Trahedya ng pagbabalita

April 19, 2009

KAHIT na may drama sa istoryang inuulat ng peryodista, hindi dapat maging telenovela ang isang balita.

Sa pagkokober ng pinakahuling pangyayari sa pagkamatay ni Trinidad “Trina” Arteche-Etong, asawa ng brodkaster na si Ted Failon, alam nating nagsimula ang telenovela sa seryosong komprontasyon ng mag-asawa dahil sa pera. May spekulasyon ding ang pinag-awayan daw ay hindi pera kundi pambabae ni Ted, pero dahil walang malinaw na ebidensiya, hindi na ito masyadong pinatulan ng midya.

Pero bago mo sabihing “Buti nama’t may respeto sa datos ang mga peryodista,” dinala tayo ng pagbabalita sa aksyong kinapalooban ng desisyon ni Ted noong Abril 15 na huwag tapusin ang kanyang pang-umagang programa sa radyo. Mabilis siyang nagpunta sa kanilang bahay. Nang makarating siya, agad niyang hinanap si Trina na nais niyang makausap. Nasa loob daw siya ng banyo, pero nakasara ang pintuan nito.

Ayon sa balita ng midya, puwersahang binuksan ang pintuan at doon nakita ang kanyang asawang nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo. Kung binaril niya ang sarili o may bumaril kay Trina sa ulo, hindi pa malinaw. Pero ang baril na ginamit ay nakalisensiya kay Ted. Kung pinatay man si Trina sa ibang lugar at inilipat na lang sa banyo, lalong hindi rin malinaw pero sadyang mapaglaro ang imahinasyon ng kung sinu-sinong iniinterbyu ng midya.

Sa tulong ng isang kamag-anak at mga kasambahay ni Ted, agad na binuhat at dinala si Trina sa Pajero para dalhin sa ospital. At dahil mabilis kumalat ang balita, hindi nakakagulat ang pagdagsa ng midya sa lugar na kung saan nag-aagaw-buhay ang asawa ni Ted. Ang apila ni Ted para hayaan muna ang pamilya niya sa gitna ng trahedyang nangyari ay hindi nasunod. Lalong tumindi ang drama nang mamatay si Trina noong Abril 16.

Hindi natapos sa pagkamatay ni Trina ang kuwento. Lumalabas na ang sinasabing “suicide note” ay hindi pamamaalam ng pagyao kundi ng pansamantalang pag-alis lang sa bahay. Lumalabas na bago natagpuan si Trinang naliligo sa sariling dugo noong Abril 15, nagdesisyon siyang umalis muna ng bahay kasama ang kanyang kapatid na si Pamela.

Pero sandali lang! Bakit naman nilinis ng mga katulong ni Ted ang banyo at hinugasan ng drayber ni Ted ang Pajero na ginamit nang itakbo sa ospital si Trina? Hindi ba’t pagtatakip ito sa krimeng nangyari? Kung paniniwalaan ang pahayag ng mga kasambahay, hindi ito iniutos ni Ted kundi sarili nilang kusa. Ayaw daw kasi nilang makita ng anak ni Ted ang nangyaring trahedya dahil baka magka-trauma ang bata.

Para sa midya, may dahilan naman para ibalita ang nangyari. Kasama sa elemento ng balita ang prominence, at hindi maikakailang prominenteng tao si Ted dahil sa kanyang katayuan bilang brodkaster sa ABS-CBN na isa sa dalawang higanteng istasyon ng telebisyon at radyo sa Pilipinas. Araw-araw siyang napapakinggan sa radyo’t napapanood sa telebisyon. Marami siyang tagahanga dahil sa kanyang matapang na komentaryo na kadalasang kinatatakutan o kinaiinisan ng mga nasa kapangyarihan.

At ngayong siya naman ang nasa sentro ng kontrobersiya, nasa bentahe ng mga nasa kapangyarihan, lalo na ng kapulisan, ang patulan ang “telenovelang pagbabalita” ng midya.

