Tanggalan sa gobyerno: nagsimula sa 17, aabot sa libu-libo

February 2, 2009

HINDI lamang sa pribadong sektor uso ang tanggalan, kundi maging sa gobyerno.

Nitong Enero 5, kinumpiska ng manedsment ng Intramuros Administration (IA) ang timecard ng 17 sa kanilang pinakamatatagal na nanilbihang empleyado. Dahil nilabanan ng nasabing mga empleyado ang higit pang pagpapababa sa kanilang status bilang mga kaswal, sinibak sila ng manedsment sa trabaho.

Sibakan sa Intramuros

Sa harap ng Palacio del Gobernador, kasalukuyang nakapiket ang mga miyembro ng Intramuros Administration Casual Employees Association (IA-CEA). Ang ilan sa kanila, gaya ng 49-anyos na si Morie Azura, ang muling nagtayo ng mga pader ng Intramuros na naggiba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Umabot sa 29 na taon nang nagtatrabaho si Mang Morie sa IA, simula halos nang maitatag ito noong 1979. Kaya naman hindi niya matanggap nang alisin sila sa plantilla ng manedsment noong nakaraang taon at sinabihang tumanggap na lamang ng mga job order. Sa ilalim ng job order, walang relasyong employee-employer kaya’t walang kahit anumang benepisyo at seguridad sa trabaho.

“Hindi kami pumayag na sa tagal namin sa serbisyo ay ganoon na lamang ang gagawin sa amin,” sabi ni Mang Morie.

Katuwiran ng IA, natuklasan ng Commission on Audit na kinarga ng gastusin para sa Miscellaneous and Other Operating Expenses (MOOE), sa halip na sa Personnel, ang mga suweldo at benepisyo ng mga empleyado. Pero ayon sa IA-CAE, hindi sila ang dapat managot sa kapabayaan ng manedsment. Isa pa, hindi naman umano iniutos ng COA na bigyan na lamang sila ng mga job order.

Noong Hulyo 2008, nagsagawa ng kilos-protesta ang 43 empleyado—karamiha’y mga hardinero, karpintero, at gumagawa ng iba pang trabahong maintenance sa Intramuros sa loob ng 15 hanggang 30 taon.

Sa halip na pakinggan ng manedsment ng IA, sa pamumuno ni Administrador Bambi Harper, sinabihan silang hindi na ire-renew ang kanilang mga kontrata at pumirma na lamang ng job order, na tumatagal lamang ng isa hanggang dalawang buwan. Napilitang pumirma ang karamihan; pero ang 17, nanindigan.

“Isang malaking kawalang katarungan ang ginawa sa amin ng IA. Sa loob ng mahabang panahon, nagtiis kami sa aming trabaho kahit walang karampatang benepisyo dahil dito lamang kami umaasa upang mabuhay. Paano na ang aming mga pamilya ngayon?” sabi ni Rolando Salcedo, presidente ng IA-CEA.

400 pa nakatanggap ng notice

Ang “masahol” na ginawa sa mga empleyado ng IA ay nababantang maulit nang ilang beses ngayong 2009, ayon sa mga grupong Tanggol Trabaho hindi Tanggalan sa Trabaho (Tanggol Trabaho) at Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage).

Tinatayang nasa 3,500 hanggang 8,000 empleyado ng gobyerno ang nakahanay sa sibakin sa unang kuwarto pa lamang ng taon, ayon sa datos ng mga grupo.

Kabilang sa apektadong mga ahensiya ang National Food Authority, Quedan Rural Credit and Guarantee Corporation, Bureau of Customs, Philippine Ports Authority, National Parks Development Committee, Department of Social Welfare and Development, at Department of Environment and Natural Resources.
May 400 empleyado sa mga ahensiyang ito ang nakatanggap na ng notice noong Enero na kabilang sila sa matatanggalan ng mga trabaho, ayon kay Ferdinand Gaite, tagapagsalita ng Tanggol Trabaho at pambansang tagapangulo ng Courage.

Bahagi pa rin umano ito ng pagpapatupad sa Executive Order 366 o rasyunalisasyon ng burukrasya. Layon ng kautusang ito na pinirmahan ni Pangulong Arroyo noong 2004, na bawasan ng mahigit 30 porsiyento ang bilang ng kabuuang 1.4 milyong empleyado ng gobyerno.

Sa gitna ng pandaigdigang krisis sa pinansiya na nagdudulot ng malawakang tanggalan sa pribadong sektor at maging sa labas ng bansa, lalong bantulot ang mga empleyadong masisibak mula sa gobyerno.

“Ano ang maghihintay sa amin? Walang trabahong mapapasukan. Hindi ka rin makapagtatayo ng maliit mang negosyo. Ang masama pa nito, ang mga kawani sa mga ahensyang naunang nagpatupad ng EO 366 at napilitang magretiro ay hindi pa natatanggap hanggang ngayon ang sinasabing retirement pay,” sabi ni Gaite.

Paliwanag ni Gaite, ang polisiya ng malawakang tanggalan sa gobyerno ay bahagi ng pagpapaloob ng gobyernong Arroyo sa neo-liberal na globalisasyon kung saan isinasapribado na lamang hangga’t maaari ang mga tungkulin at gawain ng gobyerno.

Habang hindi pa buong-buo na maisapribado ang ahensiya, gaya ng sa IA, outsourcing ng trabaho ang unang ginagawa—nang walang pakundangan para sa mga empleyado na deka-dekada na sa serbisyo.

Paalala sa gobyernong Arroyo

Noong Enero 28, magpoprotesta sa Plaza Salamaca sa Taft Ave., Maynila, at Elliptical Road sa Quezon City ang mga miyembro ng Tanggol Trabaho at Courage, para ipaalala sa gobyernong Arroyo na hindi lamang ang mga masisibak sa pribadong manggagawa at nagsisiuwiang mga Overseas Filipino Worker ang dapat niyang atupagin, kundi maging ang tanggalan sa sarili niyang bakuran.

Sa ngayon, tigil muna sa pag-aaral ang isang anak ni Mang Morie. Sumasakit na rin umano ang kanyang ulo sa kakaisip kung papaano itatawid sa pang-araw-araw ang kanyang pamilya. Pero hindi siya nagsisising ipinaglaban ang kanilang mga karapatan.

“Talagang napagkasunduan namin na hindi puwede ang ganitong sistema sa opisina…at maging sa buong gobyerno,” aniya, determinadong manatili sa harapan ng Palacio del Gobernador, sa loob ng mga pader na kanyang mga kamay mismo ang nagtayo, hangga’t maibalik sila sa trabaho.