Usapang lalaki (2)

May 10, 2009

(Huli sa dalawang bahagi)

Malas kung babae, masuwerte kung lalaki.

Sinusukat ang kahusayan ng babae batay sa pamantayan ng pagiging lalaki. Ang kahinaan naman ng lalaki ay hinuhusgahan batay sa diumanong katangian ng babae.

Para sa isang babaeng kasing-tapang ng lalaki, binabansagan siya sa wikang Ingles na woman with balls.” Ang isang lalaking mahina ang loob o iyakin ay tinatawag namang “sissy” (na pinaikling sisterly).

Hindi nahuhuli ang wikang Filipino sa mga terminong nagpapakita ng dominasyon ng lalaki (bagama’t maraming nagsasabing mas niyutral sa kasarian (gender-neutral) ito kumpara sa wikang Ingles). Kahit sa panahong wala nang hari’t reyna sa bansa, ginagamit pa rin ang mga terminong ang salitang-ugat ay “hari” (e.g., kaharian, naghaharing-uri, naghahari-harian) para ipakita ang pangingibabaw ng oligarkiya (na alam nating binubuo ng kalalakiha’t kababaihan). Kung ang isang lalaki naman ay nakaloko o nakaisa sa isang kapwa lalaki, sinasabing siya ay “nakalalaki.” Ang patuloy na paggamit ng mga salitang ito’y lalong nagpapalakas sa kasalukuyang patriyarkal na kaayusan.

Mainam na suriin ang mga salitang ginagamit natin sa komunikasyon sapagkat sinasalamin ng mga ito ang klase ng lipunang mayroon tayo. Sa personal na antas, ang klase ng wikang ginagamit natin ay nagpapakita rin ng ating pagkatao. Kung pormal ang diskurso (tulad ng sanaysay na ito), maaasahan ang seryosong atensiyon ng sinumang interesadong makibahagi.

Pero paano kung hindi pormal ang paraan ng komunikasyon? Ang pabiro bang paliwanag sa isang seryosong bagay ay dapat ipagwalang-bahala na lang?

Marahil ay itinatanong mo ito sa iyong sarili sa pagbasa mo ng sikat na blog na Hay! Men! Ang Blog ng mga Tunay na Lalake (http://tunaynalalake.blogspot.com).

Mula nang magsimula ito noong Abril 22, puro katatawanan (madalas pa nga’y kabastusan) ang ipinakita sa paghusga nito kung sino nga ba ang tunay na lalaki. Ang mga tao sa likod ng blog na ito ay gumawa ng isang manipesto na nagsisilbing pamantayan ng kanilang pagsusuri kung ang napiling lalaki, babae, organisasyon o gawain ay tunay na lalaki.

Sa manipesto pa lang na inihanda ay talagang matatawa ka na:

  1. Ang tunay na lalaki ay hindi natutulog.
  2. Ang tunay na lalaki ay hindi nagte-textback, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot.
  3. Ang tunay na lalaki ay laging may extra rice.
  4. Ang tunay na lalaki ay hindi vegetarian.
  5. Ang tunay na lalaki ay walang abs.
  6. Ang tunay na lalaki ay hindi sumasayaw.
  7. Ang tunay na lalaki ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake.
  8. Ang tunay na lalaki ay laging may t__ sa brief. (Nagdesisyon akong hindi ilagay ang isang salitang baka makaapekto sa sensibilidad ng mambabasa, bagama’t alam kong may ideya ka kung anong salita ito.)
  9. Ang tunay na lalaki ay hindi naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang mga gamit dahil may babaeng gagawa noon para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalaki kung hindi niya kilala o hindi niya maalala ang pangalan ng babae.
  10. Ang tunay na lalaki ay hindi nagsisimba.

Ipinapakita ng 10 pamantayang ito ang batayang katangian ng isang nag-aastang macho sa kasalukuyang lipunan – malakas kumain (kaya may extra rice), madalas sa umpukan (kaya hindi natutulog), malakas sa inuman (kaya walang abs), at, higit sa lahat, pinagsisilbihan ng kababaihan (kaya hindi naghuhugas o nagliligpit).

