Husgahan Natin

Labor-only o job contracting?

Tatakayin natin ngayon ang kaso ng South Development Company Inc. , et. al. vs. Sergio Gamo, et. al. (G.R. No. 171814, May 8, 2009) kung saan muling nilinaw ng Korte Suprema ang mga alituntunin tungkol sa “ labor-only contracting”. Mahalaga ito dahil marami sa mga kompanya ngayon ang gumagamit ng “labor-only contracting” upang sagkaan ang […]

Tatakayin natin ngayon ang kaso ng South Development Company Inc. , et. al. vs. Sergio Gamo, et. al. (G.R. No. 171814, May 8, 2009) kung saan muling nilinaw ng Korte Suprema ang mga alituntunin tungkol sa “ labor-only contracting”. Mahalaga ito dahil marami sa mga kompanya ngayon ang gumagamit ng “labor-only contracting” upang sagkaan ang karapatan ng mga manggagawa.

Sa naturang kaso, nagtatrabaho si Sergio bilang foreman sa isang kompanya na may-ari ng isang niyugan at manggahan. Tauhan niya itong sina Ernesto na noon ay empleyado rin ng kompanya.

Isang araw ay nagpasya ang kompanya na gawin na lamang isang kontratista si Sergio sa paggawa ng kopra. Nagkaroon sila ng kasunduan ng kompanya kung saan 70% ng kikitain sa pagkokopra ay mapupunta sa kompanya at 30% naman ang mapupunta kay Sergio. Kaugnay nito, inalis ng kompanya sina Ernesto sa kanilang mga trabaho at inilipat sa pangangalaga ni Sergio. Naging tagapag-kopra na lamang sila sa ilalim ni Sergio. Ang kanilang sahod ay nanggagaling din kay Sergio mula sa 30% na bahagi nito galing sa kompanya.

Pagkalipas ng ilang buwan ay gustong baguhin ng kompanya ang patakaran nito sa hatian ng kita. Hindi nagustuhan ni Sergio ang patakarang pinanukala ng kompanya at nagkaroon sila ng pagtatalo. Bunga nito, sinabihan ng kompanya si Sergio na maghanap na lang ng kontrata sa iba at wala ng balak ang kompanya na pahabain pa ang kanyang kontrata.

At ganun nga ang ginawa ng kompanya. Tinapos na nito ang kontrata ni Sergio at nawalan ng hanapbuhay ang huli pati na sina Ernesto at mga kasamahan nito.

Nagsampa sina Sergio ng kasong “illegal dismissal” sa tanggapan ng Labor Arbiter. Sinabi nila na empleyado sila ng kompanya at tinanggal sila sa kanilang mga trabaho. Pinabulaanan naman ito ng kompanya at sinabi na hindi nito empleyado sina Sergio kundi “independent contractors”.

Naniwala ang Labor Arbiter sa kompanya at dinismis ang kaso nina Sergio sa dahilang hindi sila empleyado ng kompanya. Napilitang i-apela nina Sergio ang desisyon. Umabot ito hanggang Korte Suprema. Dalawang klase ang pangungontrata sa trabaho, paliwanag ng Korte Suprema. Ang isa ay ang tinatawag na labor-only contracting. Labag ito sa batas at hindi pinahihintulutan. Ang manggagawa dito ay ituturing na manggagawa ng kompanya, hindi ng kontratista. Ang pangalawa naman ay ang tinatawag na job contracting. Pinahihintulutan ito ng batas. Sa job contracting, ang manggagawa ay manggagawa ng kontratista at hindi ng kompanya.


Ngayon, labor-only contracting ba o job-contracting ang ginawa ng kompanya? Para maging job contracting ang isang transaksyon, paliwanag ng Korte Suprema, kailangang ang trabahong ginagawa ng kontratista ay nagagawa niya sa sarili niyang paraan na walang pakialam ang kompanya. Sa madaling sabi, walang kontrol ang kompanya sa pamamaraan ng paggawa ng kontratista sa kanyang trabaho, maliban lamang sa magiging resulta nito. Kailangang mayroong kalayaan ang kontratista sa pagpili ng mga pamamaraan kung paano niya matatapos o magagawa ang trabahong pinakontrata sa kanya.

Kung ang kompanya pa rin ang may karapatang magpasya kung ano ang susundin na paraan upang magawa ng kontratista ang kanyang trabaho, ang transaksyon ay isang labor-only contracting, sabi ng Korte Suprema.

Sa kaso nina Sergio, wala silang karapatang magpasya pagdating sa pamamaraan kung paano gawin ang kanilang mga trabaho. Ang kompanya pa rin ang nasusunod pagdating sa bagay na ito. Sa katunayan, kahit pinalabas na ng kompanya na hindi na nito empleyado sina Sergio dahil sila ay mga kontratista na, patuloy pa ring may karapatan ang kompanya sa pagtakda ng mga pamamaraan at proseso kung paano nila gagawin ang kanilang mga trabaho. Halimbawa, ang kompanya lamang ang nagpasya na ilipat si Sergio sa kanyang trabaho bilang foreman upang maging isang kontratista na lamang. Ang kompanya din lamang ang nagdesisyong ilipat ang kanyang regular na mga manggagawa upang maging taga-kopra na lamang sa ilalim ng kontratistang si Sergio. Lahat ng ito ay nagpapatunay na ang kompanya ang nagpapasya sa pamamaraan kung paano gawin ang trabaho at hindi ang mga mangagagawa.

Dahil dito, maliwanag na labor-only contracting ang ginagawa ng kompanya at manggagawa pa rin nito sina Sergio. Bilang regular na mga manggagawa, hindi sila maaring tanggalin ng kompanya sa trabaho nang walang sapat na dahilan.

Panalo sa kaso ang mga manggagawa.