Si Mrs. B, sa kanyang danas at paglalakbay


Kay Mrs. B nagpapatuloy ang paghahanap sa mga desaparecidos. Sa kanya at sa marami pang iba, nagpapatuloy ang pakikibaka.

pw-mrs-b
Rebyu ng dulang Mrs. B
Produksiyon ng Concerned Artists of the Philippines
Direksiyon ni Soc Jose

Si Edita Burgos, o Mrs. B, ang siyang itinuturing na mukha ng mga ina at kapamilya ng lahat ng desaparecidos—mga indibidwal na siyang winala at pilit winawala ng Estado. Laman siya ng mga lansangan, ng madamdaming mga martsa upang isigaw ang pangalan ng mga minamahal, upang sila’y ilitaw, buhay man o hindi.

Magmula nang dukutin ang anak na si Jonas Burgos noong ika-28 ng Abril, 2007 sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth, hindi tumigil ni napagod si Edita sa kanyang paghahanap.

Isang gabi ng Abril ng taong ito ang nagsilbing pagkilala sa sinasagisag ni Edita sa gitna ng papatinding karahasan ng Estado. Sa ilalim ng direksiyon ni Soc Jose, isinabuhay ng Concerned Artists of the Philippines sa entablado ang buhay at pakikibaka ni Mrs. B. Ginampanan ni Pinky Amador ang bidang papel sa dulang monologo.

Hindi maipagkakailang pulitikal ang dula at na mayroon itong tiyak na layuning mag-ambag sa pakikibaka ng mga kaanak ng desaparecidos. Kung gayon, hindi nagpapanggap ang dula na magmistulang makaisang-panig. Mapangahas nitong pinupukol ang Estado sa sala nito sa pananakot, pandurukot at pagpaslang sa mga itinuturing nitong kaaway, kung saan kabilang si Jonas.

Sa pagtakbo ng dula, binabaybay nito ang danas at paglalakbay ni Mrs. B bilang isang babae, asawa at ina. Makikita sa kahabaan ng dula ang mga pag-atras at pagsulong niya sa mga aspektong ito, ang kanyang mga kahinaa’t kalakasan, ang kasiguraduhan at pagbabaka-sakali sa panahon ng walang katiyakan.

Sa puntong ito naging matagumpay ang pagpili ng produksiyon upang isadula ito bilang isang monologo. Sa pamamagitan nito, higit na binigyang-diin ang kanyang sariling paglalakbay sa pagkawala at paghahanap sa anak na si Jonas. Binigyang pagkakataon ng monologo na masilip ang mas malalim na mga damdaming kimkim ni Mrs. B, ang kaniyang mga pagninilay-nilay at ang pagkakataong mangusap sa mga manonood tungkol sa kanyang danas.

Sapagkat kuwento ng paglalakbay, malaking bahagi pa rin ng dula ay ang pagbalik sa nakaraan. Inilalahad ng kalakhan nito ay ang mga kuwento’t sipi ng pamilya Burgos at ang pagpapalaki sa mga anak—ang partisipasyon ng mga ito sa pagtataguyod sa diyaryong WE Forum at Malaya, ang demokrasya sa pamilya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “family council” sa tuwing may mahahalagang usaping kailangang pagpasyahan, ang pagpahintulot niya kay Jonas (sa kabila ng kanyang pangamba para sa kaligtasan nito) na isapraktika ang kaaalaman tungkol sa organic farming sa pamamagitan ng pakikipamuhay nito sa hanay ng mga magsasaka.

Sa mga bagay na ito, higit na naging interesante ang dula sapagkat nagbigay ito ng puwang para sa mga kuwento ni Mrs. B na hindi alam ng mga manonood at ng publiko. At sapagkat dumadaan din sa proseso ng pag-unlad at pagbabago ang sinumang naglalakbay, gayundin ang kamalayang pampulitikal ni Mrs. B na siyang higit na pinatalas ng kaniyang mga karanasan.

Payak lamang ang disenyo ng entablado na tugma sa monologong katangian ng dula. Gayunpaman, may pangangailangan pang pagbutihin ang mga detalyeng teknikal nito, lalo na sa larangang multimedia upang sa gayo’y higit na maging epektibo ang mga ito sa pagkomplimenta sa mga eksena.

Samantala, isang eksena ang maituturing na pinakamadamdamin sa lahat. Sa nasabing eksena, nakatanggap ng liham si Mrs. B mula kay Jonas matapos nitong magpasya na makipamuhay sa mga magsasaka. Matagal na panahon na rin nitong hindi nakikita ang anak. Sa liham, ipinahayag ni Jonas ang pagmamahal nito para sa kanya at kung paanong ang pagmamahal na iyon ay lumalagos sa pagmamahal nito sa mga kasamang magsasaka at sa matinding kagustuhan nitong mapabuti ang kanilang kalagayan.

Aktuwal na sulat iyon ni Jonas at sa puntong iyon, hindi maiwasan ng manonood na makiisa sa pangungulila ng ina, ang mabatid ang magkakahalong damdamin ng pangamba, pangungulila, pagpapaubaya at paghanga para sa anak. Sa gitna nito, binitiwan ni Mrs. B ang mga katagang “Kailangang mag-transcend sa labas ng pamilya ang pagmamahal,” na siyang patunay sa transpormasyon at talas ng kamalayang pampulitikal na taglay ni Mrs. B.

Ang dula ay lagom ng danas at paglalakbay ni Mrs. B, at ng paghahanap. Ngunit paghahanap ito hindi lamang sa anak. Sa gitna nito ay nahanap niya ang sarili, ang sariling mahigpit na nakaugnay sa hibla ng danas ng marami pang inang tulad niya at sa mga suliranin ng naaagnas na lipunan. Sa kaniyang katauhan nagpapatuloy ang pakikibaka.

Bago matapos ang dula, matapos niyang balikan ang eksena ng pagdukot sa anak at ang panaginip ng mga eksena ng tortyur, madamdamin ang kaniyang pahayag na siyang nagsisilbing kongklusyon ng dulang Mrs. B.: “Ayoko nang umiyak, baka hindi ko na makita ang aking hinahanap.”

Kay Mrs. B nagpapatuloy ang paghahanap sa mga desaparecidos. Sa kanya at sa marami pang iba, nagpapatuloy ang pakikibaka.