Migrante

15 OFW sa Sabah dapat tulungan ng gobyerno


Labinlimang OFW (overseas Filipino workers) ang mamamatay sa gutom kung hindi agad na aaksiyon ang gobyerno, ayon sa Migrante International. Ayon sa grupo, dapat magsagawa ng rescue mission ang administrasyong Arroyo para sa 15 OFW na minamaltrato sa Hoy Chan Plantations sa Jalan Jeroco, Sabah. Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, hindi pinaaalis sa […]

Labinlimang OFW (overseas Filipino workers) ang mamamatay sa gutom kung hindi agad na aaksiyon ang gobyerno, ayon sa Migrante International.

Ayon sa grupo, dapat magsagawa ng rescue mission ang administrasyong Arroyo para sa 15 OFW na minamaltrato sa Hoy Chan Plantations sa Jalan Jeroco, Sabah.

Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, hindi pinaaalis sa naturang plantasyon ang mga OFW at hindi binibigyan ng pagkain simula pa noong Hunyo 17.

Kinilala ang mga OFW na sina Joenel Caro, Roland Casis, Nelio Casquejo, Ruben Cortel, Moisis Cortel, Michael Duran, John Mark Libuna, Vicente Libuna, Rene Lim, Ariel Lorena, Ian Rey Lorena, Butch Pastolero, Quizy Pastolero, Romeo Pedregosa at Zandro Camda.

“Ikinulong sila doon nang labag sa kanilang kalooban at walang pagkain dahil sa pagtanggi nilang magtrabaho dahil na rin sa hindi makataong kondisyon sa plantasyon. Nanawagan sila ngayon sa gobyerno na makialam na para makauwi sila sa Pilipinas,” ani Martinez.

Sinabi pa ng Migrante na alam ng embahada ng Pilipinas ang kalagayan ng mga OFW simula pa noong Abril 29, 2009 pero hindi ito umaaksiyon. Nauna nang humiling ng tulong para sa mga OFW ang Asia-Pacific Mission for Migrants – Hong Kong mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

“Kung umaksiyon lamang agad ang mga opisyal ng embahada, nailigtas sana ang mga OFW na ito sa kanilang kasalukuyang kalagayan. Sa kasamaang palad, buhay at kamatayan na ang kanilang kalagayan dahil sa kainutilan ng mga opisyal na ito,” sabi ni Martinez.

Nanawagan ang Migrante sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng naturang insidente.

Iginiit ni Martinez na dapat managot ang administrasyong Arroyo at mga opisyal ng embahada kapag hindi naisalba ang 15 OFW. Dapat aniyang agad puntahan ang mga ito para ligtas na mapauwi sa bansa kasama na ang makatwirang kompensasyon para sa kanila.