Kontradiksiyon ng ating panahon

May 16, 2009

Bakit katanggap-tanggap ngayon ang karumal-dumal noon? Kailan nagiging normal ang hindi-pangkaraniwan? Paano matutugunan ang mga problemang hindi nakikita?

Kahit na may kasagutan mula sa mga “nasa itaas,” ang hinahanap na tugon ng mga “nasa ibaba” ay pilit na ibinabaon. Ang mga salitang pinagsama-sama ng mga nasa kapangyarihan para magkaroon ng pangungusap ay walang malinaw na mensahe para sa mga mamamayan.

Ang isang sagot ay nagbubunga ng mas marami pang tanong. Ang pagkakapatong-patong ng mga problemang walang intensiyong tugunan ay pangunahing layunin ng isang pamahalaang nasanay nang maglubid ng katotohanan.

Ang pambansang pagkalimot ay isang kanser na patagong pinapakalat. Simple lang naman ang sintomas nito: Hindi mo alam na patay ka na kahit patuloy pa rin ang iyong paghinga. Nagsisimula ito sa unti-unting pagkamanhid ng pakiramdam dahil madalas mo nang sabihing “Wala akong pakialam!” Nagtatapos ito hindi sa literal na pagkamatay kundi sa permanenteng pag-alis sa lupang kinagisnan. “Ayaw ko na rito! Tayo nang magsilbi sa mga Amerikano!”

Ilang milyong Pilipino na ba ang nagdesisyong makipaghiwalay sa pamilya dahil sa sobrang pagmamahal sa kanila? Sila rin ang mga pinangakuang paglilingkuran noon ng mga nagpapayaman, pero kailangan ngayong lumayo para makakuha ng trabaho. Hindi man nila gustong umalis, ano pa bang maaasahan sa kasalukuyang kalakaran?

Kung sabagay, ang lipunan naman ay walang pinagkaiba sa pagtingin ng isang nagbubulag-bulagan. Madaling pagtakpan ang kahirapan sa pamamagitan ng salamangka ng estadistika at mahika ng retorika. Ang protesta ay kayang-kayang lunurin ng midyang parating nagbibigay ng nakaaaliw na pagtakas sa mga seryosong problema ng bayan.

Nabubuhay tayo ngayon sa panahon ng kontradiksyon. Para malaman ang totoo, kailangang matukoy kung ano ang pilit na tinatago. Para mamulat sa sitwasyon, dapat na tanggaping hindi normal ang araw-araw na nakikita.

At napakaraming hindi katanggap-tanggap sa kasalukuyan: Ang mga manggagawa’y walang pambili ng mga produktong nilikha nila. Ang mga magsasaka’y walang maihain sa mesa. Ang kabataa’y patuloy na pinagkakaitan ng edukasyong dapat ay isa sa maraming karapatan nila.

Kung gusto mong ipaglaban ang karapatan mo at ng iba pa, huwag mong asahan ang suporta mula sa pamahalaan. Hindi ka nito pupurihin o paparangalan. Kung tutuusin, ito ang iyong pangunahing kalaban!

Kaya huwag mong sisihin kung sa puntong ito’y kailangan ng ipagsigawan ang kontradiksyon ng ating panahon: “Mahal ko ang Pilipino kaya galit ako sa gobyerno!”

Opo, wala nang panahon para sa pretensyon. Isa po itong manipesto ng kolektibong sentimyento ng naghihirap na tao.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.