Dinagdagan pa ng mga pulis ang drama sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga paunang pahayag na maraming anggulong tinitingnan sa pagkamatay ng asawa ni Ted. Posible raw na pinatay siya! Negatibo man sa paraffin test ang namayapang si Trina, si Ted at iba pang mga kamag-anak at kasambahay, patuloy pa rin daw silang naghahanap ng ebidensiya.

Dahil sa kanilang masigasig na paghahanap, ang “imbitasyon” kay Pamela na pumunta sa istasyon ng pulis para sagutin ang ilang tanong sa mismong araw na namatay si Trina ay kailangang dagdagan pa ng aksyon sa pamamagitan ng puwersahang pagkuha sa kanya. Nang pinigilan ito ni Maximo, kapatid nina Pamela’t Trina, dinampot din siya ng pulis sa kasong “obstruction of justice.”

Bago nangyari ito, nagmistulang “manhunt” kay Ted ang naging desisyon ng pulis na habulin si Ted nang umalis siya sa istasyon ng pulis para bisitahin ang kanyang asawa. Hindi raw kasi nagpaalam si Ted, at hindi pa tapos ang imbestigasyong ginagawa. Parang ang nais sabihin ng pulis, walang karapatan si Ted na bisitahin ang kanyang noo’y nag-aagaw-buhay pang asawa. Kung sabagay, kung hinala nga ang pulis na pinatay ni Ted si Trina, maisasakonteksto mo ang kagustuhan ng mga pulis na manatili na lang si Ted sa presinto.

Lubha ring pinalaki ng kapulisan ang sinasabing pagkakaiba ng salaysay ni Ted at ng isang kasambahay. Sabi ni Ted, natagpuan niyang “nakahandusay” si Trina sa banyo. Ayon naman sa isang kasambahay, nakita niya itong nakaupo. Alam kaya ng pulis ang ibig sabihin ng salitang “nakahandusay”?

Sa isang istoryang kinapapalooban ng trahedya, makikita ang drama, aksyon at ilang makapigil-hininga’t nakapagtatakang eksena. Gustuhin ko mang idagdag ang elemento ng komedya sa katauhan ni Justice Secretary Raul Gonzalez – sino ba naman ang hindi matatawa sa pagsambit niya ng “She’s crazy!” nang pagbawalan niya si Persida Acosta ng Public Attorney’s Office na huwag makialam sa kaso ni Ted? – kailangang idiin ang kahinaan ng midya sa pagsasakonteksto ng nangyari.

Mainam man ang pagsubaybay ng midya para ipakita ang pang-aabusong ginagawa ng pulis, tila nakakalimutan naman ang pagbibigay ng pagsusuri sa kinahinatnan ni Trina dahil sa problema sa pera. Anuman ang pinagdaanan ni Trina, malinaw na hindi siya nag-iisa at maaari mo pa ngang sabihing mas malala pa ang katayuan ng maraming babaeng may-asawa sa kasalukuyan.

Maraming paksa o anggulong maaaring gamitin ng midya sa pag-uulat ng trahedyang ito: Ano ang epekto ng pang-ekonomiyang krisis sa mayayamang pamilyang kinabibilangan nina Ted at Trina? Anong klaseng problema sa pera ba ang kinaharap ni Trina bago ito namatay? Bago nangyari ang trahedya, anu-anong paksang may kaugnayan sa kapulisan ang tinalakay ni Ted na maaaring nagresulta sa diumanong intimidasyong ginagawa ngayon sa kanya?

Siguradong marami ka pang maiisip na mas makabuluhang anggulo na makakatulong sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Ang telenovela ay para lang sa pagbibigay-aliw sa mga tao, at ang pagbabalita ay isang seryosong gawain. Matugunan kaya ng midya ang pangangailangang makapagbigay ng angkop na impormasyon sa mga tao?

Abangan ang susunod na kabanata!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.