Labi ng OFW na inilibing nang buhay, pinauuwi

May 15, 2009

Nagdaos ng kilos-protesta ang Migrante International sa harap ng tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) Noong Mayo 14 para kondenahin ang kawalang-aksiyon ni Undersecretary Esteban Conejos sa kaso ni Emy Pepito, isang OFW na aksidente sa trabaho.

Ayon sa grupo, nailibing nang buhay sa buhangin na may halong kumukulong aspalto ang OFW habang may ginagawang pundasyon ng isang gusali sa Riyadh, Saudi Arabia, noong Nobyembre 12, 2008.

Sa loob din ng anim na buwan, pabalik-balik sa DFA ang ina ng biktima, na mula pa sa Mindanao, upang hilingin ang pag-uwi sa bansa ng mga labi ni Pepito, ayon sa grupo.

Ngunit reklamo ng pamilya ni Pepito, tumatanggi ang employer ng yumaong OFW na bayaran ang tiket sa eroplano pauwi. Umano’y hiningan pa sila ng DFA ng P1,200 na “processing fee” para sa Special Powers of Attorney.

“Ito ba ang sinasabi nilang pagmamalasakit at serbisyo sa ating mga kababayang manggagawa sa ibayong dagat? Naturingan silang mga bagong bayani raw dahil sa kanilang malaking tulong sa ekonomiya pero pinapabayaan naman ng pamahalaan sa panahon ng kagipitan,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Nanawagan ang grupo ng pagsibak kay DFA Usec. Esteban Conejos, hepe ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), at ang executive director nito na si Ms. Agnes Cervantes.

Sa unang bahagi ng taon, nakapagsampa ang grupo sa tanggapan ng 78 kaso ng pang-aabuso at kapabayaan sa mga OFW, ngunit 17 pa lamang umano dito ang naaksiyunan ng OUMWA.

Ulat ni Boy Bagwis