Dahil puro katatawanan ang blog na ito, ang mensaheng nais ipahatid ay ang eksaktong kabaligtaran ng biro. Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng political satire at sardonic humor? Halimbawa, kung nakasulat sa manipesto na ang lalaki ay ”hindi nagsisimba,” sa aktuwal ay dapat na ginagawa niya ito para maging tunay na lalaki.

Epektibo ang kanilang pagpapatawa kung susuriin ang mga post tungkol sa pagkalalaki ng ilang kilalang personalidad sa literatura, musika, pelikula, pulitika at iba pang larangan. Sa sobrang babaw ng pamantayan, hindi mo talaga seseryosohin ang kanilang pagsusuri kung tunay nga bang lalaki ang pinapaksa nila o hindi.

May post itong nakasaad na ang isang tunay na lalaki ay “nasasagasaan ng tren sa sobrang kalasingan.” Malinaw na malinaw na ang mensaheng nais ipahatid ay ang kabaligtaran: (1) huwag magpasagasa sa tren; at (2) huwag uminom nang sobra, lalo na’t malayo ang uuwian.

Pero kapansin-pansin ang problemang lumalabas kung binibigyan ng pulitikal na dimensyon ang kababawan ng sukatan sa pagkalalaki.

Ang awtor ng isa sa pinakabagong post tungkol kay Lenin (1870-1924) ay humusga sa kanya bilang tunay na lalaki sa sumusunod na dahilan: (1) hindi niya ikinahihiya ang pagiging panot; (2) makapal ang bigote’t balbas; (3) wala siyang abs; (4) pinangunahan niya ang “maaksiyong bakbakan” laban sa (hindi tunay na lalaking) sistema; at (5) hindi siya “mas pilosopo sa mga pilosopo,” na isang patungkol sa ideolohikal na debate niya kay Trotsky.

Kung kabaligtaran ang aktuwal na mensahe, ibig sabihin nito’y si Lenin, sa opinyon ng awtor, ay HINDI dapat na pinangunahan ang rebolusyon sa Rusya para matawag na tunay na lalaki.

Kakaiba naman ang katangian ng isa pang post tungkol kay Eman Lacaba (1948-1976), isang Pilipinong rebolusyonaryo’t manunulat. Siya raw ay tunay na lalaki (“+10” pa nga) dahil sa sumusunod:

  1. Hindi natutulog sa pakikibaka. May anemia na nga, eh. See Open Letter to Filipino Artists.
  2. Hindi nagte-textback dahil walang cellphone nun.
  3. Palaging may extra rice mula sa masa ang mga kasama.
  4. Walang kimi sa pagkain, mas lalo nang hindi vegetarian ang mga kasama.
  5. Walang abs for sure.
  6. Hindi sumasayaw kahit sa bala. Kaya nga napatay, eh.
  7. Umaamin ng pagkakamali sa lahat – TnL (tunay na lalaki) man o hindi sa tradisyon ng criticism at self-criticism ng kilusan.
  8. Ewan ko lang kung may t__ siya sa brip.
  9. Hindi naghuhugas ng pinagkainan ang mga kasama dahil dahon ng saging lamang ang gamit nila.
  10. Walang duda na hindi nagsisimba ang mga kadre ng partido.

Sa aking opinyon, ito na ang pinakamatinong post sa blog (kahit na hindi ako natatawa o natutuwa sa ika-anim na punto). Pero hindi ito umaayon sa pangkabuuang layunin ng blog na magbigay ng isang satirikong diskurso sa pagkalalaki. Isa kasi itong direktang pagbibigay ng mga katangian, sa nakakatawa pa ring paraan, ng isang tunay na lalaki.

Hindi ko intensiyong magbigay ng suhestiyon na gawin itong modelo para sa mga susunod na post para maging makabuluhan ang Hay! Men!

Pundamental kasi, para sa akin, ang problema ng blog na ito. Sa titulo pa lang, kitang-kita na ang kapilyuhan dahil sa malinaw na patungkol sa pagkabirhen ng babae (hymen). Maaari ding patutsada ito sa mga bakla dahil sa salitang “Hay!”

