Si Juana at ang reporma sa programang caregiver ng Canada


Bayani ng mga bagong bayani si Juana Tejada. Namatay man sa kanser, buhay na buhay ang laban niya para sa mga live-in caregiver na pinagsasamantalahan ng sistema sa Canada.

pw-main-story-juana-tejadaSA Toronto General Hospital, dalawang oras bago pumanaw ang caregiver na si Juana Tejada sa sakit na kanser, nag-alay ng dasal ang mga migranteng Pilipino.

Sabi noon ni Ricky Esguerra, kasapi ng grupong Filipino Migrant Workers Movement, napapaisip siya sa sinapit ng kanilang kasamahan. “Di ko maiwasang isipin na ang laban niya sa kanser ay bahagi lamang ng mas malaking laban sa kanser na kumakain sa lipunang Pilipino. Ang kanser ng kahirapan, kawalan ng lupa, at trabaho sa sariling bansa ang nagtulak kay Juana na iwanan ang Pilipinas,” ani Esguerra.

Noong Marso 8, sa edad na 40, namatay si Juana na natutupad ang kanyang pangarap—na mabuhay, at doon na rin mamatay, sa Canada.

Bayani siyang turing ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) dahil sa kabila ng matinding sakit, ipinaglaban niya ang pagkakaroon ng reporma sa Live-In Caregiver Program (LICP) sa naturang bansa, nang sa gayon ay matupad din ang pangarap ng libu-libo pang iba.

Sa halip na alagaan

Taong 2003 nang dumating sa Canada si Juana na tubong Bangued, Abra. Nakapagtapos siya ng kursong edukasyon sa Abra School of Arts and Trade. Pero sa halip na magturo, pinili niyang mangibang-bansa para mapag-aral ang apat na kapatid at matulungan ang mga magulang.

Walong taon siyang nag-alaga ng bata sa Hong Kong bago mag-aplay sa LICP sa Canada. Ayon sa kanya, kinuha siya ng mga among Canadian dahil sa kanyang pagiging “eksperto sa bata.” Dalawang pares ng kambal ang kanyang inalagaan. Naka-duty siya nang halos 24 oras, pitong araw sa isang linggo. “Para akong nagpapatakbo ng isang nursery, pero kinaya ko. Kailangan kasing gawin,” aniya.

Noong 2006, binigyan si Juana ng work permit ng Citizenship and Immigration Canada (CIC) at sinabing maaari na siyang maging permanenteng residente. Sa ilalim ng LICP, kapag maninirahan at magsisilbi ang isang caregiver sa iisang amo ng 24 buwan sa loob ng tatlong taon, maaari na siyang gawing permanenteng residente ng Canada.

Ngunit kailangan munang muling mapatunayan ng mga caregiver na maganda ang kanilang kalusugan. Sa ilalim ng good health requirement, kailangan muna nilang makapasa sa isang medical examination.

Lumabas sa eksamen na may kanser sa kolon, Stage 4, si Juana. Bago noon, lagi na siyang inuubo at nahihirapang huminga. Ito’y dahil hindi namamalayang kumalat na pala ang kanser sa kanyang baga.

Dahil dito, tinanggihan ng CIC ang aplikasyon ni Juana para maging permanenteng residente.

Umapela si Juana pero tinanggihan ito. Sa kanyang pangalawang apela (na muling tinanggihan), binanggit ng CIC ang Section 38 (1) ng Immigration and Refugee Protection Act o IRPA. Ayon dito, maaaring tanggihan ang aplikasyon ng isang migrante kung ang kanyang kondisyong medikal ay “maaasahang magdudulot ng labis na pangangailangan mula sa serbisyong pangkalusugan o sosyal. (might reasonably be expected to cause excessive demand on health or social services).”

Kampanya ni Juana

Dahil nanganganib madeport si Juana, sinimulan ng kanyang mga kaibigan ang isang petisyon para iapela kay Prime Minister Stephen Harper ang kaso. Halos tatlong libong katao ang pumirma sa petisyon. Nagbuo rin ng alyansa ang Migrante International-Ontario, Community Alliance for Social Justice, at iba pang mga grupong pangmigrante, para ipaglaban ang karapatan ni Juana na manatili at magpagamot sa bansa.

Nakatulong ang kampanya para kay Juana na maisapubliko ang umano’y mga depekto ng LICP, na mga Pilipino ang mayorya o 96% ng mga pumapaloob.

Sa halip na gumastos ng tinatayang $15,000 kada taon para sa institusyunal na pag-aalaga ng matatanda at bata, kumukuha na lamang ang maraming Canadian ng mga live-in caregiver.

