Right of Reply Bill: Wakas ng malayang pamamahayag?


BIHIRA ang isyung hindi nababalita ng midya dito sa Pilipinas, na tinaguriang isa sa ‘pinakamalaya’ sa buong Asya. Pero noong nakaraang taon, nakalusot sa midya ang pagpasa ng Senado sa Right of Reply Bill (RORB). Umabot lamang ng tatlong buwang deliberasyon, tahimik at mabilis ang pag-usad ng nasabing panukalang batas sa Kongreso. Ipinapanukala ng Senate […]

right-of-reply1
(Mula kaliwa) Vergel Santos ng Business World at Center for Media Freedom and Responsibility, Jose Pavia ng Philippine Press Institute, Nonoy Espina ng National Union of Journalists of the Philippines, at Jessica Soho ng GMA News and Public Affairs

BIHIRA ang isyung hindi nababalita ng midya dito sa Pilipinas, na tinaguriang isa sa ‘pinakamalaya’ sa buong Asya. Pero noong nakaraang taon, nakalusot sa midya ang pagpasa ng Senado sa Right of Reply Bill (RORB). Umabot lamang ng tatlong buwang deliberasyon, tahimik at mabilis ang pag-usad ng nasabing panukalang batas sa Kongreso.

Ipinapanukala ng Senate Bill 2150 o RORB na gawing mandatoryo ang paglathala o pagbrodkast ng midya sa reply o tugon ng sinumang naagrabyado sa kanilang inilabas na mga balita o komento sa dyaryo, TV, radyo, o Internet. May mabibigat na parusa—multa, pagkakakulong, hanggang sa pagsasara—para sa mga entidad ng midya na hindi tutupad.

Bumoto ang lahat ng 21 senador nang pabor sa SB 2150 na inihain ni Sen. Aquilino Pimentel, Jr. Samantala, sa Kamara, inihain ni Negros Rep. Monico Puentevella ang House Bill 3306, bersiyon nito ng RORB. Nakapasa na sa ikalawang pagbasa ang HB 3306. Kamakailan, inihayag ni House Espiker Prospero Nograles na wala siyang magagawa kundi ipasa ang HB 3306.

Pero makaraan ang ilang araw, nagsama-sama ang pinakamalalaking entidad ng midya at grupo ng mga mamamahayag para irehistro ang mariing pagtutol sa panukalang batas na anila’y nagbabadya ng wakas ng malayang pamamahayag.

Libreng publicity

Nagpahayag ng nagkakaisang pagtutol sa RORB ang mga mamamahayag at organisasyon ng mga mamamahayag, sa isang press conference kamakailan. Pinangunahan ito ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), at dinaluhan ng mga representante mula sa mga TV network na ABS-CBN, GMA, at ABC 5; mga pahayagan na Philippine Daily Inquirer at Business World; at organisasyong Philippine Press Institute (PPI) at Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).

Paliwanag ni Atty. Neri Colmenares, pangkalahatang kalihim ng National Union of People’s Lawyers, dahil idinidikta ng panukalang batas kung ano ang dapat at hindi dapat ilabas ng midya, isa itong porma ng prior restraint. Ipinagbabawal sa ilalim ng Konstitusyon ang prior restraint at anumang batas na sumusupil sa malayang pamamahayag.

Malabo (vague) at malawak din umano ang mga probisyon ng panukalang batas. Ayon sa RORB, may karapatan tumugon ang mga indibidwal na “direkta” o “di-direkta” na “inaakusahang gagawa, may intensiyong gumawa, o nakagawa ng krimen”; gayundin ang mga “nakakatanggap ng kritisismo sa pamamagitan ng pasaring, suhestiyon, o tsismis (innuendo, suggestion, or rumor) para sa anumang maling pag-uugali (lapse in behavior) sa pampubliko o pribadong buhay.”

“Hindi malinaw ang mga elemento nito. Sino ang maghuhusga kung ano ang ‘innuendo, suggestion, or rumor’ o ‘lapse in behavior’?” ani Colmenares.

Dagdag niya, walang pangangailangan para sa RORB. Nariyan na ang batas sa libelo,  legal na rekurso ng mga indibidwal na may pakiramdam na inagrabyado sila ng midya. “Bakit pa natin dadagdagan ang mapanupil na mga batas na ginagamit na ng mga nasa kapangyarihan para patahimikin ang kanilang mga kritiko?” ani Colmenares.

