Bungkalan sa Hacienda Luisita


Limang taon matapos ang masaker at tatlong taon matapos ideklarang kanila na ang lupang pinagtataniman sa asyenda, muling nahaharap ang mga mamamayan ng Luisita sa panibagong banta mula sa lumang mananamantala.

Mamamayan ng asyenda: Handang ipagtanggol ang tagumpay sa sariling lupa (Boy Bagwis / PW File Photo)
Mamamayan ng asyenda: Handang ipagtanggol ang tagumpay sa sariling lupa Boy Bagwis / PW File Photo

Maaliwalas ang umaga ng Mayo 4 nang bisitahin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang Barangay Asturias sa Hacienda Luisita sa probinsiya ng Tarlac. Sa araw na ito, binasbasan ng obispo ang apat na bagong hand tractor bilang paghahanda ng mga magsasaka sa tag-ulan at simula ng pagbubungkal ng sakahan.

Ang apat na hand tractor ay donasyon ng Suhay Kanayunan, isang non-governement organization (NGO) na binuo ng ilang mga madre mula sa iba’t ibang orden, sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Malaki ang maitutulong ng mga makina para bungkalin at pagyamanin ng may 850 pamilya ng mga magsasaka ang higit sa 2,000 ektaryang sakahan.

Panibagong tangka

Dumating din para sa okasyon ang ilang madre at iba pang taong-simbahan bilang suporta sa mga magsasaka ng asyenda. Bago ang pagbasbas, kinamusta ni Obispo Pabillo ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka. Inilahad ni Rene Galang, pangulo ng United Luisita Workers’ Union (ULWU), ang panibagong tangka ng pamilya Cojuangco na palayasin ang mga magsasaka at patigilin sila sa pagbubungkal ng lupa. Naglabas ng memorandum ang pamunuan ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI) noong Disyembre 2008 na nagsasaad ng pagpapatigil sa mga magsasaka na magbungkal at gamitin ang bahagi ng asyenda.

Taong 2006 nang desisyunan ng Department of Agrarian Reform ang pagpapawalang bisa sa Stock Distribution Option (SDO) agreement sa pagitan ng HLI at ng mga magsasaka at ang pamamahagi ng 6,453 ektaryang lupain sa mga magsasaka. Hinarang ito ng pamilya Cojuangco sa pamamagitan ng paghahain ng mosyon para sa temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema. Sa pamamagitan ng TRO, napipigilan ng mas nakatataas na hukuman ang anumang naunang desisyon ng mga ahensiya ng gubyerno o mas nakabababang korte.

Upang kolektibong igiit ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa sa kabila ng TRO, agad na nanawagan ang Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) para bungkalin ng sakahan at magtanim ng palay, mais, mga gulay, kamoteng kahoy at iba pa. Sa unang pagkakataon, nakapagtanim ang mga magsasaka ng mga pananim para sa kanilang sariling pangangailangan. Sa wakas, hindi na lamang tubo para gawing asukal ang nililikha ng mga magsasaka sa asyenda.

Pagpapayaman sa lupa

Sa kaso ni Lito Bais o Apo Lito ng ULWU, bagamat 55 gulang na, madalas pa rin siyang makitang nagbubungkal sa kanyang isang ektaryang sakahan para magtanim ng palay at gulay. Noong kasagsagan ng operasyon ng asyenda, dating tagabilang si Apo Lito ng ipinapasok na tubo sa asukarera. Bagamat seasonal ang kanyang trabaho, hindi hamak na mas malaki ang tinatanggap niyang sahod kumpara sa mga tagatabas ng tubo at sakada. Ngunit para kay Apo Lito, mas nakasisiguro siyang may nakakain ang kaniyang pamilya ngayong sila na mismo ang nagtatakda kung anong pananim ang itatanim sa lupa at nag-aani ng mga ito.

Umabot sa 80 kaban ng palay ang kauna-unahang ani ni Apo noong 2006. Naibenta niya ang kalakhan nito sa halagang P14 kada kilo, at nakapagsubi pa ng ilang kaban para sa pangangailangan ng pamilya. Tinatayang kumita ang pamilya ni Apo Lito ng Php 35,000 para sa apat na buwan ng pagsasaka. Sa ikalawang cropping, nakapagtanim naman sila ng munggo at iba pang gulay para ibenta sa palengke.

Hindi man ganoon kalakihan, malayo ito sa naging pasahod sa mga manggagawang bukid bago ang welga. Sumasahod lamang ng Php 194.50 ang manggagawang bukid para sa isang araw ng pagtatrabaho. Ngunit patuloy na binawasan ng pamunuan ng HLI ang araw ng paggawa mula sa anim na araw noong dekada ’80 hanggang sa maging isang araw na lamang bago ang welga.

Kung kaya naman naging masikhay ang panawagan ng ULWU at AMBALA para pagyamanin ang lupang dati-rati’y tubo lamang ang maaring itanim. Kabi-kabila rin ang suporta mula sa mga NGO para mahikayat ang mga magsasaka na pataasin ang produksiyon.

