Uncategorized

Empleyado sa Intramuros humiling na agarang ibalik sa trabaho


HINILING ng ilang empleyado ng Intramuros na agarang ibalik sila sa trabaho matapos irekomenda ng House Committee on Civil Service and Professional Regulations na ibalik sila sa trabaho dahil walang batayan ang pagkakatanggal sa kanila noong Enero 2009. Nagpiket ang naturang mga empleyado sa harap ng Palacio del Gobernador, Intramuros sa Maynila para ipresyur ang […]

HINILING ng ilang empleyado ng Intramuros na agarang ibalik sila sa trabaho matapos irekomenda ng House Committee on Civil Service and Professional Regulations na ibalik sila sa trabaho dahil walang batayan ang pagkakatanggal sa kanila noong Enero 2009.

Nagpiket ang naturang mga empleyado sa harap ng Palacio del Gobernador, Intramuros sa Maynila para ipresyur ang Intramuros Administration (IA) na tupdin nito ang matagal nang pangahong ibabalik sila sa trabaho.

Inirekomenda ng House Committee on Civil Service and Professional Regulations noong Marso 4 pa na walang batayan ang pagpalit ng istatus ng mga empleyado mula kaswal patungong job order. Ilegal at wala rin umanong batayan ang retrenchment ng 17 empleyado. Nasa naturang pagdinig ng komite si Ana Marie Harper, administrador ng Intramuros.

“Halos isang buwan na magmula nang ipangako ni B. Harper na ibabalik kami sa trabaho, pero hanggang ngayon wala pa kaming naririnig mula sa IA. Grabe na ang paghihirap namin. Katunayan, isa sa amin, nangangalahig na ng basura para lamang makakain matapos idismis sa serbisyo sa gobyerno,” paliwanag ni Mori Azura, bise presidente ng Intramuros Administration Contractual Employees Association,

Binatikos rin ni Azura ang IA sa pagkukunsinti sa mga opisyal na inakusahan ng korupsiyon, samantalang basta na lamang tinatanggal umano ang ordinaryong mga empleyado. Nagdesisyon naumano ang tanggapan ng Ombudsman na isuspinde ang apat na opisyal ng IA sa salang graft and corruption, pero hindi pa ito ipinapatupad ng IA,

Pinangalanan ni Azura ang apat na opisyal na pinasususpinde ng Ombudsman noon pang 2003 na sina Augusto Austria, Mercy Desahagun, Manuela Waquis at Raides Basseg.