Failure of elections, pinangangambahan


Nagbabala ang Kabataan Party-list na maaaring magkaroon ng failure of elections sa gitna ng napipintong pagkabigo ng bidding ng Commission on Elections (Comelec) para sa paghahanda sa automated polls. “Mawawalan ng panahon ang Comelec na pangasiwaan nang mabuti ang ilang pagsusubok para sa full automation ng halalan. Ang masahol pa, baka mauuwi lamang ito sa […]

Nagbabala ang Kabataan Party-list na maaaring magkaroon ng failure of elections sa gitna ng napipintong pagkabigo ng bidding ng Commission on Elections (Comelec) para sa paghahanda sa automated polls.

“Mawawalan ng panahon ang Comelec na pangasiwaan nang mabuti ang ilang pagsusubok para sa full automation ng halalan. Ang masahol pa, baka mauuwi lamang ito sa malawakang iregularidad sa eleksiyon na mauuwi sa pagkabigo ng eleksiyon,” ayon kay Kabataan Rep. Mong Palatino.

Una nang na-disqualify ang pitong kompanyang nag-bid para sa poll automation sa 2010.

Kontra si Palatino sa pagkakaroon ng negosyadong kontrata ng gobyerno (negotiated government contract) kung matuloy man ang failure of bidding. Aniya, bukod sa hindi ito bukas o transparent, maaari itong pakialaman ng Malakanyang.

Panukala ng kongresista, tutukan na lamang ng Comelec ang malawakang pagpaparehistro ng mga botante kasama na ang pagbibigay ng wastong impormasyon sa mga ito.

“Magsusumite kami ng resolusyon na mananawagan sa Comelec na pahabain pa ang pagpaparehistro ng mga bagong botante hanggang Disyembre, mula sa orihinal nitong deadline na Oktubre,” aniya.

Kasama sa kanyang napuna sa pagkabigo ng bidding process ay ang dulot nitong kakulangan ng panahon para mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga botante at sapat na pagsasanay ang mga election volunteer.

Nitong nakaraang linggo, sinimulan ng Kabataan Party-list ang isang countdown tungo sa halalan ng 2010 sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang kampanyang tinaguriang “We are Change.” Layon nitong isulong ang pagpaparehistro ng botante at pagpapakalat ng mga kaukulang impormasyon hinggil sa halalan.

Ani Palatino, inaasahan niyang maaabot ng kampanya ang 11 milyong botante.

Para sa taong ito, inaasahan na bubuuin ng kabataan ang 40% ng kabuuang bilang ng botante. Nakikita ng Kabataan Party-list na mahalaga para sa pagbabago sa lipunan ang pagkakaroon ng tinig at kapangyarihan ng mga kabataan.

“Itatataguyod ng mga kabataan ang tono at adyenda para sa 2010. Isang hamon at responsabilidad ang tungkulin nila bilang tagapagsulong ng pagbabago,” pahayag ni Palatino.

Kasama rin ng Kabataan Party-list ang ilan pang grupo ng kabataan tulad ng National Union of Students of the Philippines, Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP,  College Editors Guild of the Philippines, Student Christian Movement, League of Filipino Students, Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, Anakbayan, at Youth for Truth and Accountability Now.