Migrante

Pilipina pinaka-diskriminado sa ilalim ng administrasyong Arroyo


Inilarawan silang alipin, malanding kasambahay, walang silbing nurse, at ngayon, isang mail-order-bride. Ito umano ang imahe ng mga Pilipina sa internasyunal na media sa kasalukuyan, ayon sa Migrante International. Ito ang reaksiyon ng grupo sa panunudyo ni Alec Baldwin, isang artistang Amerikano, na kukuha na lamang siya ng Filipina mail-order-bride dahil sa kanyang edad. Bago […]

Inilarawan silang alipin, malanding kasambahay, walang silbing nurse, at ngayon, isang mail-order-bride. Ito umano ang imahe ng mga Pilipina sa internasyunal na media sa kasalukuyan, ayon sa Migrante International.

Ito ang reaksiyon ng grupo sa panunudyo ni Alec Baldwin, isang artistang Amerikano, na kukuha na lamang siya ng Filipina mail-order-bride dahil sa kanyang edad.

Bago ang insidente, tinawag na ‘bansa ng mga alipin’ ang Pilipinas ng isang Tsinong kolumnista. Kinuwestiyon naman ni Teri Hatcher sa isang palabas sa telebisyon ang kakayahan ng mga Pilipinong doktor habang ininsulto ng isang British show ang mga kasambahay na Pilipina bilang ‘sex object.’Ayon sa Migrante, kung hindi ititigil ng adiministrasyong Arroyo ang pagpapadala ng mga kababaihang migrante para maging kasambahay sa ibang bansa, hindi rin titigil ang kahiya-hiyang imahe ng mga Pilipina.

Sinabi pa ng grupo na batay sa estadistika ng POEA (Philippine Overseas Employment Administration) 465,366 na mga domestic helper ang naipadala ng bansa mula 2001 hanggang 2007. Karamihan sa mga ito ay napunta sa mga bansa sa Gitnang Silangan kung saan talamak ang ulat ng pang-aabuso sa mga kababaihan.

“Taliwas sa ipinangangalandakan ni Pangulong Arroyo na mga propesyunal at highly skilled ang mga OFW, nanatiling pinakamarami pa rin ang DH sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi mapagtatakpan ng gobyerno na ang kababaihang Pilipina ay inilalako sa ibang bansa bilang murang lakas-paggawa,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Batay sa datos ng POEA, nanguna ang DH sa pinakaraming OFW noong 2007. Sinundan ito ng mga production workers, caregivers at service workers habang mga nurse lamang ang itinuturing na propesyunal.

“Habang itinutulak ng gobyernong Arroyo ang labor export policy, magiging bansa tayo ng migranteng manggagawa na ibinebenta sa murang halaga bilang mga DH, mail-order-bride at caregiver,” sabi pa ni Martinez.