Istorya ng Linggo

Silang naglalantad ng katotohanan


Iisa ang nagbigkis sa kanila: ang paglaban sa panggigipit ng isang administrasyong kanilang binabatikos.

Si Engr. Rodolfo "Jun" Lozada, whistleblower, sa porum ng Pagbabago! kamakailan. (Soliman A. Santos)
Si Engr. Rodolfo "Jun" Lozada, whistleblower, sa porum ng Pagbabago! kamakailan. (Soliman A. Santos)

Magkakaiba sila ng antas ng pamumuhay, iba-iba rin ang propesyon pero ngayo’y nagsasama-sama sila para labanan ang panggigipit sa kanila ng administrasyon.

Mayroong artista, abogado, mamamahayag, magsasaka, empleyado ng gobyerno at iba pa. Ngayo’y pare-pareho silang nangangambang maaresto, makulong o, pinakamasama, mapatay. Ang dahilan: naging kritikal sila at nangahas maglantad ng mga katiwaliang nagaganap sa pamahalaan.

Sa isang talakayan sa Unibersidad ng Pilipinas noong Mayo 21, nagbahaginan sila ng mga karanasan ng paninikil. Sa natura ring talakayan, ipinagtibay nila ang wari’y panatang pagpapatuloy ng inumpisahang laban.

Sa panimulang pananalita ni Prop. Roland Tolentino, tagapagsalita ng Pagbabago! (People’s Movement for Change), na siyang nag-organisa ng talakayan, layunin nito na suportahan ang mga “whistleblower” na humaharap sa paninikil ng gobyerno.

Ayon pa kay Tolentino, sa halip na kilalanin ang mga nagpasyang ilantad ang kanilang nalalaman sa maanomalyang mga gawain ng gobyerno o ng isang kompanya, dinadahas ang mga whistleblower sa Pilipinas, sinasampahan ng gawa-gawang kaso, inaaresto o ikinukulong.

Halimbawa nito si Rodolfo “Jun” Lozada, ang naglantad sa maanomalyang $329 Milyong broadband deal sa pagitan ng NBN-ZTE at ng gobyernong Arroyo. Ibinunyag ni Lozada ang malawakang korupsiyon sa naunsiyaming kasunduan. Idinawit niya sa anomalya sina dating Komisyuner Benjamin Abalos ng Comelec, Unang Ginoo Mike Arroyo at iba pa.

Sa kasalukuyan, aabot sa 16 na kaso ang kinakaharap ni Lozada kasama pa ang kanyang pamilya. Una na rito ang perjury case na isinampa ni Mike Defensor, dating tagapagsalita ni Pangulong Arroyo.

Gayunman, nananatiling matatag ang paninindigan ni Lozada. Isang leksiyon umano ang itinuro sa kanya ng paglalantad niya sa naturang anomalya. “Nalaman ko na hindi pala sapat na ilahad mo ang katotohanan, kailangan pala itong ipagtanggol at ipaglaban,” aniya.

Naniniwala si Lozada na gaano man kalakas ang kanyang kalaban, mananaig pa rin ang katotohanan kung ito’y ipaglalaban.

“Maaaring nasa kanila na ang lahat: pera, kapangyarihan, impluwensiya, militar, pero hindi nila maaagaw ang katotohanan sa akin at sa taumbayan. Ito ang magpoprotekta sa akin,” sabi ni Lozada.

Si Rez Cortez, masugid na tagasuporta ng yumaong Fernando Poe Jr., ay nanganganib namang maaresto dahil sa kasong illegal detention. Matatandaang sinampahan ng kaso si Cortez kasama ang dalawang iba pa dahil sa pagdetine umano nila kay Vidal Doble, isa sa mga nagsagawa ng wire-tap sa kontrobersiyal na usapan nina Pangulong Arroyo at dating Komisyoner Virgilio Garcillano ng Comelec para dayain ang pampanguluhang halalan noong 2004.

Idinismis na ng korte ang naturang kaso noong 2007, pero pinilit umano itong binuhay ng baliktarin ng Court of Appeals nito lamang Abril 20, 2009 ang desisyon. Naniniwala si Cortez na bahagi lamang ito ng panggigipit ng administrasyon dahil sa patuloy niyang pagbatikos dito.