Pinauwing OFW sa Libya, pinabayaan ng embahada?


Nalinlang ng kompanyang Libyan ang mga Pinoy na manggagawa nito. Kunyari ililipat lang sila sa trabaho, pero pinauwi pala sila sa Pinas nang labag sa kontrata. Sa kabila nito, kumampi pa ang mga opisyal ng embahada ng bansa sa abusadong Libyan employer.

NASA jobsite sina Ruel Ramos, Nestor Rivera, Robert Tulop at Henry Torres noong Abril 2, 2009 nang damputin sila ng limang guwardiya ng kompanyang kanilang pinagtatrabahuhan sa Tripoli, Libya.

Ayon sa mga guwardiya, dadalhin sila sa isang ‘accomodation’ dahil ililipat umano sila ng trabaho. Ang hindi nila alam, pauuwiin na pala sila sa Pilipinas – kahit hindi pa tapos ang kanilang kontrata bilang mga OFW (overseas Filipino workers) sa naturang bansa.Wala kaming kamalay-malay na pababalikin na pala kami sa Pilipinas,” ayon kay Ramos, isang laborer sa Libya at tubong Amadeo, Cavite.

Kabilang sina Ramos sa tinatayang 50 OFW na nagreklamo sa hindi maayos na kalagayan sa paggawa sa Libya at paglabag sa kontrata ng kanilang mga employer.

Kuwento ni Ramos, akala nila noong una’y ililipat lamang talaga sila ng trabaho. Pero nang kumpiskahin ng mga guwardiya ang kanilang mga cell phone bandang alas-tres ng araw ding iyon, nagduda na sila sa tunay na layunin ng kanilang kompanya. Kaya tinawagan ni Nestor Rivera ang isang paring Pilipino roon.

Foreman si Rivera sa Libya at tubong Pampanga. Nakatawag siya dahil naitago niya ang isang cell phone sa mga guwardiya. Nang nakausap niya ang pari, sinabi nitong agad niyang ipapaalam sa embahada ng Pilipinas ang kanilang kalagayan.

Sumunod na tinawagan niya si Welfare Officer Romeo Baccig pero hindi niya ito makontak. Makalipas ang halos isang oras, tumawag si Baccig kay Rivera at sinabi nitong nanakaw daw ang kanyang cell phone kaya hindi siya matawagan.Sa kanilang pag-uusap, sinabi umano ni Baccig na nakausap na nito ang isang Mr. Omar mula sa Cifex World Construction Firm, ang kompanyang pinagtatrabahuan nina Ramos at Rivera. Aayusin daw nito ang kanilang kaso. Pero wala ring nangyari sa kanilang usapan.Bandang alas singko ng hapon, dinala sila sa isang safehouse ng mga guwardiya nang labag sa kanilang kagustuhan.

Mga 30 kilometro ang layo noon mula sa jobsite. Dinala sila sa isang abandonadong bahay at pinatira sa isang container van. Ayon sa mga guwardiya, ang abandonadong bahay ang kanilang tatrabahuin.Paggising nila kinabukasan, pinag-empake sila at pauuwiin na daw sila sa Pilipinas.

Hindi makapaniwala sina Ramos dahil maayos naman silang nagtatrabaho sa kompanya. Bago pauwiin, puwersahan silang pinapirma sa termination paper at patunay na natanggap nila ang suweldo, pero wala silang natatanggap kahit na magkano.

Abuso at paglabag sa kontrata

Una silang pumirma ng kontrata nang nandito pa lamang sa Pilipinas. Ayon sa kanila, $520 ang suweldo nila nang pumirma sila sa kontrata ng kanilang ahensiya. Pero pagdating sa Libya, pinapirma uli sila ng Cifex. Doo’y naging $300 na lang ang kanilang suweldo.

At sa halip na walong oras na pagtatrabaho, 12 oras silang pinagtatrabaho ng Cifex. Pinagtatrabaho rin sila kung araw ng Biyernes na itinuturing na holiday sa Libya. Ang masaklap hindi sila binabayaran ng overtime pay. At kung hindi sila pumasok kung Biyernes, tatlong araw na suweldo ang ikinakaltas sa kanila.

Naniniwala ang mga napauwing OFW na ‘napag-initan’ sila ng kompanya kaya sila pinauwi sa Pilipinas. Ang dahilan, tumanggi silang pumirma sa kontratang pinapipirmahan sa kanila ng kompanya.

Masama ang loob ng mga OFW sa mga opisyales ng embahada ng Pilipinas sa Libya dahil hindi umano nito pinansin ang kanilang reklamo at sa halip, kumampi pa sa kanilang mga employer.Inakusahan pa ng mga OFW sina Baccig kasama na si Labor Attache Nasser Mustafa na umaakto pa umanong ’tagapagsalita’ ng Cifex at ng mga recruitment agency.

Sa halip umano na protektahan ang kanilang karapatan, nag-abugado pa si Mustafa para sa Cifex World nang mamagitan ito sa kasunduan na nagsasabing pumapayag ang mga OFW na pumapayag sila sa suweldong mas mababa sa nakalagay sa kanilang orihinal na kontrata.“Pinabayaan kami ni Mustafa. Hindi siya karapat-dapat sa kanyang puwesto bilang Labor Attcache sa Libya,” ayon pa sa mga OFW.

Labing-isa pa

Noong Abril 6, umabot sa 11 OFW pang katulad nina Ramos ang pinauwi rin mula sa Libya.

Pareho din ang pamamaraan ng pagpapauwi sa kanila.Karamihan sa mga pinauwing OFW ay halos tatlong buwan pa lamang nagtatrabaho sa Libya samantalang isang taon ang nakalagay sa kanilang kontrata.

Kaya nanawagan sila sa Kongreso ng Pilipinas na imbestigahan ang kanilang kaso. Nais nilang matanggal sa puwesto sina Mustafa at Baccig sa pagtataksil at pagpapabaya sa mga OFW. Nais din nilang malagay sa blacklist ang Cifex World at ang mga ahensiyang Sharikat al-Saedi International Manpower Inc. at Aqua-gem Manpower Corp. na siyang nagpadala sa kanila sa Libya. Gusto nilang bayaran ng mga ito ang natitirang panahon sa kanilang pinirmahang kontrata.

Suportado naman ng Migrante International ang panawagan ng mga OFW na matanggal sa puwesto ang pabayang opisyal ng embahada sa Libya.

Kinondena ng grupo ang kriminal na pagdampot ng Cifex sa mga OFW at hindi makatrungang pagtanggal sa mga ito sa kanilang trabaho.

Naniniwala ang Migrante na may kakutsaba ang naturang kompanya sa ilang opisyal ng embahada ng Pilipinas.

“Naniniwala kami na hindi magiging ganito kalakas ang loob ng Cifex kung hindi ito alam ng embahada sa Libya, partikular na sina Mustafa at Biccag,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Sinabi pa ni Martinez na nauunawaan nila kung bakit nais ng mga OFW na managot sina Mustafa sa kapabayaan nito sa mga Pilipino sa Libya.

Nakatakda ring magsampa ng kaso laban sa mga naturang ahensiya ang mga OFW sa POEA (Philippine Overseas Employment Administration) sa Abril 20.