Sa loob at labas ng bayan: walang pananagutan


Talamak ang kawalang kapananagutan sa pamahalaan, at maging sa mga galamay nito sa ibayong-dagat. Ang tinuturong may sala sa mga krimen laban sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa, patuloy ang pananatili sa kapangyarihan.

swine-flu_editorial-cartoon

Talamak ang kawalan ng pananagutan sa kasalukuyang gobyerno.

Si Hen. Jovito Palparan ay hindi pinanagot sa daan-daang mga reklamo ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga aktibista. Wala ring nanagot sa mga opisyal na nasangkot sa maanomalyang NBN-ZTE tulad nina dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Mike Defensor, Unang Ginoo Mike Arroyo at maging si Pangulong Arroyo mismo.

Sa halip nga na maparusahan ang itinuturong mga may kasalanan, malaya sila at kadalasa’y sila pa ang nagsasampa ng kaso sa mga nagbubunyag ng katiwalian. Tulad na lamang nang nangyayari kay Jun Lozada, ang pangunahing whistleblower sa iskandalong NBN-ZTE.

Pinakahuli ay ang pagpapaaresto kay Navy Lt. Nancy Gadian dahil sa pagsisiwalat nito na ginawang “gatasan” ni retiradong Lt. Gen. Eugenio Cedo, hepe ng Western Mindanao Command (Westmincom), ang pondong nakalaan para sa Balikatan sa Sulu dalawang taon na ang nakararaan.

Pero hindi lamang sa loob ng bansa nagaganap ang kawalan ng pananagutan, umaabot ito sa iba’t ibang panig ng mundo. Sapagkat doon ma’y umaabot ang galamay ng gobyerno. Sa dami ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFW (overseas Filipino workers), walang nananagot at mukhang walang mananagot.

Pinakahuli sa mga kasong ito ang pagpapauwi sa bangkay ng isang OFW na nalibing nang buhay habang nasa trabaho sa Riyadh, Saudi Arabia. Noong Nobyembre 12, 2008 pa namatay si Emy Pepito, pero hanggang ngayo’y hindi pa naiuuwi sa Pilipinas ang kanyang bangkay. Maraming rekisitos at ang mas masama, hiningian pa ng halagang P12,000 ang kanyang pamilya para sa proseso ng pagpapauwi.

Sa loob ng anim na buwan, pabalik-balik sa DFA ang ina ng biktima, na mula pa sa Mindanao, upang hilingin ang pag-uwi sa bansa ng mga labi ni Pepito. Walang nananagot.

Samantala, walo sa mahigit 50 OFW na tumakas mula sa kanilang kompanyang pinagtatrabahuhan sa Libya dahil sa hindi maayos na kalagayan sa paggawa ang lumapit sa tanggapan ng Migrante International. Mula sa sahod na $520 hanggang $600, libreng pagkain at akomodasyon, walong oras na paggawa, at isang libreng araw na pahinga na nasa orihinal na kontrata, pinapirma sila ng kanilang mga recruitment agency sa isa pang kontratang may mas mababang sahod. Ang ilan pa nga ay hindi nabigyan ng kopya ng kanilang kontrata.

Nagreklamo sila embahada ng Pilipinas sa pamamagitan nina Labor Attache Nasser Mustafa at Welfare Officer Robert Baccig. Pero sa halip na tulungan, ipinagtanggol pa umano ni Mustafa ang kompanyang inirereklamo ng mga OFW. Walang nanagot, puwersahan pa silang pinauwi dahil tumututol sila.

Marami pang mga kaso. Noong 2007 at 2008, mahigit 300 kasong kinasasangkutan ng mahigit sanlibong OFW ang naisampa naman ng Migrante. Kabilang sa mga kasong ito ang pagpapauwi, kakulangan ng ligal na tulong sa mga OFW na nasa bingit ng kamatayan, kulungan, misteryosong pagkamatay, panggagahasa at iba pa. Wala pa ring nananagot.

Kaya hindi tuloy masisi na manawagan ang ilang grupo ng pagsibak kay DFA Usec. Esteban Conejos, hepe ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), at ang executive director nito na si Ms. Agnes Cervantes.

Kailangang may managot sa kapabayaan sa mga itinuturing na mga ‘bagong bayani’ at tagasalba ng ekonomiya. Pero katulad sa loob ng bansa, walang nananagot.

At tulad din sa loob ng bansa – na binibigyan ng pabuya ang mga itinuturong salarin – inindorso pa ng administrasyong Arroyo si Conejos sa isang mataas na posisyon sa International Organization for Migration. Isang bagay na hindi masikmura ng mga migranteng Pilipino.

Walang dapat ipagtaka. Si Palparan, na isang kongresista na ngayon, ay puring-puri ni Pangulong Arroyo. Si Defensor ay humawak ng ilang mahahalagang tungkulin sa gabinete. Gayundin si Hen. Hermogenes Esperon – na nadawit din sa malawakang dayaan sa eleksiyon noong 2004 – naging hepe pa ng Armed Forces of the Philippines at pagkatapos ay tagapayo sa usaping pangkapayapaan.

Kunsabagay, wala ring balak managot ni Pangulong Arroyo. Kaya nga, kung anu-ano ang plano ng administrasyon para lamang manatili ito sa puwesto. Dahil tiyak, kapag hindi na siya ang pangulo at wala nang imyunidad, hindi siya tatantanan ng taumbayan sa kanyang mga kasalanan sa bayan. Baka sakaling doon pa lamang may managot. (SAS)