GMA nanloloko ng Pinoy para magtrabaho sa abroad – GWP

April 14, 2009

NILOLOKO ni Pangulong Arroyo ang mga Pilipino sa patuloy nitong panghihikayat na magtrabaho sa ibang bansa sa kabila ng di-katanggap-tanggap na kalagayan ng mga OFW (Overseas Filipino Workers) sa Dubai, ayon kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan.

Sinabi ni Ilagan na walang trabaho at namumulot na lamang ng basura para mabuhay ang mga OFW sa Dubai. Tinukoy niya ang 137 Pilipinong bus driver sa Dubai at marami pang migranteng manggagawa na inaasahang mawawalan ng trabaho sa UAE (United Arab Emirates).

Binanggit pa ng mambabatas na binibigyang-ilusyon pa ng Pangulo ang mga Pilipinong walang trabaho na maliligtas sila sa lumalalang krisis pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa ibang bansa.

‘Ang agresibong pagbebenta ni GMA sa lakas paggawa, sa kabila ng pang-aabuso ng mga employer, mababang pasahod at mapanlinlang na kontrata ay nagpapatingkad lamang sa pagtutulak ng kanyang gobyerno sa labor export policy na nakasandig sa remitans ng mga OFW para suportahan ang bagsak na lokal na ekonomiya,’ aniya pa.

‘Ang totoo, naghahanap ng trabaho sa ibang bansa si Pangulong Arroyo para pagtakpan ang kanyang kabiguang maglaan ng disenteng trabaho sa bansa sa gitna ng paparaming kaso ng ilegal na rekrutment na bumibiktima sa libu-libong Pilipino araw-araw,’ sabi niya.

Sinabi pa ni Ilagan na ang ilegal na rekrutment ay isang malaking problema na hindi malutas-lutas ng POEA (Philippine Overseas Employment Agency).

Hinamon ni Ilagan si Pangulong Arroyo na itigil ang magastos at walang saysay na mga biyahe sa Gitnang Silangan gayundin ang POEA para siguruhin ang proteksiyon at kagalingan ng mga OFW laban sa ilegal na rekruter at iba pang anyo ng pang-aabuso.