Binastardo ng mga trapo’t berdugo


Ginamit ng administrasyong Arroyo ang sistemang party-list para lalo pang pahigpitin ang kontrol sa Kamara at magpakawala ng mga alipores na uubusin lamang ang panahon sa panghaharas at paninira ng lehitimong mga kinatawan ng party-list.

Kinikilala, maging ng mga dalubhasang nagbalangkas ng 1987 Konstitusyon, na namamayani ang tradisyunal na mga partido at dinastiyang pulitikal sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Kaya naman idinidiin ng Konstitusyon, sa magkakahiwalay na probisyon, ang tungkulin ng Estado na hikayatin ang partisipasyon ng independiyenteng organisasyong sektoral, non-government, nakabase sa komunidad. Nasa ganitong diwa ang pagbuo ng sistemang party-list, sa ilalim ng Article 5 Section 5.

Isa itong sistemang magtitiyak ng representasyon sa gobyerno ng mga mamamayang walang tinig, yaman, o kapangyarihan. Sa esensiya, isa itong sistemang magtitiyak ng representasyon ng mayorya ng mga Pilipino—gaano man kalimitado. Hanggang 20 porsiyento lamang ng kabuuang kinatawan sa Kongreso ang nakalaan para sa mga party-list.

Pitong taon pa ang inabot bago naipasa ang Republic Act 7941 o Party-list System Act, noong 1995. At anim pang taon pa ang lumipas bago nagkaroon ng sapat na lakas ang mga organisasyong may di-matatawarang rekord sa pagtataguyod ng interes ng mga mardyinalisadong sektor ng lipunan para magpatakbo, noong 2001, ng mga kinatawan sa ilalim ng naturang sistema.

Ang desisyon kamakailan ng Korte Suprema na magpaupo ng karagdagang 32 kinatawan ng party-list ay indikasyon, sa isang banda, na patuloy na lumalakas ang mga organisasyong sektoral gaya ng Bayan Muna, Anakpawis, at Kabataan. Nailuklok sina Neri Colmenares (kilalang abogado ng bayan) at Joel Maglunsod (beteranong lider-manggagawa) para sa Bayan Muna at Anakpawis, mga partidong naging matapang na kritiko ng administrasyong Arroyo at nagtaguyod ng mga panukalang batas para sa kaginhawaan ng mga mamamayan, gaya ng para sa dagdag-na-sahod at tunay na repormang agraryo. Nailuklok din ang lider-kabataang si Raymond Palatino, para katawanin, sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga tagapagmana—o tagapagbago—ng lipunan.

Ngunit sa kabilang banda, ipinakita rin ng desisyon ng Korte Suprema kung paano binastardo ng administrasyong Arroyo ang sistemang party-list. Nagbuhos ito ng kapangyarihan at rekurso para maagaw sa mga progresibo ang kakarampot na espasyong nakalaan para sa kanila sa gobyerno. Ginamit nito ang sistema para lalo pang pahigpitin ang kontrol sa Kamara at magpakawala ng mga alipores na uubusin lamang ang panahon sa panghaharas at paninira ng lehitimong mga kinatawan ng party-list.

Tampok sa di-lehitimong mga kinatawan ng party-list si Hen. Jovito Palparan, anti-komunista na ayon mismo sa ating mga korte ay may pananagutan sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot ng mga aktibista.

Sa ulat ng Melo Commission ng Korte Suprema noong 2006, sinabing may “command responsibility” ito sa mga abuso sa karapatang pantao. Noong nakaraang taon, sinabi rin ng Court of Appeals na may direktang partisipasyon si Palparan sa pagdukot ng magkapatid na Manalo, mga saksi sa pagpaslang ng militar sa mga estudyanteng sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.

Marami pang mga krimen si Palparan—ang pag-utos, halimbawa, sa pagdukot at pagpatay ng lider-magsasakang si Eddie Gumanoy at human rights worker na si Eden Marcellana noong 2003—na pinalampas ng korte pero marapat lamang na sinisingil ng mga biktima hanggang ngayon. Kung may hustisya, anila, sa preso ang bagsak ng “berdugo” at hindi sa Kongreso.

Pero marahil, ikinagagalak pa ng administrasyong Arroyo ang pag-upo ni Palparan na mismong idinisenyo nito noong nakaraang halalan. Matatandaang nalantad ang isang confidential na memorandum ng Office of External Affairs ng Malakanyang na humihingi ng P5.5 milyon mula sa Office of the President para mapondohan ang ilang mga party-list. Kabilang dito ang Bantay ni Palparan, at Ang Kasangga, na pinaupo naman ang kapatid ni Unang Ginoo Mike Arroyo na si Ma. Lourdes Arroyo.

Palibhasa’y hawak-sa-leeg ang Commission on Elections, nakalusot sa akreditasyon ang mga party-list ng administrasyon sa malabong depinisyon ng “marginalized” at “underrepresented” sa ilalim ng batas. Pero hindi nakakalusot sa taumbayan na hindi maaaring kumatawan sa mga nagtitinda ng balut ang isang kamag-anak ng pinaka-makapangyarihang opisyal ng bansa. Hindi rin nakakalusot sa taumbayan na malayo sa pagiging mardyinalisado, may bendisyon ng kapangyarihang-militar ang mga CAFGU, rebel returnee, at security guard na umano’y kinakatawan ni Palparan.

Katunayan, pinakilos ng Armed Forces of the Philippines ang makinarya nito para mailuklok ang mga party-list na Bantay, Uni-Mad, at Anad na may retiradong mga heneral bilang nominee. Ang tatlong party-list ang nanguna sa local absentee voting ng mga sundalo. Noong 2004, wala pang 8,000 ang sundalong lumahok sa local absentee voting. Pero sumirit ito sa 40,000 noong 2007.

Malinaw na hindi mga mamamayang mulat na nagtataguyod sa mas malawak na demokrasya ang nagluklok sa mga gaya nina Palparan at Lourdes Arroyo sa Kongreso. Kundi, resulta ito ng kalkuladong kampanya ng administrasyong Arroyo para maghakot ng kakampi para sa Charter Change at iba pang makasariling panukala, at lumikha ng kalaban para sa mga tunay na nagtataguyod ng diwa ng sistemang party-list. (IDQ)