Istorya ng Linggo

Kung nasaan si GI Joe, naroon ang seksuwal na abuso

Sa mga Pilipinong hindi makapaniwala sa balita na may isa na namang Pinay ang ginahasa diumano ng sundalong Kano, marapat marahil na bisitahin ang mahabang rekord ng presensiya ng militar ng US sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sundalong Kano sa Pilipinas: muli na namang inaakusahang nanggahasa ng Pinay.
Sundalong Kano sa Pilipinas: muli na namang inaakusahang nanggahasa ng Pinay. (PW File Photo)

Bakit tuwing may sundalong Kano, may balita ng panggagahasa?

Hindi lamang sina Nicole at Vanessa, kundi maraming iba pa, ang Pilipina (pati mga bata) na dati nang nabalitang ginahasa o seksuwal na dinahas ng mga sundalong Kano. Noong may base militar pa ang US sa bansa, aabot sa 3,000 (ayon sa Gabriela) ang naging biktima ng seksuwal na karahasan. Walang umabot sa korte ni isa rito.

At hindi lamang siyempre sa Pilipinas.

Tropang Kano at seksuwal na abuso

Kung saan may malaking presensiya ng militar ng US, doon din nagiging talamak ang mga ulat ng panggagahasa at seksuwal na abuso. Sa maliit na isla ng Okinawa sa Japan, aabot diumano sa 400 ang naiulat pa lamang na kaso ng seksuwal na atake sa mga sibilyan ng mga tropang Kano.

Kasama sa mga biktima ang isang siyam-na-buwang sanggol at mga batang mula anim hanggang 15-anyos. Noong 1995, tatlong US Navy Seamen, sina Marcus Gill, Kendrick Ledet at Rodrico Harp, ang nahatulang maysala sa panggagahasa ng 12-taong gulang na bata. Karumaldumal ang mga detalye: Dinukot ng mga sundalo ang bata, ginulpi, piniringan ang mata at binusalan ang bibig ng duct tape, at saka ginahasa. Ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, nahikayat ang gobyernong Hapon na umaksiyon laban sa mga sundalong Kano matapos ang halos araw-araw umanong kilos-protesta ng mga taga-Okinawa laban sa presensiya ng tropang Kano sa isla.

Kamakailan, noong Pebrero 2008, nabalita muli ang panggagahasa ng isang sundalong Kano, si Staff Sgt. Tyrone Luther Hadnott, sa isang 14-anyos na batang babae. Noong Pebrero 2008 rin, isang Pilipinang itinago sa pangalang Hazel ang nagreklamo ng panggagahasa sa isang US Marine. Tulad ng maraming reklamo laban sa mga sundalong Kano, binasura ng Court Martial ang kaso laban sa sundalong humalay diumano kay Hazel.

Sa South Korea noong 1992, kung saan may matagal nang base ang US, nagsagawa ng malawakang mga kilos-protesta ang mga Koreano sa ilalim ng organisasyong Nationl Campaign for the Eradication of Crime by US troops in Korea, matapos mabalita ang brutal na panggagahasa at pagpatay sa isang Koreanang babae. Sa Guam, dumarami na rin umano ang ulat ng seksuwal na abuso ng dumarami ring bilang ng US Marines sa lugar, ayon sa policy report ng Foreign Policy in Focus.

Sa huling mga giyerang nilahukan lamang ng US — sa Afghanistan at Iraq — talamak din ang ulat ng panggagahasa. Tampok dito ang balitang panggagahasa ni Pvt. First Class Steve Green sa isang 14-anyos na batang Iraqi sa Baghdad noong 2006. Ayon sa mga ulat, pinatay ni Green ang biktima at ang buong pamilya ng biktima matapos ang panggagahasa. Sinunog din diumano ni Green ang katawan ng biktima.

Sa loob mismo ng militar ng US, napapabalita ang pagtaas ng bilang ng panggagahasa. Ayon sa ulat ng Los Angeles Times, may naulat na 2,947 kaso ng seskuwal na pandarahas noong taong 2006 lamang. Tumaas ito ng 24% kumpara sa 2005. Ayon pa sa ulat, sa pag-aaral mismo ng Pentagon, mahigit kalahati ng bilang ng inirereklamong insidente ng seksuwal na abuso ay hindi naaksiyunan. Kakaunti ang nasasakdal.

Panggahasa kay Nicole

Sa naging testimonya ni Nicole sa korte ng Makati Regional Trial Court hinggil sa panggagahasa sa kanya ni Lance Corp. Daniel Smith sa Subic, Zambales noong Nobyembre 2005, masisilip ang saklaw ng presensiya ng tropang US sa bansa.

“Sa kanyang testimonya, ikinuwento ni Nicole kung paano araw-araw niyang nakikita ang mga sundalong Amerikano sa Camp Navarro (sa Zamboanga City),” ayon kay Atty. Evalyn Ursua, dating abogado ni Nicole. “Kaya lang, hindi masyado naibalita sa midya ang testimonya niya.”

Isang kampo ng militar ng Pilipinas ang Kampo Navarro, pero may nakalaang opisina ang mga sundalong Kano roon. Labag man sa VFA, may iba-iba pang dahilan na ginagamit ang mga yunit ng militar ng US (tulad ng Mutual Logistics Support Agreement, gayundin ang iba pang probisyon ng Mutual Defense Treaty) para manatili ng pasilidad at tropa sa Zamboanga.

Test case sana sa RP-US Visiting Forces Agreement ang kaso ni Nicole, ayonkay Renato Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Pero malinaw na binagsak ng gobyernong Arroyo ang pagsusulit na ito.

Samantala, sa pagputok ng balita sa panggagahasa sa isa na namang Pilipina, si Vanessa, tila lalong tumitindi ang seksuwal na pang-aabuso ng mga tropang Kano sa bansa.