Sa paghingi ng tulong ng DFA sa Migrante, Conejos tinawag na ‘ipokrito’

May 15, 2009

Tinawag na ipokrito ng Migrante International si DFA (Department of Foreign Affairs) Undersecretary Esteban Conejos Jr. sa panawagan nitong pakikipagtulungan sa grupo kaugnay ng mga kaso ng mga OFW (overseas Filipino workers).

Ayon sa grupo, hungkag ang panawagan ni Conejos, hindi tapat at layunin lamang makakuha ng “pogi points”.

Ipinahayag ng Migrante na mula nang maitatag ito noong 1996, naging maagap sila sa pagpapaabot sa DFA ng mga kaso ng mga nagigipit na OFW. Idinagdag pa ng grupo na libong sulat na ang naisumite nila sa DFA kaugnay ng mga kaso ng mga OFW na inilalapit sa tanggapan ng Migrante.

“Hindi na rin mabilang ang mga dayalogo na isinagawa namin sa mga opisyal ng DFA, mula sa mga case officer hanggang sa executive director ng OUMWA (Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs) at kay Undersecretary Esteban Conejos mismo,” pahayag ng grupo.

Kabilang din umano sa inihahapag nila ang libu-libong kaso ng OFW sa mga konsulado ng Pilipinas sa iba’t-ibang panig ng mundo, partikular mula sa kanilang tsapter sa Middle East.

Sa unang bahagi pa lamang ng taong ito, nakapagdulog na ng 78 kaso ang Migrante sa OUMWA at 17 pa lamang sa mga ito ang nareresolba.

Noong 2007 at 2008, mahigit 300 kasong kinasasangkutan ng mahigit sanlibong OFW ang naisampa naman ng Migrante. Kabilang sa mga kasong ito ang pagpapauwi, kakulangan ng legal na tulong sa mga OFW na nasa bingit ng kamatayan, kulungan, misteryosong pagkamatay, panggagahasa at iba pa.

Sinisi naman ng Migrante ang DFA at ang administrasyong Arroyo sa umano’y kriminal na kapabayaan ng mga ito sa mga OFW. Ang kapabayaang ito umano ang nagdadagdag ng desperasyon sa mga OFW at nagmumulat sa kanila na pera lamang ang interes ng gobyerno sa kanila.

Sinabi pa ng Migrante na sa ilalim ng pamumuno ni Conejos, lalo pang dumami ang napabayaang OFW sa loob at labas ng bansa.

Dahil dito haharangin umano ng grupo ang nominasyon ng administrasyong Arroyo para magkaroon ng posisyon si Conejos sa International Organization of Migration.

“Hindi kami makakapayag na bigyan ng pabuya ng administrasyong ito ang korap at inutil na mga opisyal sa halip na parusahan sa pagpapabaya sa ating mga kababayan sa ibang bansa,” ayon pa grupo.