman na ang dahilan nito ay ang pinatinding labor exportation program ng gobyernong ito” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Ipinaliwanag ni Martinez na ayon sa National Statistical Coordination Board, ang kabuuang bilang ng pagpapadala ng OFW ngayong unang kwarto ng taon ay 44.7 porsyentong mas mataas mula Enero hanggang Marso noong nakaraang taon.

“Ang mataas na bilang ng pagpapadala ng OFW sa unang apat na buwan ng taong ito ang may pinakamalaking porsyento ng pagtaas sa pagkakaroon ng trabaho kumpara sa ibang sektor tulad ng agrikultura, konstruksiyon, at iba pa,” sabi ni Martinez.

Iginiit pa ni Martinez na lilikha lamang ng mas malalim at matagalang problema sa kawalan ng trabaho sa bansa kung patuloy na dedepende ang gobyerno sa labor exportation.

“Kung totoong uunlad tayo sa migrasyon, isa na sana sa pinakamayamang bansa ang Pilipinas. Ang labor export program ay nagsimula noon pang 1974, 35 taon na ang nakalilipas, naghihirap pa rin ang sambayanang Pilipino hanggang sa ngayon,” ani Martinez.