Opisyal ng embahada sa Kuwait pinaiimbestigahan ng Migrante

May 18, 2009

Hiniling ng Migrante-Middle East kay DoLE (Department of Labor and Employment) Secretary Marianito Roque na imbestigahan ang isang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait dahil sa kawalan ng aksiyon nito sa reklamo ng 39 na OFW (overseas Filipino workers) laban sa kanilang employer.

Ayon kay John Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME, hindi umaksiyon si Labor Attache Josephus Jimenez sa lehitimong reklamo ng 39 na OFW na nagtatrabaho sa M/s. Medco na tatlong buwan nang hindi pinasusuweldo.

Ang 39 OFW na nagtatrbaho sa M/s. Medco, isang pabrika sa disyerto ng Kabd, ay napupuwersa na umanong mangisda para lamang sila may makain.

Inireklamo ng Migrante ang Labor Attache dahil hindi pa rin ito umaaksiyon kahit pa matagal nang nakasampa ang reklamo sa emabahada ng Pilipinas sa Kuwait.

Kinumpronta na rin umano ni Edgar Basilio, isa sa 39 na OFW, si Jimenez subalit sinabi umano ng opisyal na walang reklamong dumadating sa kanyang tanggapan.

Sinabi naman ni Monterona na nagdadahilan lamang si Jimenez. Sa katunayan, mahigit 200 OFW umano ang humihingi ng tulong ngayon sa Philippine Labor Office sa Kuwait.

Idinagdag pa ni Monterona na ang pagdami ng OFW na biktima ng pang-aabuso ay maaaring dahil sa kabiguan ng mga opisyal sa Kuwait na lumikha ng mga aksiyon para protektahan ang kagalingan at karapatan ng mga migranteng Pilipino, hindi lamang sa Kuwait kundi pati na rin sa buong Gitnang Silangan.

Nakalulungkot umano na ang mga OFW na biktima ng pang-aabuso ng kanilang mga amo ay napipilitang mamalimos ng pagkain para lamang mabuhay dahil na rin sa kapabayaan ng mga opisyal ng embahada.