Sa Estados Unidos, idineklara na ng Korte Suprema ng labag ang RORB sa kanilang konstitusyon, batay sa kaso noong 1974 ng Miami Herald vs. Tornillo.

Samantala, may batas hinggil sa ROR sa ilang mga bansa sa Europa, pero mandatoryo lamang sa midya na ilathala o ibrodkast ang mga reply kapag mayroon lamang mga error of fact, o mali sa datos, ayon kay Ed Lingao ng ABC. Kaiba ito sa RORB na nakasalang sa Kongreso, kung saan hindi mo kailangan maging mali para magkasala, aniya.

Pahayag ng CMFR sa wikang Inggles, “Pahihinain ng RORB ang kapasyahang editoryal para magdesisyon kung ano ang ilalathala o hindi…Pero ni hindi kinakailangan ng ebidensya [ng di-makatarungan at di-balanseng pag-uulat]…Sapat na na may akusasyon at pasaring na nagawa…”

Ayon sa RORB, kung saang parte inilabas ang istoryang inirereklamo, doon ilalagay ang reply. Halimbawa, kapag lumabas ang istorya sa front page ng isang dyaryo, doon din ilalabas ang reply. Kung sa unang pasok ng mga balita sa TV o radyo lumabas ang nirereklamong istorya, doon din ilalabas ang tugon.

Nag-aalala ang CMFR na mauuwi ang mga tugon sa “libreng publicity” o paglabas sa midya, na problematiko lalo’t maraming pulitiko ang naghahabol nito sa 2010 halalan.

Ito rin ang pagtingin ng NUJP. “Papalapit na ang eleksiyon at makikinabang lamang sa ganitong batas ay ang mga umiiwas sa kritisismo at nais kumopo ng espasyo sa midya,” sabi ni Nonoy Espina, bise-presidente ng NUJP.

Takot sa hanay ng midya

“Bahagi ito ng isang kampanya para takutin ang ating hanay,” ayon naman kay Jessica Soho ng GMA News and Public Affairs, na tinawag din ang RORB na “isang akto ng terorismo laban sa midya.”

Ayon sa pahayag ng GMA sa wikang Inggles, “Sa panahong dapat pinakamatapang, pinakamapangahas, at pinakamasinsin ang midya, ang takot sa right-of-reply claims ay magreresulta sa chilling effect sa hanay ng mga editor at news manager.”

Hindi biro ang parusang ipapataw sa sinumang entidad ng midya na lalabag sa batas sa Right of Reply. Sa dalawang bersiyon ng panukalang batas, may pinakamababang multa na P10,000 sa unang opensa. Sa bersiyon ng Kamara, pinakamataas na multa ang P200,000, kasabay ng 30 araw na pagkakakulong, at malupit pa, pagpapasara ng entidad ng midya o suspensiyon at pagkansela ng prankisa.

Nababahala ang CMFR na higit na maaapektuhan ang awtonomiya ng maliliit na entidad ng midya sa mga komunidad. Mapipilitan umano ang mga itong pagbigyan ang hiling ng bawat grupo at indibidwal para maiwasan ang pagmumulta, pagkakakulong, at pagpapasara.

Nagkakaisa ang mga mamamahayag na sapat ang nakatayong mga mekanismo ng pagbabantay-sa-sarili (self-regulation) ng midya. Nariyan ang Philippine Press Councils kung saan maaaring magsampa ng reklamo laban sa mga dyaryong miyembro ng Philippine Press Institute. Nariyan din ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na maaaring utusan ang mga miyembro nitong midya na ibrodkast ang tugon ng sinumang may pakiramdam na naagrabyado.

Sa dayalogo kay Pimentel sa Kapihan sa Sulo kamakailan, sinabi ni Hernan Basbaño, presidente ng KBP, na sa mahigit-kumulang 800 reklamong kanilang natatanggap sa bawat taon, wala pang estasyon ng TV o radyo na tumangging ibrodkast ang tugon ng umano’y naagrabyado. Patunay umano ito na hindi na kailangan pa ang RORB.

Ayon pa sa pahayag ng Malacanang Press Corps (MPC), dagdag na pabigat lamang ang RORB sa mga mamamahayag na patunayang patas ang kanilang mga istorya. “Bilang pangkalahatang alituntunin, kinukuha ng mga mamamahayag ang kabilang panig ng istorya bago ito isumite o ibrodkast. Kung hindi ito posible, sinisiguro ng mga editor at station manager na nailalathala o naibobrodkast ang kabilang panig, o klaripikasyon, sa susunod na araw. Kung pakiramdam pa rin ng indibidwal na naagrabyado siya ng istorya, maaari niyang kasuhan ang mamamahayag,” sabi ng MPC sa wikang Inggles.

