Kapag walang nagbabantay sa halalan


Hi-tech na sa wakas ang halalan sa 2010. Pero posibleng maging hi-tech na rin ang dayaan, lalo pa sa isang gobyernong diumano’y walang kredibilidad sa taumbayan.

TATLO hanggang limang araw matapos bumoto, malalaman na kung sinu-sino ang susunod na mga pinuno ng bansa. Pangako ito ng Comelec (Commission on Elections) sa tuloy na tuloy nang pagpapatupad ng automated elections sa 2010.

Inaprubahan kamakailan ni Pangulong Arroyo ang P11.3 Bilyong karagdagang badyet para sa automated elections. Ang paghahanap ng gobyerno ng mga kompanyang magsusuplay sa mga makina at magdidisenyo sa sistemang gagamitin sa halalan, inilarga rin.

Pero nababahala ang mga election watchdog o grupong nagbabantay sa halalan sa balak na pagpapatakbo ng gobyerno sa kauna-unahang automated elections sa kasaysayan. Anila, oo nga’t bibilis ang bilangan ng boto. Pero anila rin, hindi mababawasan ang dayaan. Bagkus, maaari pa nga itong maging mas madali at malawakan.

Kakayahan ng Comelec

Sinubok ng Comelec ang automated elections sa rehiyon ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) noong Hulyo nakaraang taon. Ginastusan ng P867 Milyon ang dalawang uri ng teknolohiyang ginamit dito—ang Direct Recording Electric (DRE) sa Maguindanao at Optical Mark Reader (OMR) sa iba pang mga probinsya ng ARMM.

Sa DRE, boboto ang mga botante sa pamamagitan ng pagpindot sa pangalan at litrato ng mga kandidato na naka-display sa screen ng computer. May biometric scanning ang makina para magsiguro ang identidad ng bawat boboto.

Samantala, sa OMR, sa halip na isulat ang pangalan ng mga iboboto, bibilugan o mamarkahan ito ng mga botante sa mga balotang espesyal na minanupaktura. Babasahin ang mga balota ng isang makinang gumagamit ng optical scanning.

Automated ang pagbibilang (tallying) ng mga boto sa presinto at pagkakanbas (canvassing) nito sa mga munisipalidad at probinsya—kaiba sa manwal na pagbibilang na tumatagal ng mahigit isang buwan. Pero maraming problemang teknikal at prosedyural ang bumagabag sa dalawang teknolohiyang ito nang subukan sa halalan sa ARMM.

Sa DRE, nahuli ang botohan dahil hindi alam ng mga Board of Election Inspectors (BEI) kung paano patakbuhin ang mga makina. Depektibo o di kaya’y biglaang nagsara (shutdown) rin ang ilan sa mga makinang ito. Sa maraming mga pagkakataon, kinailangang umayuda sa botante ng mga tagalabas na “ekspertong teknikal.”

Samantala, ilang kaduda-dudang pagbubura at pagpapalit ng sagot ang naitala sa OMR. Aksidenteng nagagasgasan o nadudumihan ng mga botante ang mga balota na naging sagka sa pagbasa ng mga ito ng makina. Aksidente ring napupunit ng mga BEI ang bar code ng balota na nagiging invalid o walang bisa.