Uncategorized

Malalaking bangko, papakaunting empleyado


Tila wala nang pinagkaiba ang dumaraming bilang ng mga empleyado ng bangko sa mga nagtatrabaho sa mga call center – kontraktuwal at walang unyon, anumang oras posibleng masibak sa trabaho.

Karatula't panawagan ng organisadong mga empleyado ng bangko, noong Mayo Uno. Para sa mga Pilipinong naka-empleyo sa malalaking bangko, bangungot ang araw na hindi na sila matatawag na empleyado. Ito ang araw na sila’y ahente na lamang, tila walang pinagkaiba sa mga nagtatrabaho sa mga call center – kontraktuwal at walang unyon, anumang oras posibleng masibak sa trabaho.

“Unti-unti nang nagkakatotoo ang bangungot na ito,” malungkot na pahayag ni Enrico Ballesteros, tagapangulo ng Bank of the Philippine Islands (BPI) Employees Union.

Noong umaga ng Mayo Uno, maraming empleyado ng bangko ang nagtipun-tipon sa Mehan Garden sa Maynila. Sabik silang makipagmartsa sa mga kapwa manggagawa sa araw na tinagurian nilang pinakamainam na iparating ang saloobin laban sa isang iskemang tinataguriang atake sa kanilang sektor.

Anila, sa tulong ng gobyerno, lumalaganap ang penomenon ng outsourcing sa bangko. Ito ang pagpapaubaya sa mga ahente, sa halip na sa mga regular na empleyado, ng iba’t ibang serbisyo sa pagbabangko. Sa ilalim ng ganitong iskema ng malalaking bangko sa bansa, tinatayang malalagas ang kalahati ng 300,000 empleyadong nagtatrabaho sa industriya.

Pinalala ng krisis

Sa pagputok ng pandaigdigang krisis pampinansiya noong nakaraang taon, kabilang ang mga bangko sa mga kompanyang agad na nagtanggal ng mga empleyado o di kaya’y nagpatupad ng mga flexible labor arrangement o iskema sa pleksibleng paggawa.

Ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. (Eiler), isang institusyon sa pananaliksik sa paggawa, daan-daang internal messenger ng Citibank ang sinibak sa trabaho noong Enero. Nakaamba pa ang natanggalan sa credit department ng bangko. Sa Hongkong and Shanghai Banking Corporation naman, 70 empleyado ang tinanggal. May 270 pa ang nakatakdang matanggal sa trabaho.

Krisis din ang idinahilan ng Planters Bank sa pagkait sa mga empleyado ng overtime compensation at pagpapatupad ng flexible time o hindi pagbigay ng regular na oras sa paggawa. Sa Veterans Bank naman, ang 18th month bonus ay ginawang 17.5 months na lamang.

Pero ayon sa mga empleyado ng bangko, pinalala na lamang ng pinakahuling krisis ang matagal na nilang dinaranas na problema. Umano’y bago pa man ito, ipinatutupad na ng malalaking bangko ang mga polisiyang kontra-paggawa, sa bisa na rin ng sariling polisiya ng gobyerno.

Outsourcing ng pagbabangko

Inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Disyembre 5, 2000 ang Circular No. 268 , isang kautusan na pumapayag sa outsourcing ng mga serbisyong pagbabangko. Ilan sa mga serbisyong ito ang IT systems/processing, data imaging, clearing and processing of checks, credit card services, credit investigation and collection, import and other trading transactions, at messengerial and security services.

Makaraan ang ilang taong pagpapatupad ng BSP Circular No. 268, saka pa lamang lumilitaw ang malalang epekto nito sa mga empleyado. Dahil sa outsourcing, tumindi ang agency hiring at flexible labor arrangement.

Kuwento ni Ballesteros, “Ang flexible workers ay binibigyan lamang ng minimum wage. Wala silang natatanggap na mga benepisyo. Mayroon lamang silang mga fixed-term contract na tumatagal mula tatlong buwan hanggang tatlong taon. Hindi sigurado ang bawat manggagawa kung mare-renew pa ang kontrata nila pagkatapos.”

