30 pang OFW tumakas mula employer sa Libya

April 27, 2009

Tatlumpu pang OFW (overseas Filipino workers) ang tumakas mula sa kanilang mga employer sa Libya dahil sa di-maayos na kalagayan sa paggawa at pamimilit sa kanila na pumirma ng bagong kontrata.

Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, tatlong OFW na kabilang sa mga tumakas mula sa CIFEX World Inc. ang naghatid sa kanila ng balita.

Napagpasyahan umano ng mga OFW na tumakas mula sa CIFEX World dahil sa patuloy na paglabag nito sa orihinal na kontratang kanilang pinirmahan at sa di maayos na kalagayan sa paggawa.

Noong nakaraang buwan, 50 OFW ang tumakas mula sa CIFEX World dahil sa parehong kadahilanan.

Sinabi pa ni Monterona na pinupuwersa ang mga OFW na pumirma sa isang kontrata na may mga probisyong taliwas sa orihinal na kontrata partikular na suweldo at oras ng paggawa.

Tinukoy ni Monterona ang tatlong OFW na nagkakanlong ngayon sa opisina ng Philippine Overseas Labor Offices– Overseas Workers Welfare Administration sa Libya bilang sina Ryan Villamor, Allan Aringgo at Aldrin Alama.

Sinabi pa ni Monterona na ipinakikita lamang ng kaso ng 30 OFW na walang nagagawa si Labor Attache Nasser Mustafa para protektahan ang karapatan at kagalingan ng mahigit na 300 OFW sa Libya na nagtatrabaho sa CIFEX World.

Kaugnay nito, nauna nang nanawagan ang Migrante International sa Kongreso ng Pilipinas na imbestigahan ang kaso ng mga naturang OFW