Bulok na sistema talaga


IBINALANDRA na naman ng pulisya ang kanilang kainutilan. Ipinakita na naman nila ang kanilang bangis sa kasalukuyang kaso ng isang bantog na brodkaster.

IBINALANDRA na naman ng pulisya ang kanilang kainutilan. Ipinakita na naman nila ang kanilang bangis sa kasalukuyang kaso ng isang bantog na brodkaster.

Sa gitna ng kasalimuutan ng pag-iimbestiga nila sa kaso ng pagkamatay ni Trina Etong, maybahay ng radio anchor na si Ted Failon, kung paano na lamang nila bigyan ng aksiyon ang proseso ng imbestigasyon. Standard Operating Procedure o SOP daw, ani ng pulisya, ang isalang sa interogasyon ang lahat ng kasambahay ni Failon. SOP rin na lalong paghusayan marahil ng pulisya ang kanilang interogasyon sa nakita nilang paglilinis ng ebidensiya.

Ngunit sa mga video, kita ang pambubrusko ng umaarestong mga pulis sa kabi-kabilang pagdampot nila kina Failon, sa kaanak nito, hanggang sa kasambahay nila. At kahit humahabol na ang kanilang mga abogado upang may pauna nang paglalapat ng legal na aksiyon, tuloy pa rin ang pangangaladkad hanggang sa sasakyan ng pulisya sa mga tinaguri na nilang suspek. Pag-uusapan rin ba ang SOP, o ito na talaga ang kanilang trato sa kanilang mga suspek? Na kahit ang isang mahalagang bahagi ng Miranda Doctrine, kung saan may karapatan ang nasasakdal sa kanyang abogado, ay nasagasaan sa ganitong asal ng pagdampot ng kapulisan.

At kung nalinis man ang pinangyarihan ng krimen, kailangan bang magsilbing mitsa ito upang lalong magngitngit ang mga imbestigador at arresting officers?

Sa ganitong eksena lumabas ang ilan pang kabulukan sa sistema ng kanilang imbestigasyon. Marahil, maitatanong nga rin ba kung kailanganin ng psychological tactics upang lalo pang pagtibayin ang kanilang kabruskuhan at ma-tortyur lalo ang kanilang mga “suspek.” Tama bang, dahil sa katahimikan ng isa sa mga kasambahay ni Failon na tuluy-tuloy na ineenteroga, nagsisisigaw na lamang ang ilang pulis at sinasabing si Failon ang pumatay? Lumalabas na wala sa tamang wisyo ang kapulisan. Sa kabila ng kawalan ng masusing imbestigasyon, nagagawa pa nitong agad na magpataw ng kongklusyon.

Kahit ang proseso ng paghahanap ng ebidensiya ay palya na. Ang pulisya ng bansa na lamang marahil ang gumagamit ng paraffin test bilang isa sa SOP. At kung sakali man, marahil kasama na rin sa kabulukan na ito ang kanilang moda ng paglalapat nito.

Marahil, naisip nga rin nga ng kapulisan na kung lalambot sila sa ganitong situwasyon, sa isang kasong sangkot ang isang publikong personalidad, ay maiisip ng taumbayan na nagbibigay sila ng katangi-tanging pagtrato kay Failon. Pero hindi kumbinsido rito ang publiko. Hindi tuloy maiwasang maisip ng publiko na baka may malalim na galit ang mga pulis kay Failon. Kilala ang komentarista sa radyo na kritikal sa kilos at gawa ng mga pulis. Ito na ang nagiging tono ng mga kapwa brodkaster ni Failon: Ayon sa kanila, tila lumalabas na nireresbakan si Failon dahil sa kanyang mga isinapublikong anas laban sa mga pulis.

Totoong nangangailangan ng katotohanan ang publiko sa insidente na ito. Ngunit sa pormula na ipinakita ng pulisya, wala silang maaabot na mahusay na pagtanaw sa kaso na ito. Bulok na pasilidad at metodolohiya, samahan pa ng bulok pang paggamit ng dahas ang mamumutaw’t mamumutawi sa isipan ng publiko ukol sa pulisyang dapat na nagtataguyod ng sistema ng hustisya.

Ang nasa isip ngayon ng publiko: Kung si Failon nga na isang sikat na personalidad sa midya ang madaling nalalabag-labag ang karapatan, paano pa kaya tayong ordinaryong mga mamamayan? (DRG)