Migrante

Minimum wage ng OFW sa Hong Kong hiniling suportahan ng gobyerno


Dapat suportahan ng gobyerno ng Pilipinas na makabilang sa legislated minimum wage ang mga OFW (overseas Filipino workers) sa Hong Kong. Ito ang reaksiyon ng Unifil-Migrante-HK (United Filipinos in Hong Kong) habang pinag-uusapan sa Hong Kong ang hindi pagsama sa mga FDW (foreign domestic workers) sa pinaplanong SMW (Statutory Minimum Wage). Ayon kay Dolores Balladares, […]

Dapat suportahan ng gobyerno ng Pilipinas na makabilang sa legislated minimum wage ang mga OFW (overseas Filipino workers) sa Hong Kong.

Ito ang reaksiyon ng Unifil-Migrante-HK (United Filipinos in Hong Kong) habang pinag-uusapan sa Hong Kong ang hindi pagsama sa mga FDW (foreign domestic workers) sa pinaplanong SMW (Statutory Minimum Wage).

Ayon kay Dolores Balladares, tagapangulo ng grupo, napakahalaga na magsalita at kumilos ang gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng naturang isyu. Dapat din aniyang suportahan sila ng bagong Consul General na si Claro Cristobal.

Noong nakaraang buwan, inirekomenda ng Labour Advisory Board ng Labour Department ng Hong Kong na huwag isama sa SMW ang mga FDW dahil mahirap umanong sumahin ang kanilang suweldo dahil sa katangian ng kanilang gawain. Inaasahang ilalabas ng panukala kaugnay ng SMW para ihain sa lehislatura sa darating na Hulyo.

“Ang pagbilang sa amin sa SMW ay isang konkretong hakbang para makaagapay kami sa krisis pang-ekonomiya na inaasahang lalala pa sa darating na mga buwan. Ang tanging magagawa ng gobyerno ng Pilipinas ay suportahan ang kahilingan ng mga FDW na makabilang sa SMW,” ani Balladares.

Mahalaga rin aniyang magsalita ang administrasyong Arroyo sa isyu ng SMW dahil mga Filipino ang pangalawang pinakamarami sa mga FDW sa Hong Kong.

Sinabi pa ni Balladares na makikipag-ugnayan ang Unifil, kasama ng mga FDW ng iba pang lahi sa ilalim ng Asia Migrant Coordinating Body, sa mga konsulado sa HK, kabilang na ang konsulado ng Pilipinas para suportahan ang kanilang kahilingan.

Pagkakataon rin umano ito para kay Cristobal na basagin ang katahimikan at kawalang aksiyon ng administrasyong Arroyo at mga nakalipas na konsulado kaugnay ng sahod ng mga manggagawa sa HK.