Pasintabi

Pangingilin


Kabilin-bilinan ng matatanda kapag Semana Santa, “mangilin.” Ibig sabihin, huwag magkikilos, magnilay-nilay, makiisa sa pagkamatay ni Hesus, at ng kanyang muling pagkabuhay. Sa maraming hindi nakapagbakasyon, katumbas nito ang pagtunganga. Sa maraming walang cable, ang panonood ng mga misa, retreat, at maging komersiyal na pelikula at melodrama sa telebisyon na pinalulusot bilang “makabuluhan” sa panahon […]

Kabilin-bilinan ng matatanda kapag Semana Santa, “mangilin.” Ibig sabihin, huwag magkikilos, magnilay-nilay, makiisa sa pagkamatay ni Hesus, at ng kanyang muling pagkabuhay. Sa maraming hindi nakapagbakasyon, katumbas nito ang pagtunganga. Sa maraming walang cable, ang panonood ng mga misa, retreat, at maging komersiyal na pelikula at melodrama sa telebisyon na pinalulusot bilang “makabuluhan” sa panahon ng Semana Santa.

Walang diyaryo kapag Biernes Santo. Sarado ang mall, na tunay na ipinagluluksa nito ang kanyang arawang kita. Malaking sakripisyo ang isara ang mall, kahit pa isang araw lang. Ni hindi nga puwedeng kusang magsara ang outlet sa mall, halimbawa, para mag-office picnic. May multa. Sarado ang maraming nightclubs at gay bars. Ito ang kaisa-isang araw sa buong taon na sarado ito. Nag-Milenyo man, bukas ito.

Sa kulturang popular na ang tuon ay para sa kita, o ang paghuthot nito kahit sa pinakaabang nilalang, tanging sa araw ng Biernes Santo, sa pamamagitan ng pangingilin, nawawalan ito ng kapangyarihang makapanukso. Dahil sapilitan ang desisyong walang puwedeng puntahan kapag lumabas—at ang paglabas rito ay pagtanggi sa publiko at estadong spero na makapanghimok ng konsumpsiyon at mabuting pagkamamamayan, dahil nga maging sa loob ng bahay ay walang matingkad na paalaala nito, sarado rin sa tahasang advertising ang mga telebisyon, walang radyo at diyaryo—walang tukso.

Sarado ang mga institusyon ng negosyo, sarado ang paghahatid ng ligaya at saya (leisure) sa tahanan, sarado o matumal ang maraming fastfood na kalakhan ng menu ay may karne, sarado ang mga lunan ng eksploytasyon, tulad ng factory, mall, bars at internet shops.

Wala ring buhos na operasyon ang estado—walang demolisyon, walang presensya si Gloria Arroyo dahil walang diyaryo para sa kanyang media ops (opportunities). Tunay na bangungot ng mga kapitalista, ng kapitalismo at estado!

Walang tukso dahil walang konsumpsiyon, at wala ring panghihimok ng pagiging mabubuting anak at mamamayan ng estado. Full-blast ang estado sa preparasyon para sa Semana Santa: police presence sa mga terminal ng bus at sasakyan, tulong-operasyon sa mga biyahero sa highway, maintenance ng peace and order, at iba pa. Sa mismong linggo, at lalo na sa Biernes Santo, nakikiisa maging ang poder ng estadong kapangyarihan sa bilin ng nakakatanda.

Tanging sa sityo ng mas abanteng yaman at leisure matutunghayan ang walang pigil na operasyon ng kapital. Sa Boracay at Puerto Galera, peak season ito. Maging sa Baguio, Bohol at Palawan. Ito ang pasko ng negosyong turismo. Dito kinikita ang bulto sa taon. At ang labis na maykaya—o nagtipid na bagong-yaman, tulad ng call center agents, ganansiya mula sa balikbayang OCW, halimbawa—ang makakatamasa ng di-pangingilin sa araw ng pangingilin.

At ito ang makabagong tukso. Ang extra-challenge ay ganito: paano ka makakalampas sa panuntunan ng bawal, na kapag may labis kang pera, pwedeng mag-trespass sa bawal at gawin itong hindi bawal? Paano nabibili ang bawal? Paano kahit bawal ay maaaring hindi ipagbawal? Na tuloy pa rin ang ligaya ng kita ng kapitalista, ng paggasta ng maykaya, at ng pagiging mabuting mamamayan—nagpa-party at hindi nagnanakaw ng cellphone?

Bahagi ng pangingilin ay ang pagninilay-nilay, ang tahimik na introspeksiyon sa kosmolohiya ng “what is life?” at “where am I in the grand schema of things?” Kung Katoliko, ang soul-searching retreat na makakapagpurga sa mga kahinaan at makakabalik nang may lakas sa dating gawi. Kung marxista ka, marahil ang isyu ay CSC (criticism and self criticism), paano pa paiigtingin ang gawaing rebolusyon (kung hindi ka rin nag-e-ED [education] sa panahong ito).

Tanging mga relihiyoso, marxista at metapisika ang nagninilay-nilay. Sinasabing hindi tayo bansang mahilig sa kontemplasyon. Hindi sa hindi nag-iisip, hindi lamang mapag-isip sa mga bagay na ikinikilos. Sa mahihirap, walang panahon. At bawat oportunidad, tulad ni Arroyo, ay sinusunggaban dahil kabuhayan at kamatayan sa araw-araw ang usapin. Sa mayayaman, may rigor na ang sistema ng panghuhuthot ng dagdag na yaman na hindi na kailangang huminto para umamoy ng iba pang bulaklak.

Noong Miyerkules Santo, nang mag-Skype kami ng kaibigang Joi, pareho ang aming predikamento: pareho kaming pagod at inaantok, at pareho kaming kailangang magtrabaho sa dami ng hinahabol na deadline. At sa Huwebes Santo, kahit hindi ko na nakausap si Joi, alam kong pareho kaming maagang nakatulog, parehong walang nagawang trabaho. Biernes Santo at heto kami, naghahabol ng trabaho.

Nasa bahay at nangingilin nang wala sanang kabalak-balak. Mahirap labanan ang bilin ng matatanda. Muli kasing nakahabol ang hapong katawan sa nakagawiang kaisipan. Isang araw na walang tukso, hindi pa dahil ayaw magpatukso kundi dahil sa ordinaryong kapaguran.