Liham para kay Eden Marcellana

April 21, 2009

Mula kay Orly Marcellana

PARA sa pinakamamahal kong Inay,

Alam mo ‘nay, parang kailan lang ng magkakilala tayo sa pagbubuo ng ALAMAG noong Dec. 6, 1991. Ako noon ay gumagampan na ng gawain sa KOMPRA at ikaw naman ay isa pa lamang aktibista. Mula noon ay di ka na nawala sa isip ko at alaala. Inasam ko na balang araw ay magkita tayong muli at magkasama.

Ang saya ko mula noon, sinikap ko na malaman ang address ng iyong pinapasukan at lagi kitang sinusulatan at tinatawagan sa telepono. Kinukumbinsi ka namin na sumama sa aming gawain.

Naging lubos ang aking kagalakan ng ipinasya mo noong Abril 14, 1994 na gumampan ng buong panahon sa paglilingkod sa bayan. Alam ko baduy ako, laking bukid. Ngunit ipinakita ko at ipinadama sa iyo ang aking mithiin at pag-ibig.

Kahit ayaw sa akin ng iyong mga magulang, naipaglaban mo ang iyong pagmamahal sa akin at paglilingkod sa bayan. Alam ko at nauunawaan ko ang mga magulang mo noon sa kanilang pagnanais na lumuwas ka ng ibang bansa; sa katunayan nga ay may passport ka na.

Mula nang tayo ay magkasama sa gawain at nang tugunin mo na ang aking pagmamahal noong Agosto 13, 1994 ay nagkaroon ng kulay ang buhay ko. Labis mo akong pinahanga sa masigasig at buong kagitingan mong paggampan sa anumang gawain na maiatas sa iyo.

Naging lubos ang aking kaligayahan nang tayo ay ikasal noong Marso 18, 1996 sa opisina ng KOMPRA. Abril 3, 1996 nang ipinanganak mo si Boniknik at Oct. 28, 1997 si Potan. Alam mo, kahit kapwa tayo nahihirapang gumampan sa gawain kasabay ang pag-aaruga ng ating dalawang anak ay masaya tayo sapagkat tayo ay nagtutulungan sa gawain, pamilya, at sa organisasyon.

Nang huliin ako ng 31st I.B.P.A. noong abril 12, 1997 sa Lopez, Quezon, nakita ko ang iyong labis na pag-alala at ang ginawa mong paghahanap sa akin kahit buntis ka pa nga noon kay Potan.

Nang mapalipat na ako noong 1998 sa KASAMA-TK ay naranasan mo ang higit na kahirapan sa mag-isang paggampan at pag-aaruga sa ating 2 anak, bukod sa kulang tayo sa pinansya at paggampan mo pa sa gawain. Nalipat ka rin sa BAYAN-Quezon at di rin nagtagal ay naging bahagi ka na rin ng BAYAN-ST noong 1999.

Bagamat madalang tayong magkita noon (tuwing ikalawa o ikatlong buwan) ay masaya tayo. Paminsan nga ay ikaw ang pumupunta sa San Pablo kasama ang ating anak.

Pinahanga mo ako sa iyong kasigasigan sa paggampan sa gawain sa BAYAN-ST at nang malipat ka sa Karapatan-ST ay mas nag-ibayo ang iyong katapangan at kasiglahan sa pagtatanggol sa mga biktima ng karahasang militar.

‘Nay ikaw ang nakakaalam sa mga ginagamit ng dalawa nating anak mula nang mag-aral ito sa Day Care at kung may sakit sila, ikaw rin ang nakakaalam at sumusubaybay sa iniinom nilang gamot.

The best ka talagang nanay para sa ating anak. Ramdam ko na mahirap iwanan sa iba ang ating anak, hanggang sa iwan na natin sila sa mga Inay dahil sila ang ating unang maaasahang kakalinga at aaruga sa mga bata. Lagi kang umiiyak ‘pag ihahatid o susunduin ang mga bata subalit kinaya mo ito dahil kailangang paghandaan ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pagsusulong ng tunay na kalayaan.

Nag-uumapaw ang iyong kagalakan at ng dalawa nating anak sa tuwing sila ay dadalaw sa atin. Di mo pinapalo ang mga bata, manapa’y kinakausap mo sila ng mahinahon at ipinauunawa ang kanilang pagkakamali at lagi mo silang sinasabihan na lagi kayong magmamahalan at huwag mag-aaway.

Wala kang kapaguran sa paggampan sa gawain, paglulunsad ng QRT, FFM, pagdalaw sa mga bilanggong pulitikal at pagtulong sa mga biktima ng karahasang militar. Iginiit mo rin ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng karahasang militar sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo sa mga opisyal militar at mga ahensya ng gobyerno. Labis ang iyong katapangan sa tuwing haharap ka sa mga militar na lumalabag sa karapatan ng mga mamamayan at di mo sila binigyan ng pagkakataon na manaig at yurakan ang karapatan ng mga masang anakpawis.

Sa tuwing may aktibidad, imbitasyon sa mga QRT at FFM ay pinadadalhan mo ako ng text tulad sa mga kasama na nagsasaad ng, ‘kasama may gawain tayo at kailangan ang inyong paglahok.’

Sinasabi mo pa na sa panahon ng mga gawain isantabi muna natin na tayo ay mag-asawa at unahin muna natin ang mga nakahanay na gawain dahil may panahon sa usapang mag-asawa.

Sa panahong may mga bumabagabag at ako’y pinanghihinaan sa aking pagkilos ay lagi kang nariyan. Sabi mo pa nga palagi sa akin, kung ang problema nga ng sambayanan ay inihahanap natin ng lunas, ang problema pa kaya natin ang hindi natin makaya.