Ngunit ayon sa grupong Siklab Canada, disbentahe sa mga migrante ang programa para sa mga caregiver.

Dahil obligado na manirahan at magsilbi sa iisang amo para mabigyan ng work permit at permanenteng paninirahan, bulnerable sila sa iba’t ibang tipo ng pang-aabuso. Tinitiis nila ang mga ito para hindi mameligro ang status ng aplikasyon.

Gayunpaman, nahihirapan ang maraming Pilipino na matugunan ang mga rekisitos. Ayon sa datos ng CIC, 53% lamang o mahigit sa kalahati ng mga pumasok sa LICP noong 2003 ang naging permanenteng residente matapos ang tatlong taon.

Bunuin man nila ang hirap ng 24 buwang walang patlang na pagseserbisyo, wala pa ring katiyakan ang kanilang kinabukasan. Ipinakita ng kaso ni Juana na sa ilalim ng batas, kapag nadapuan ng sakit ang isang migranteng caregiver sa panahon ng pagtatrabaho, pabigat na ang turing sa kanya. Maaari siyang pagkaitan ng serbisyong sosyal, paninirahan, at sipain mula sa Canada.

Kasabay ng unti-unting paghina ng katawan ni Juana ay ang unti-unti ring paglakas ng kanyang kapasyahang lumaban. Kasama ang mga organisasyong pangmigrante, nanguna siya sa kampanya para maipasama ang mga caregiver sa mga eksempsiyon sa Section 38(1) ng IRPA. Kinilala roon bilang Juana Tejada Law ang isinusulong na pagbabago sa IRPA.

Noong Hulyo 18, 2008, bumigay sa wakas ang CIC. Sa batayang makatao o humanitarian grounds, ginawang permanenteng residente si Juana at ang kanyang pinetisyong asawa na si Noli Azada.

Pahayag ng abogado ni Juana na si Rafael Fabregas, “Hindi tayo makakapayag na muling mangyari ito sa iba. Walang live-in caregiver ang dapat makaranas ng dinanas ni Juana…Bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon at sakripisyo, nararapat sila sa mas nakatitiyak na kinabukasan.”

Pag-asang pagbabago

Noong Pebrero, inumpisahan na ng Federal Standing Committee on Citizenship and Immigration ang mga pagdinig sa panukalang mga pagbabago sa IRPA. Isa lamang dito ang pagtanggal ng good health requirement sa LICP, isang panawagan na inspirado ng laban ni Juana.

Iginigiit na rin ng Independent Workers Association-Homeworkers Section o iWorkers, inisyatiba ng Migrante Ontario at United Steelworkers Union, ang mas kumprehensibong reporma sa LICP.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, pinagkakaitan ng health insurance ang mga live-in caregiver na naghihintay na maaprubahan ang aplikasyon. Ayon sa iWorkers, dapat may health insurance ang mga live-in caregiver mula sa kanilang pagdating hanggang sa mabigyan ng work permit at permanenteng paninirahan.

Nais din nilang mapaigsi ang panahon ng pagpoproseso ng visa ng mga kapamilya ng mga live-in caregiver. Minsan, umaabot ng hanggang apat na taon bago mabuong muli ang mga migranteng pamilya.

Gayundin, sa lahat ng mga migrante sa ilalim ng Temporary Foreign Workers Program ng Canada, tanging ang mga live-in caregiver ang tumatanggap ng minimum na sahod. Ito ay “hindi makatwiran at mapang-abuso,” ayon sa iWorkers na nagtutulak din ng dagdag-na-sahod.

Parangal sa bayani

Noong Marso 26, dumating sa cargo area ng Ninoy Aquino International Airport ang mga labi ni Juana. Hindi man pinansin ng gobyernong Arroyo, minabuti ng mga lider-migrante dito sa bansa na bigyan siya ng isang simple ngunit taimtim na salubong ng isang bayani.

Idinaos ang isang maiksing parangal. Ang bandila ng Migrante International, itinakip sa kanyang kabaong. Tinawag si Juana na “isang primera klaseng OFW” ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

“Habang nilalabanan ang sakit, nakipaglaban din siya para sa kapakanan ng mga caregiver sa Canada….Ang kanyang dignidad at determinasyon ang inspirasyon naming ipagpatuloy ang laban di lamang para sa karapatan ng mga migrante, kundi para sa kalayaan ng sambayanan mula sa pang-aapi,” aniya.

Inilibing na si Juana sa tinubuang bayan sa Kordilyera. Bigo man sa laban sa sakit na kanser, patuloy na umaani ng tagumpay para sa mga migranteng Pilipino ang maigsi niyang buhay na ginawang makabuluhan.