Usapang lalaki (1)

May 2, 2009

(Una sa dalawang bahagi)

Mahirap maging babae sa kasalukuyan. Sa panahon ng kilusang kababaihan noong dekada 70 nauso ang kasabihan sa wikang Ingles: “A woman has to work twice as hard to be considered half as good as a man.”

Tila pinagkaisahan ng lahat ng insitusyong panlipunan ang kababaihan. Ang pamantayan ng kagandahan ay mababang neckline at mataas na hemline, bukod pa sa mataas na takong ng sapatos na pumipigil sa paggalaw (o kahit simpleng paglalakad). Inaasahan silang gampanan ang lahat ng gawaing bahay tulad ng pagluluto’t paglalaba. Kung may asawa’t anak na, responsibilidad rin nilang alagaan ang mga bata. Problema nila ang pagbabadyet ng pera, kaya madalas na sila ang unang nagsasakripisyo kapag kulang ito sa pangangailangan ng pamilya.

Sa panahon ng mababang suweldo’t mataas na presyo ng mga bilihin, napipilitan din silang magtrabaho habang ginagampanan ang napakabigat nang tungkulin bilang “ilaw ng tahanan.” Ayon sa Labor Force Survey noong Oktubre 2008, may 34.5 milyong Pilipinong may trabaho at 13.3 milyon (38%) nito ay kababaihan. Karamihan sa kanila ay nasa wholesale and retail trade (3.9 milyon) at agriculture, hunting and forestry (3.0 milyon).

Siyempre, hindi naman lahat ng 13.3 milyong babae ay napipilitang maging bahagi ng lakas paggawa (labor force) dahil mayroon din namang piniling magkaroon ng sariling trabaho. Pero hindi natin maikakailang malaking bahagdan ng kababaihang mula sa naghihirap na pamilya ay kailangang humanap ng paraan para madagdagan ang kita ng pamilya. Sa Maynila, halimbawa, na matatagpuan ang 1.7 milyong nagtatrabahong babae, ang minimum na sahod (non-agriculture, Marso 2009) ay P382 samantalang ang family living wage (Mayo 2008) ay P858. Malinaw na hindi kayang tustusan ang pangangailangan ng isang pamilya kung isa lang ang nagtatrabaho.

Hindi ito isang panawagan sa kalalakihan para ”alagaan ang mga babaeng likas na mahina.” Una, hindi nila kailangan ang ating pag-aalaga kundi ang ating pag-iintindi’t pakikiisa sa kanilang kalagayan. Ikalawa, lalong hindi nila kailangan ang pag-aaruga dahil maling isiping sila’y likas na mahina. Ikatlo, walang batayang ilagay sila sa pedestal dahil ang ating hangarin ay ang pagkakapantay-pantay ng kasarian.

Itinakda ng ating patriyarkal na lipunan ang maling pagtingin na kailangan ng proteksiyon ng mga babae mula sa mga lalaki. Salamat sa midya, naikintal sa ating isip na ang isang babaeng mahinhin ay mabait samantalang ang babaeng palaban ay masama. Normal ang pag-iyak sa babae dahil mahina siya, samantalang hindi dapat lumuha ang isang lalaki dahil malakas siya.

Para sa isang katulad kong nag-aral mula elementarya hanggang hayskul sa isang paaralang pribado na, Katoliko pa at, higit sa lahat, eksklusibo para sa kalalakihan, aaminin kong puno ng seksismo ang aking pagtingin sa kababaihan noon.

Naniwala ako noong pangunahing sukatan ng pagkalalaki ang pagkakaroon ng maraming babae, at isang indikasyon ng pagiging maabilidad ay kung paano hindi mabibisto ang pagiging babaero.

Inom dito, sigarilyo roon, lakwatsa kahit saan – naranasan ko ang mga ito sa aking pagbibinata. Ang konsepto namin ng barkadahan ay ang umpukan na kung saan ibinibida ang bagong babaeng nais ligawan o napasagot na. Malinaw sa aming barkadang hindi dapat patusin ng isa ang “chick” na “nabakuran” na.

Oo, walang pinagkaiba sa sisiw na nakakulong ang pagtrato namin sa babae. Hindi namin sineryoso ang mga relasyong pinagdaanan namin, at mas masaya pa nga kapag nabalitaan naming iniyakan kami ng babae. Ibig sabihin lang noon, magaling kaming manloko!

Muli kong naalala ang seksismong bumalot sa aking buhay hayskul nang magkaroon ako ng tsansang muling makapiling ang ilan sa mga dati kong kabarkada noong Disyembre 2008. Nalaman kong nakamit nila ang kanilang pangarap noong hayskul – sila’y mga naging abogado, inhinyero, doktor at negosyante. Pero bukod sa malaking kitang nakukuha nila mula sa kanilang propesyon, nanatili ang pagtinging ang babae’y nabubuhay lang para sa kaligayahan ng lalaki. Kahit may asawa, patuloy pa rin ang pagbibilang ng “chick” at walang pakialam kahit bistado na sila sa kanilang gawi.

“Tunay na lalaki ito, pare!” katuwiran nila sa akin. At may dagdag pang biro: “Hindi katulad mo!”

Mahigit apat na buwan na ang nakaraan pero naalala ko ang pagiging “tunay na lalaki” nila nang mapansin kong may bagong blog na nagbibigay ng kakatwang sukatan sa pagiging lalaki. Ito ay may titulong “Hay! Men! Ang Blog ng mga Tunay na Lalake!” na makikita sa http://tunaynalalake.blogspot.com/.

Mahusay ang pagkakasulat at halata mong may malalim na kaalaman sa popular na kultura ang mga nasa likod ng blog na ito. Hindi nakakagulat na marami nang nagbabasa nito kahit na noon lang Abril 22 nagsimula ito. Isang ebidensiya ng mataas nitong web traffic ay ang global rank na 902,919 sa Alexa.

Mainam na suriin kung anong klaseng diskurso sa pagkalalaki ang itinataguyod, kahit sa mapang-aliw na paraan, ng blog na ito. (ITUTULOY)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.