Iskandalo at peryodismo

May 25, 2009

Opo, tungkol ito sa mga sex video ni Dr. Hayden Kho na kumakalat ngayon sa Internet at sa mga lugar sa Pilipinas na nagbebenta ng mga piniratang DVD.

Alam kong sawang-sawa ka na sa isyung ito, salamat sa midyang binigyan ito ng napakahabang oras at napakalaking espasyo. Nitong mga nagdaang araw, tila wala nang iba pang mahalagang isyung dapat pag-usapan sa ating bansang ang mahihirap ay pinapahirapan, pinagkakaitan at, kung hihiramin ang termino ni Katrina Halili, binababoy ng mga nasa kapangyarihan.

Hindi mo aakalaing si Katrina’y magiging boses at mukha ng inaaping kababaihan, pero malinaw na ito’y mahirap na desisyon para sa kanya. Sa halip na magtago sa kahihiyan, pinili niyang lumantad para sabihing siya nga ang babaeng pinagpipiyestahan ngayon ng maraming kalalakihang hayok sa laman. Dahil sa kanyang mga pahayag sa midya, kay Katrina ngayon nakatuon ang atensyon ng mga taong sumusubaybay sa isyu.

Para sa mga nakapanood na ng limang video na inamin ni Hayden na patago niyang kinuha (tatlong MPEG-4, dalawang 3GPP), alam mong may dalawa pang babaeng sangkot sa tinatawag ngayong “Hayden Cam” at “Hayden-gate.”

Kapuri-puri ang mga organisasyong pang-midyang hindi pinangalanan ang dalawang ito na parehong modelo, at ang isa pa nga ay dayuhan. Ito ay sa kabila ng desisyon ng maraming iresponsableng blogger na ibigay ang pangalan ng dalawang ito na piniling manahimik, sa ngayon, tungkol sa kanilang pagkakasangkot. Malinaw na walang pagsasaalang-alang sa karapatan ng iba (lalo na ng mga biktima) ang mga blogger na ito. Ang tanging habol lang nila’y dumami ang kanilang mambabasa kahit ang kalidad ng kanilang blog entries ay basura.

Isang mahalagang tungkulin ng mga peryodista ang magbigay ng makabuluhang impormasyon sa paraang mapapangalagaan ang reputasyon at dignidad ng mga biktima. Hindi dapat hayaang ang karapatan ng mga biktima’y muling malabag dahil sa iresponsableng pagbabalita. Kahit na sabihing kilalang personalidad ang dalawang babaeng ayaw pang lumantad, ano’ng pakinabang ang makukuha ng publiko mula sa pagbibigay ng kanilang pangalan?

Sa panahon ng Internet, napakadaling kumuha ng impormasyon. Ang simpleng paggamit ng Google ay makapagbibigay na sa iyo ng ideya kung saang website pupunta para mapanood ang mga kontrobersiyal na video. Kung marunong kang mag-download ng torrent files, madali para sa iyong makuha ang mga ito. Sa loob lamang ng ilang minuto’y makukuha mo ang buong 216-megabyte video files, isang bagay na mahirap gawin kung mag-download ka mula sa isang website lalo na’t kung limitado ang bandwidth nito.

Mistulang balewala ang restriksiyon ng YouTube sa adult-oriented content dahil napakadali para sa isang taong Internet-savvy na makapag-download ng mga nasabing video. Kung tutuusin, puwede mo pa ngang sabihing hindi na kailangan ng Internet dahil madali kang makakabili ng kopya sa mga lugar na naglipana ang mga piniratang DVD.

Sa kabila ng mga ito, katanggap-tanggap at kapuri-puri ang paninindigan ng mga peryodistang huwag magpadala sa agos ng sobrang impormasyon. Kung nais ng mga mambabasa, tagapakinig o tagapanood na makuha ang datos na sa tingin ng mga peryodista’y hindi mahalaga (tulad ng pangalan ng mga nabiktimang babae), sa iba na lang nila hanapin ang mga ito.

Makakaasa tayo ng patuloy na pag-uulat sa isyung ito dahil mga prominenteng tao ang sangkot sa iskandalo. Pero sana’y maisakonteksto ang tinatawag na “Hayden Cam” sa dalawang bagay: Una ay ang pangangailangang maging tech-savvy ang publiko (partikular ang kababaihang parating biktima ng patriyarkal na kaayusan) sa panahon ng makabagong teknolohiya. Ikalawa ay ang pagtutulak ng Internet censorship ng mga nasa kapangyarihan na ang tingin sa mga sarili’y moralista.

Kahit na sabihing ang anumang ibayong pag-iingat ng kababaihan ay hindi garantiya ng kaligtasan mula sa makamundo’t makasariling hangarin ng maraming kalalakihan, iba pa rin kung sila’y may sapat na kaalaman kung anu-ano ang mga ginagamit sa pagkuha ng video at kung paano sila maaaring kunan nang patago. Ang simpleng obserbasyon kung saan nilalagay ng katabi o kasamang lalaki ang cellphone (lalo na’t may kakaibang naririnig na tunog o nakikitang ilaw mula sa screen) ay makakatulong para malaman kung ginagamit ito para mag-record ng audio o video.

Mainam ding suriin ang paninindigan ng mga nasa kapangyarihan, lalo na ng mga nasa Senado at Kamara de Representante, hinggil sa anumang nais nilang regulasyon sa Internet. Puwede kasing sa malapit na hinaharap ay gamitin nila ang sitwasyon para manawagan sa kontrol ng impormasyon mula sa cyberspace kahit hindi ginagamit ang terminong ”censorship.” Maraming beses nang tinangka ng mga nasa kapangyarihan ang regulasyon sa midya, at sa katunaya’y may ilang panukalang batas na naglalayong kontrolin ng estado ang Internet sa pamamagitan ng paghihigpit sa proseso ng telekomunikasyon.

Natatandaan mo pa ba ang panawagan noong 2005 ng Senado sa mga Internet service provider (ISP) na kontrolin ang Internet traffic sa Pilipinas bilang reaksyon sa child pornography? Sa unang tingin ay magandang inisyatiba ito, pero ano kaya ang magiging epekto nito kung ang ISPs ay bibigyan mo ng kapangyarihan para magtakda kung ano ang dapat at hindi nararapat na bisitahing website?

Mainam sanang mabigyang-pansin ang pagsasakonteksto ng “Hayden Cam” para mapatunayang kailangang patuloy ang pag-uulat nito sa midya. Tulad ng marami pang patong-patong na problema, ang pang-aabuso sa teknolohiya at pang-aapi sa kababaihan ay kailangang patuloy na malalim na pag-aralan ng sambayanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.