Sa layunin nitong pag-ibahin ang katangian ng babae’t lalaki, yumakap (intensiyonal man o hindi) ang mga awtor ng blog sa patriyarkal na pananaw. Mapapansin ito sa kabastusang hatid ng mga katagang “espesyal na relasyon sa mikropono” ng mga hindi tunay na lalaki at pagkakaroon ng sandatang maaaring “itutok” sa isang babae para naman sa mga tunay na lalaki. Sa kaso ng post na nagsasabing ang trabaho ng tunay na lalaki ay isang panadero, halatang halata ang seksismo sa argumento: “Dahil ang Tunay na Lalake, laging nagmamasa para laging may kakainin na monay ang mga kapwa Tunay na Lalake.”

Oo nga’t malaki ang naitutulong ng blog na ipakilala sa mas malawak na mambabasa ang ilang importanteng tao sa iba’t ibang larangan. Pero kailangang tandaang iba ang pagpapakilala (introduction) sa pagkilala (appreciation). Ano’ng saysay ng pagpapakilala, halimbawa, kay Dr. Bienvenido Lumbera kung ang tanging natatandaan lang sa kanya ay kamukha niya ang aktor na si Bruce Willis? Hindi naman makakasagabal sa pagbibigay ng punchline ang paliwanag kung sino si Lumbera dahil makakaya naman itong gampanan ng hyperlink sa pangalan niya.

Dahil sa estilo ng pagsusulat ng mga post na may kahalong mura, hindi tuloy masisisi ang maraming nagkokomento sa blog na nagmumurahan sa isa’t isa na siyang pinagsisimulan ng maraming flame war. At sa halip na sagutin ng mga awtor ng blog ang ilang iresponsableng komento para hindi maligaw sa diskusyon, hinahayaan lang silang mag-away-away. Kung sabagay, ang kantidad ng komento ay sinasabing tatak ng kasikatan ng isang blog.

At hindi natin matatawaran ang kasikatan ng Hay! Men! sa kasalukuyan. Ayon mismo sa blog, ito ay nangunguna sa kategoryang Humor ng Top Blogs Philippines. Sa loob ng napakaikling panahon, ang global rank nito sa Alexa ay umabot na sa 339,369. Ang page views naman nito, ayon sa Sitemeter, ay 20,467 bawat araw. Ang pahina naman nito sa Facebook ay may 1,409 na tagahanga habang sinusulat ito.

Talaga namang madadala ka sa pamilyaridad ng mga awtor sa popular na kultura at klasikal na literatura. Matatalino sila’t mahuhusay magsulat, bagama’t hindi gaanong mapanlikha ang ilan sa kanila sa pagpapatawa dahil kailangan pang gumamit ng mura para idiin ang mga punto nila.

Pero hindi ko masasabi kung malalim ang kanilang kaalaman sa pemenismo o kung nasa perspektiba nila ang pagkakapantay-pantay ng kasarian. Sapagkat kung alam nila ang konteksto ng pakikibaka ng kababaihan, hindi nila maiisip na gumawa ng isang blog tungkol sa mga “tunay na lalaki” ng lipunan, kahit na pabiro lang ito. Malalaman kasi nila nang maaga pa ang delikadong sitwasyon na bigyan ng ibang interpretasyon ang mensahe nila.

Ang pagpapatawa ay seryosong gawain. Sa larangan nga ng panulat, mas mahirap gumawa ng akdang nakakatawa kumpara sa seryoso. Mas malaking hamon ang kinakaharap ng mga taong nagnanais na gampanan ang pagmumulat sa nakararaming mamamayan sa pamamagitan ng political satire.

Kailangan nang magkaroon ang wakas ang “wasak.”

Dahil malinaw na hindi kayang magampanan ng mga tao sa likod ng Hay! Men! ang kinakailangan para maging epektibo sa pagmumulat, mainam na gumawa na lang sila ng bagong blog na ang tatalakayin ay hindi pagsusuri ng pagkalalaki kundi diskurso sa pagkatao. Hindi ba’t ito ang mas mahalagang pagtuunan ng ating pagtawa’t pag-unawa?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.