OAV registration dapat palawigin – Migrante

May 13, 2009

Nanawagan ang Migrante International, ang pinakamalawak na alyansa ng mga OFW (overseas Filipino workers) sa buong mundo, sa Comelec (Commission on Elections) na palawigin ng huli ang pagpaparehistro ng OAV (overseas absentee voters) dahil kaunti pa lamang ang nakapagparehistro.

Ito’y matapos inanunsiyo ng Comelec kamakailan na inaprubahan na nito ang rehistrasyon ng 4,751 OAV. Pero ayon sa Migrante, wala pa ito sa isang porsiyento sa isang milyong ng target ng Comelec.

“Muli, bigo ang Comelec sa misyon nitong palakasin ang tinig ng mga OFW sa buong mundo. Dahil napakaliit ng inaprubahan nitong absentee voters bago ang deadline nito sa Agosto 31, 2009, bagsak ang gradong bigay namin sa Comelec,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Binatikos pa ng grupo ang Comelec dahil niloloko umano nito ang publiko nang sabihin nitong maaabot pa ang isang milyong target sa kabila ng kalunus-lunos na OAV registration turnout.

Naniniwala ang Migrante na nang magdesisyon ang Comelec na paikliin nang dalawang buwan ang rehistrasyon, binalewala ng ahensiya ang milyun-milyong potensiyal na botante.

Matatandaang iniusad ng Comelec mula Disyembre 1, 2008 sa Pebrero 1, 2009 ang simula ng OAV registration. Agad din itong tinutulan ng Migrante dahil nangangahulugan ito ng malawakang disenfranchisement ng mga botanteng OFW.

“Nanawagan kami sa Comelec na palawigin ang rehistrasyon hanggang Disyembre 2009 para makapagpahesistro pa ang milyun-milyong OFW na kuwalipikadong bumoto sa 2010,” sabi ni Martinez.

Dapat din, ani Martinez, na magkaroon ng mga satellite registration sa mga konsulado sa buong mundo para maabot ang pinakamalawak na bilang ng mga OFW.