Isa sa mga sektor na sumusuporta sa adhikain ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay ang mga taong-simbahan na tumugon sa pangangailangan ng mga magsasaka para sa makinarya.. Magagamit ang mga karagdagang hand tractor para mas mapabilis ang pagbubungkal at mapalawak pa ang lupaing mapapakinabangan ng mga magsasaka ng asyenda.

Kasalukuyan ding nangangalap ng pinansiyal na suporta ang ULWU at AMBALA sa pamamagitan ng Philippine Network of Food Security Programmes (PNFSP), isang pambansang network o ugnayan ng mga NGO na may kaugnayan sa kasiguruhan sa pagkain ng mga mamamayan. Layunin ng PNFSP na siguruhin na may sapat na pagkain para sa pamayanan, paunlarin ang produksiyong agrikultural gamit ang mga angkop na teknolohiya sa pagsasaka at mapataas ang kapasidad ng pamayanan sa pamamahala ng programa sa pagsasaka.

Paghahati at panlilinlang

Ngunit hindi naging madali para sa mga magsasaka ang pagbubungkal sa lupa at pagtatanim ng palay at gulay. Dahil sa pagkakasanay lamang sa gawin sa tubuhan at matagal na kawalan ng kontrol sa lupa, inaaral pa nila kung paano magsaka ng ibang pananim maliban sa tubo. Gayundin, mayorya sa mga magsasaka ang walang kapital upang ipambili sa mga binhi at abono.

Sinamantala ng mga Cojuangco ang kawalan ng panimulang kapital ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng mga financier at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan na pawang suportado ng mga Cojuangco, hinimok ang ilang gipit na magsasaka na ipaarkila ang mga sakahan sa halagang Php 10,000 – 14,000 sa kondisyong tubo ang itatanim sa mga ito.

Sa pagpapalabas ng memorandum noong Disyembre, nais ng pamunuan ng HLI na itigil ng mga magsasaka ang pabubungkal at pagsasaka. Para kina Ka Rene at Apo Lito, nangangahulugan ito ng pagpapalayas sa kanila.

“Hindi naman puwede habang naka-TRO ay hindi namin bungkalin ang lupa. Paano kami mabubuhay. Kung tutuusin, matapos ang mahabang panahon, ngayon lang namin tunay na pinakinabangan ang lupa,” ani Apo Lito.

Tunay na repormang agraryo

Magpasahanggang ngayon, nanatiling nakabinbin ang resolusyon ng DAR na ipamahagi na ang lupa sa mga magsasaka. Pangamba ni Obispo Pabillo na pagdinesisyunan ng Korte Suprema ang apila ng mga Cojuangco, maaaring bumaliktad ang nauna nang pagpanig ng DAR sa mga magsasaka. Samantala, nais naman nina Apo Lito at Ka Rene na isapinal na ng hukuman ang pamamahagi ng lupa. Sa pamamagitan nito, mapipigil ang pagmamaniobra ng mga Cojuangco upang muling mapasakanila ang lupa.

Bukod pa rito, marami-rami pang balakid ang kailangang harapin ng mga magsasaka para tuluyan nang makamit ng mga magsasaka ang buong karapatan sa mga lupang kanilang sinasaka. Nariyan ang deployment ng militar sa sampung barangay na saklaw ng asyenda upang pigilan ang pag-oorganisa at sama-samang pagbubungkal ng mga sakahan. Tiningnan ding banta ng mga magsasaka ang paglabas ng Kongreso at Senado ng Joint Resolution No.1 na ginagawang compulsory ang pagpapasailalim ng mga panginoong maylupa sa land acquisition program ng pamahalaan.

Kapwa naniniwala naman si Obispo Pabillo at Ka Rene na sa pagpapatibay sa organisasyon at pagkakaisa ng mga magsasaka lamang makakamit ng magsasaka ang pag-aari at kontrol sa mga lupa ng asyenda. Wala mang pera ipantatapat sa mga financier na bumubuyo sa mga magsasaka na isuko ang kanilang laban, matibay na sandigan ng mga magsasaka ang kanilang pagkakaisa.

“Ang kulang lang naman ay ang panimulang kapital at makinarya. Kaya nga ngangalap tayo ng suporta mula sa iba’t ibang sektor. Sa awa ng Diyos, eto nga’t may mga karagdagang makinarya tayong magagamit. Hindi problema ang pasahod sa mga magbubungkal dahil pagtutulung-tulungan namin ito,” ani Apo Lito.

Sang-ayon dito si Obispo Pabillo. Maliban sa mga makinarya, binasbasan din niya ang mga magsasakang gagamit ng mga ito at magpapayaman sa lupang inaangkin ng iilan sa matagal na panahon. Dasal niya at ng mga magsasaka na hindi maglalaon, makakamtan na rin ng manggagawang bukid at magsasaka ang tunay na biyayang hatid ng lupa.