Dagdag ng NUJP sa unified statement laban sa RORB sa wikang Inggles, “Naiintindihan namin ang pagkainis at galit nina Pimentel at Puentevella sa pagtanggi ng ilang mga entidad ng midya na ilabas ang kanilang panig sa mga isyu…Pero tayo makakapayag na ang kasalanan ng iilan ang gagawing dahilan para sa lahatang pagsupil ng malayang pamamahayag. Kung mangyayari ito, mananaig ang masamang pamamalakad sa gobyerno.”

Daan-daang mamamahayag na ang pumirma sa unified statement na nananawagan kina Pimentel at Puentevella na bawiin ang sponsorship ng RORB. Ikinalulungkot ng grupo na isang kilalang tagapagtaguyod ng mga kalayaang sibil (Pimentel) at dating taga-midya at presidente ng Negros Press Club (Puentevella) ang sila pang nagtutulak ng panukalang batas.

Pagbasura, di pag-amyenda

Simula nang irehistro ng mga taga-midya ang kanilang pagtutol sa RORB, binawi na nina Senador Loren Legarda (isang dating mamamahayag), Francis “Chiz” Escudero, at Manuel “Mar Roxas” ang kanilang suporta. Inihayag na rin nina Pimentel at Puentevella na bukas sila sa mga pag-aamyenda sa panukalang batas nang maging “maluwag” at “katanggap-tanggap” ito sa midya.

Ayon naman kay Nograles, ipagpapaliban niya ang botohan sa plenaryo sa RORB hangga’t hindi napapaupo sa isang dayalogo ang mga mamamahayag na tumututol dito.

Maging ang Malakanyang, sinabi na maaaring i-veto o harangin ni Pangulong Arroyo ang RORB kung makakasagka ito sa malayang pamamahayag.

Sa mga panukalang pagbabago ni Puentevella, tinanggal ang mga salitang innuendo, suggestion, or rumor sa depinisyon ng kritisismo.

Hindi na rin inoobliga ang midya na ilabas ang tugon sa parehong espasyo kung saan lumabas ang inirereklamong istorya. Para sa mga dyaryo, maaari itong ilabas sa mga espasyong nakalaan para sa mga tugon. Para sa mga radyo at TV, kailangan lamang na ilabas ito sa parehong programa.

Binabaan din ang multa sa pagkakasala. Inalis ang pagkakakulong at pagpapasara sa entidad ng midya, pero ipinanatili ang parusang pagsuspindi sa prangkisa.

“Tiwala ako na sasang-ayon ang Senado sa mga pagbabago sa bersiyon ng Kamara sa RORB kapag nagpulong ang bicameral conference committee,” sabi ni Puentevella.

Pero ayon sa NUJP, dapat tuluyang ibasura, at hindi lamang amyendahan ang RORB na nananatiling “mapang-abuso at mapaniil.”

“Hindi uubra ang pagpapalamya nito. Hindi uubra ang pagpasa nito [sa Kongreso] para lamang ito’y maharang at may matawag na ‘tagapagtanggol ng malayang pamamahayag’,” sabi ni Espina, na tila tinutukoy si Pangulong Arroyo sa huli.

Binatikos din MPC ang hindi pagiging matapat ng mga mambabatas sa kanilang mga intensiyon. “Parang kumbinyente (convenient) na lamang para sa mga mambabatas na binawi ang kanilang suporta sa panukalang batas na sabihing tagapagtaguyod sila ng malayang pamamahayag. Sinisisi pa nila ang midya na umano’y di nagsalita ng mas maaga.”

Walang grupo ng midya na naimbitahan sa mga pagdinig sa RORB ng mga komite sa Kamara at Senado, ayon sa NUJP. Nananawagan ang mga mamamahayag na magkaisa hindi lamang ang kanilang hanay, kundi ang sambayanang Pilipino, laban sa panukalang batas na umano’y higit sa lahat ay atake sa karapatan ng mga mamamayan sa malayang daloy ng impormasyon.

Pahayag nga ng beteranong mamamahayag na si Jose Pavia, tagapangulo ng PPI, “Kayong mga mamamayan ang dapat sama-samang magtanggol sa malayang pamamahayag, dahil kayo po ang mawawalan ng karapatan na malaman ang mga nangyayari sa ating lipunan.”