Ayon sa paghahambing na isinagawa ng Eiler, bumaba ang suweldong natatanggap ng mga empleyado ng bangko noong 2006 kumpara noong 2004. (Tingnan ang chart) Umano’y kabilang na ito sa mga epekto ng outsourcing.

Empleyado

Suweldo

2004

Suweldo

2006

Bookkeepers

P16, 276

P13, 642

Accounting and Bookkeeping clerks

P11, 487

P10, 851

Tellers

P13, 120

P10, 661

Customer Service Rep/associates (call centers)

P15, 369

P13,137

Unskilled workers, not including janitors, messengers and freight handlers

P7, 496

P7,421

Sanggunian: Occupational Wages Survey

Humihinang unyon

Isa pa ring epekto ng outsourcing ang paghina ng mga unyon sa bangko, bunsod ng kalagayang lumobo ang bilang ng mga kontraktuwal at lumiliit ang bilang ng regular na mga empleyado.

Mula sa 3,500 kasapian noong 1996, bumaba na lamang sa 1,200 ang unyon ng Rizal Commercial Banking Corporation. Ang dating 200 miyembro ng unyon ng GE Money Bank, ngayo’y 46 na lamang. Mula sa 800, naging 100 na lamang ang regular na miyembro ng unyon ng Security Bank.

“Intensiyonal na ginamit ng mga kompanya ang krisis para lalong ipatupad ang outsourcing at mabalaho ang mga nakamit ng mga unyon sa kanilang laban sa disenteng sahod, mga benepisyo, at seguridad sa trabaho,” pagsusuri ni Anna Leah Escresa-Colina, executive director ng Eiler.

Sa panayam noong Mayo Uno kay Jed*, isang empleyado ng Philippine National Bank, sinabi nitong mahirap ngayong mapasali sa unyon. “Kapag nalaman ng manedsment na kasali ka sa unyon, maaari nilang gamitin itong grounds sa pagpapatalsik sayo.”

Pero sa kabila nito, sinabi niyang mahalaga ang pagiging bahagi ng isang unyon. “Positibo ito dahil nalalaman namin ang mga problemang kinakaharap at kakaharapin namin. Nauunawaan namin ang mga problema gaya ng BSP Circular No. 268 at kung paano ito nakakaapekto sa mga karapatan namin.”

Labag sa batas

Iginigiit ng Banking and Financial Unions Against BSP Circular 268 o BFU 268 na ipawalang-bisa ang BSP Circular No. 268. Nakahanap sila ng kakampi kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, na inihain ang House Resolution 757 noong nakaraang taon para imbestigahan ng Kongreso ang epekto ng outsourcing ng mga serbisyong pagbabangko.

Umano’y labag ang kautusan ng BSP sa Order No. 18-02 ng Department of Labor and Employment, na nagsasabing hindi maaaring i-outsource o gawing kontraktuwal ang mga trabahong esensiyal sa pagpapatakbo ng isang industriya.

Ayon pa kay Mariano, nalalagay sa alanganin ang seguridad ng mga depositor dahil ipinagpapaubaya ng mga bangko ang mayor nilang mga serbisyo sa mga ahenteng panlabas. Labag umano ito sa Republic Act No. 1405 o Bank Deposits’ Secrecy Law.

Masama ang loob ng mga empleyado na hanggang ngayon, hindi pa rin inaaksiyunan ng Kongreso ang nasabing resolusyon; habang inaatupag naman ng mga kongresista ang mga panukala gaya ng Charter Change.

Pero alam nilang sa sama-samang pagkilos lamang nila malalabanan ang paglaganap ng iskemang bumabangungot sa kanilang hanay. ”Patuloy kaming kikilos, kasama ng iba pang manggagawa, para protektahan ang aming mga trabaho at itaguyod ang interes ng aming uri,” sabi ni Ballesteros.

Pagtindig ang paglahok nila noong Mayo Uno: sisikapin nila ang lahat para manatiling organisadong mga empleyado.

* Tumangging magpabanggit ng tunay na pangalan