Husgahan Natin

Proseso sa pagtanggal sa manggagawa: Kailangan ba ang hearing?

Ang isang manggagawa ay hindi basta-bastang tinatanggal sa kanyang trabaho. Ayon sa batas, kailangang bigyan siya ng “due process” ng manedsment bago tanggalin.

Ang isang manggagawa ay hindi basta-bastang tinatanggal sa kanyang trabaho. Ayon sa batas, kailangang bigyan siya ng “due process” ng manedsment bago tanggalin.

Kung hindi, magbabayad ng danyos sa kanya ang manedsment kahit na may sapat na batayan para siya matanggal.

Ngayon, sa pagbibigay ba sa manggagawang “due process” ay kailangang magpatawag ng manedsment ng pagdinig o hearing? Ang bagay na ito ay nilinaw ng Korte Suprema sa kasong Philippine Pasay Chung Hua Academy, et. al. vs. Servando Edpan (G.R. No. 168876, February 10, 2009).

Sa nasabing kaso, isang guro itong si Servando Edpan sa isang paaralan. Isinumbong siya ng mgamagulang ng isang estudyante sa manedsment ng paaralan dahil umano sa panghihipo sa kanilang anak. Bilang patunay ay inilakip ng magulang sa reklamo ang salaysay ng kanilang anak.

Sinulatan ng paaralan si Servando at hiningan ng paliwanag. Sinabihan din siyang dumalo sa ipapatawagna pagdinig sakanyang kaso at ang hindi niya pagdalo ay ituturing laban sa kanya. Samantang iniimbistigahan pa ang kaso ay inilagay ng manedsment si Servando sa preventive suspension.

Nagbigay ng paliwanag si Servando. Pagkatapos nito ay muli siyang sumulat sa manedsment upang hingin ang salaysay ng estudyante at iba pang ebidensya laban sa kanya. Hiningi din niya sa manedsment na bigyan siya ng tamang abiso kung sakaling meron nang pagdinig sa reklamo laban sa kanya.

Binigyan ng manedsment ng kopya ng salaysay ng estudyante si Servando at pinapunta sa eskuwelahan dala ang kanyang sagot sa nasabing salaysay. Nagbigay ng sagot sa nasabing salaysay si Servando ngunit hindi ito nakapunta sa eskuwelahan dahil hindi puwede ang kanyang abogado. Hiningi niya na magtakda ulit ng panibagong iskedyul ang manedsment.

Sa tingin naman ng manedsment ay sapat na ang ebidensya para mahatulan ang reklamo laban kay Servando, kaya hinatulan na nila ito. Ang kanilang hatol: may kasalanan si Servando. Tinanggal nila ito sa kanyang trabaho.

Nagdemanda ng illegal dismissal si Servando sa Labor Arbiter ngunit tingin ng huli ay sapat ang ebidensya laban sa kanya.Kaya ibinasura nito ang reklamo ni Servando.

Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) si Servando. Sa tingin ng NLRC, nagsasabi ng totoo ang estudyante kung kaya tama ang ginawang desisyon ng manedsment para tanggalin si Servando. Ganun pa man, hindi na nito binigyan ng pagdinig ang kaso ni Servando. Dahil dito, sinabi ng NLRC na hindi kumpleto ang pagbigay ng manedsment ng “due process” kay Servando, kaya’t pinagbayad nito ng danyos sa halagang P10,000 ang manedsment.

Inapela ng manedsmentang desisyon hanggang sa humantong ang kaso sa Korte Suprema.

Kinatigan ng Korte Suprema ang manedsment. Niliwanag nito na hindi na kailangan ang hearing sa pagtanggal sa isang manggagawa. Sapat na na napadalhan siya ng sulat ng manedsment na humihingi ng paliwanag sa kanya tungkol sa reklamo. Hindi na kailangang magpatawag ang manedsment ng pagdinig tungkol sa reklamo laban sa manggagawa. Ang pagbigay sa manggagawa ng sapat na panahon upang ipaliwanag ang reklamo laban sa kanya at magsumite ng ebidensya para sa kanyang panig ay pagsunod na sa “due process” na hinihingi ng batas.

Sa kaso ni Servando, paliwanag ng Korte Suprema, pinadalhan siya ng sulat ng manedsment tungkol sa reklamo laban sa kanya at hiningan ng paliwanag dito. Nakapagbigay si Servando. Binigyan din siya ng kopya ng salaysay ng estudyante at hiningan ng sagot dito. Nakapagbigay din si Servando. Maliwanag na nakasunod sa “due process” ang eskuwelahan sa pagtanggal kay Servando, pahayag ng Korte Suprema. Kung kaya, inutos nitong tanggalin ang danyos na sana’y matatanggap ni Servando.

Sa ating pagtingin, nagiging maluwag sa manedsmentang Korte Suprema sa pagbibigay nito ng kahulugan sa “due process“. Matatandaan na sa dating mga desisyon nito, kailangang magpatawag ng hearing ang manedsment basta hiningi ito ng manggagawa. Ngunit sa kasong tinalakay natin ay hindi na. Nagiging mas madali sa manedsment ang pagtanggal sa manggagawa. Sana’ymatauhan ang Korte Suprema at ibalik sa dati ang rekisitos ng “due process“.